Bakit? totoo naman ah?–bulong ko lamang sa aking isip. Sanay narin naman ako sa kaniya, ginagawa niyang biro ang lahat kahit pa napaka obvious naman na gusto ko siya, hahanginin parin ang mga salita ko't hindi man lang siya matatablahan. Taon na rin ang binilang pero hindi kailanman ako naka lucky strike sa kaniya. Sabi ng Angulo sa salita rin daw mababasa ang bawat pintig ng damdamin, pero kay Zarah hindi, basketball player niya akong itinuring, hilig ko raw ang mambola pero hindi ako naka points ni' minsan sa kaniya.
First time ko daw ma-late, simpleng bagay na 'yon ay napansin n'ya. Hindi naman dahil sa nagsawa na akong agahan ang pagdating para makatabi sa kaniya, pinagpuyatan ko kasi kagabi ang isang napakahalagang sulat, sulat na maikli lang ang nilalaman ngunit buong gabi kong pinagisipan kung ipaparating ba at ipababasa sa kaniya, kay Zarah.
"Huy, tara na!?" yaya n'ya sa akin sa pagdating ng aming shuttle service. Natulala kasi ako sa sandali habang iniisip kung tama ba ang nakatakda kong gawin. Do or die situation ito, kung sakaling maging mapaglaro parin sa akin ang tadhana, siguro ay oras na nga para putulin ang paghanga, alam kong magiging mahirap ngunit kailangan kong kalimutan na minsan kong sinubukan, ang mahalaga naman eh nag try, wala namang nananalo na hindi man lang lumaban.
Bukas ang bintana ng van, isinayaw ng hangin ang buhok niya sa aming pagsakay. Hindi naman masikip ngunit ipinagsiksikan ko parin ang sarili, umaasang mabigyan ng pagkakataong kumasya ako sa puso niya. Nakangiti siyang lumingon sa akin. Palitan ng tingin na tila ba sa isa't-isa'y may malalim na ibig sabihin. Ako? isa lang ang alam ko, nakatitig ako ngayon sa babaeng mamahalin ko ng totoo ng kahit pa pang habang buhay.
"Ito ba ang slogan entry mo?" biglang banggit n'ya nang mapansing nakasilip ang dilaw na papel mula sa bulsa ng aking damit. Nawala sa isip ko, may quality slogan competition nga pala ang aming kumpanya, hindi rin naman ako nagkainteres na sumali nung narinig ko 'yon kahapon, ayoko lang tumulad sa kanila na gumagawa ng motivation words na hindi naman nila talagang nasusunod at ginagawa, plastik sa madaling sabi. Ang gabing pagiisip at pagsulat sana ng slogan ay ginamit ko nalang sa pagpapalipad ng isip, isinulat kung ano ang nasa damdamin, mga salitang kaya kong patunayan, at sinabing hindi ko pagsisisihan.
Nagulat ako at wala naring nagawa nang madaling kinuha ni Zarah ang papel sa bulsa ng aking damit. Binasa niya 'yon sa pagaakalang korning slogan ang ikinahihiya kong ipakita, hindi n'ya alam ay korning pagtatapat ko 'yon ng pagibig ko sa kaniya. "Maaaring huling beses ko na itong kukulitin ka Zarah. Pero maniwala ka sana sa sasabihin ko, Mahal Kita :)"
Ibinaling ko ang tingin sa kabilang dako sa takot na makita ang reaksyon niya sa nabasa, matatawa ba siya, magugulat, maiiyak, mauutot, o kung ano pa ba, basta. Pero nagulat ako sa ginawa niya, matagal na katahimikan kaya lumingon akong pabalik sa kaniya, ang maliit na papel yakap-yakap niya sa kaniyang dibdib, nakita kong naka ngiti siya habang marahang ipinikit ang kaniyang mga mata, mga sandali 'yon na hindi ko malilimutan, isinandal niya ang ulo sa aking balikat at sinabing "Answeet mo namang magpaiyak".
nice... sweet ang story hehehe... saka maganda ang pagkakalahad... mahusay ang pagkakasulat...
ReplyDeletesalamat sir jon hehehe.. akala ko nga ang kalalabasan eh korni, kasi masyadong maiksi pala yung tinutukoy na sulat hehe..
Deletemaraming salamat po sa pagbabasa ^__^