Sunday, October 28, 2012

Shopping Cart


Nakita kita doon, napaka ganda mo parin kahit pa may anak ka na, taglay mo parin yung dati, yung dahilan kung bakit ka crush ng maraming kalalakihan sa skwela. Swerte ko talaga non, hindi ko rin akalain ako pa ang mapipili mo sa dami ng taga hanga mo, mabait lang talaga siguro ang tadhana sa akin noon 'di tulad ngayon na puro kamalasan ang dumidikit sa balat ko. Mabuti ka pa, sa ngiti ng mga mata ay halatang masaya ka, kaya naman ansarap magnakaw ng mga tingin sa'yo, ingat lang ako sa pagtatago sa likod ng naglalakihang Pampers dahil baka mapansin mo ako't mahuli, lagot kung magkataon.

One hit wonder ako noon dahil sinwerte lang sa'yo nung minsan ang kinalabasan ko, pinagsisihan ko ang lahat, kung bakit ba napabayaan ko ang oras ko para sa'yo, kung bakit hindi ko sinunod ang mga payo ng pagaalala mo, lahat-lahat, pinagsisisihan ko kung bakit nawala pa sa akin ang isang tulad mo. Seryoso ka pala nung gabing 'yon, matagal mo na palang gustong sabihin sa akin, dun sa gabing 'yon na pinaghandaan ko pa, gabi ng monthsary natin ang dumurog sa damdamin ko. Akala ko maaayos din naman ang lahat, akala ko may pagasa pa, pero unti-unti kang napalayo sa akin, hanggang sa dumating ang oras na hindi na kita makayang abutin.

Katulad din ngayon, malapit lang tayo sa isa't-isa ngunit napakalayo ng pagasang mapuna mo ako't mabigyang pansin kung iyo mang makita. Bakit ba kasi ganito ako magisip? anim na taon na rin ang nakalipas ah? langya, inlab parin yata ako ah. Ganon na nga, hindi ko rin naman maipagkakaila, simula naman noong maghiwalay eh hindi nawala sa akin 'yon. Kahit natapos na ang saglit na naisakatuparang panaginip ko tinuloy ko parin ang pangangarap na minsang mapagbibigyan akong muli na magka puwang sa puso mo.

Tumawag sa akin si kuya na nagpapabili ng alak para sa kaarawan niya at nangungulit pa, nawala ka tuloy sa paningin ko't hindi na napansin kung saang banda ng department store nagpunta. Naalala mo pa kaya si kuya? magkasundong magkasundo kayo noon dahil ikaw yung malakas n'yang kalaban sa inuman ng beer, hindi nga s'ya makapaniwala non na mas malakas ka pang uminom sa akin, tapos tatawanan mo pa ako kapag panay ang paalala ko na baka lumaki ang tiyan mo, totoo naman daw yung ganon 'diba? lagi mo pa akong niyayaya na uminom pa, 'yun pala inaabangan mo lang ang panibagong persona na ibinibigay sakin ng alkohol, nagiging maingay kasi ako, malakas ang loob at sweet, napakalayo sa tahimik at mahiyain kong ugali.

"Hi Aldrin" nagulat talaga ako. Nandyan ka na pala sa tabi ko, mumuntikan ko pang mabitawan ang alak na pinagiisipan kung ilalagay ba sa shopping cart na tulak-tulak ko. Hi Aldrin? ayan din yung unang una mong sinabi sa akin sa text, nawalan pako ng pagasa baka kasi mali yung binigay ng mga classmate mo na number sakin kaya 'di ka nagrereply, yun pala wala kang sariling cellphone, sa mommy mo pala 'yon. Hindi maintindihan ang tuwang rumagasa sa akin nung nagtext ka, takbo naman agad ako sa tindahan para magpaload at mareplyan ka.

Malakas kasi ang loob ko kapag sa text lang, ngayong kaharap kita hindi ko malaman ang sasabihin lalu pa't antagal din nating 'di nagkita at nagkausap. Naku naku alak nanaman yang hawak mo ah–sabi mo sakin hindi pa man ako nakakapag salita. May kung ano pang ipinahihiwatig ang kilay mo sa akin na parang gustong magpabalik ng alak sa stand nito. Inagaw mo naman, at doon inilagay sa shopping cart mo, nagkaroon tuloy ako ng token para makapagsalita sa'yo. "Ikaw ah, lasengga parin ba? hehe"

"Hindi naman sakin 'to eh" sagot mo sabay dumila pa na parang bata, parang noon kapag hindi ko mahanap ang kiliti mo. Mabuti at magaan ang pagkikita natin, hindi katulad noong sariwa pa sa mga isipan natin ang nangyaring hiwalayan, parang napadaan na hangin lang ako sa'yo habang iniisip ko kung gaano kalalim ang galit mo sa akin, panghihinayang ang sa mga mata ko'y nagpapatong ng kalungkutan.

"Anak mo? Saan ang punta n'yo? Uwi na ba kayo pagtapos mamili dito?" andami kong tanong, at pansin mo naman 'yon kaya agad mo akong tinawanan. Mautal-utal pa nga ako at halatang kabado sa bawat kong salita. "Sino pala napangasawa mo?"

"Bakit parang kabado ka magsalita? Crush mo padin ako noh.. hihi" habang biro lang sa'yo ang sinabi mo, ako naman ay halos mapayuko na sa hiya, ibig kong sabihin halata ba? ang ganda mo parin kasi at halos walang nagbago sa'yo, ikaw parin yung dating Yuneice. Uso na ang pickup lines ngayon pero sa tagal ng pagikot-ikot natin ay wala akong naisip. Ang alam ko lang, masaya akong makasama ka ulit, kahit salit lang oks na oks na 'yun, napaka saya ko na sa simpleng pagkikita natin. Sumakay pa nga ako sa sinabi mo at sinabing–oo gusto parin kita, ikaw kasi eh, aga mo lang nagasawa.

"Ibig mong sabihin labs mo parin ako hanggang ngayon? Eh pag lumaki ba tiyan ko labs mo parin ako?"

"Oo naman noh" kahit pa biruan ang nangibabaw sa atin sa araw na 'yon tila tinotoo ko sa akin ang bawat salita. Habang kasama kita, sinulit ko ang mga ngiti mo na malaya kong nasusulyapan, talagang nakakainlab at 'di ko mapigilang muling manghinayang sa mga araw natin na nasayang.

Sabay natin itinulak ang ating mga shopping cart palabas ng store, sa kulitan at biruan ay 'di mapigilan. Wow mayroon ka pang sariling sasakyan ngayon, mas nakaangat ka pa sa akin sa buhay kahit siyam na buwan akong nagpakahirap sa Saudi walang kinatas na tulad ng mga ganyan ang aking pagwewelding. Office girl ka na nga pala noong umalis ako at malamang ngayon ay mataas ka na. Ngayon kailangan nanaman natin muling magpaalam sa isa't-isa, kusa pang sumipol ang sasakyan mo sa paglalapit natin. Inabot mo ang bote ng alak sa akin mula sa iyong shopping cart. Niyakap mo ako na para bang hindi lang ako ang nakamiss sa'yo, may nalungkot 'din naman sa pagkawala ko.

"Ikaw na ang magdala ha? regalo ko yan kay kuya mo, akala n'yo nakalimutan ko noh? kita tayo dun ha? isave mo ako ng upuan, gusto ko tabi tayo ha hehe. sabay na sana tayo eh, hatid ko muna kasi tong pamangkin ko." Sa pagalis mo antagal kong nakatayo sa initan "Wow" hanggang doon ay hindi parin makapaniwala. Mamaya aayusin ko ang lahat–bulong kong pagkumbinsi at pagganyak sa sarili habang tulala parin. Ayan tuloy gumulong na pala papalayo ang shopping cart ko. Kaya bigla akong kumengkoy sa pagtakbo.



Friday, October 26, 2012

Bukas Nalang Ulit



Bukas nalang ulit ako sayo mangungulit
Hindi ako magsasawang magpaulit-ulit
'Yon ay hanggang sa pagibig mo'y makamit
Makata kong wika sa pagbaba natin ng jeep


Sunday, October 21, 2012

A Slogan Story


"May naisip ka na?" pambungad na tanong niya sa akin nang dumating ako sa pick-up point ng shuttle service ng aming kumpanya. Hindi ko naman alam kung ano ang ibig n'yang sabihin, ano ba kasing dapat kong isipin? kaya ang nasabi ko nalang–oo buong gabi kaya kitang inisip. Patunay pa nga ang eyebags ko sa sinabi kong 'yon. Napangiti tuloy siya, bahagyang tinapik ang aking braso at sinabing–answeet mo namang magpatawa.

Bakit? totoo naman ah?–bulong ko lamang sa aking isip. Sanay narin naman ako sa kaniya, ginagawa niyang biro ang lahat kahit pa napaka obvious naman na gusto ko siya, hahanginin parin ang mga salita ko't hindi man lang siya matatablahan. Taon na rin ang binilang pero hindi kailanman ako naka lucky strike sa kaniya. Sabi ng Angulo sa salita rin daw mababasa ang bawat pintig ng damdamin, pero kay Zarah hindi, basketball player niya akong itinuring, hilig ko raw ang mambola pero hindi ako naka points ni' minsan sa kaniya.

First time ko daw ma-late, simpleng bagay na 'yon ay napansin n'ya. Hindi naman dahil sa nagsawa na akong agahan ang pagdating para makatabi sa kaniya, pinagpuyatan ko kasi kagabi ang isang napakahalagang sulat, sulat na maikli lang ang nilalaman ngunit buong gabi kong pinagisipan kung ipaparating ba at ipababasa sa kaniya, kay Zarah.

"Huy, tara na!?" yaya n'ya sa akin sa pagdating ng aming shuttle service. Natulala kasi ako sa sandali habang iniisip kung tama ba ang nakatakda kong gawin. Do or die situation ito, kung sakaling maging mapaglaro parin sa akin ang tadhana, siguro ay oras na nga para putulin ang paghanga, alam kong magiging mahirap ngunit kailangan kong kalimutan na minsan kong sinubukan, ang mahalaga naman eh nag try, wala namang nananalo na hindi man lang lumaban.

Bukas ang bintana ng van, isinayaw ng hangin ang buhok niya sa aming pagsakay. Hindi naman masikip ngunit ipinagsiksikan ko parin ang sarili, umaasang mabigyan ng pagkakataong kumasya ako sa puso niya. Nakangiti siyang lumingon sa akin. Palitan ng tingin na tila ba sa isa't-isa'y may malalim na ibig sabihin. Ako? isa lang ang alam ko, nakatitig ako ngayon sa babaeng mamahalin ko ng totoo ng kahit pa pang habang buhay.

"Ito ba ang slogan entry mo?" biglang banggit n'ya nang mapansing nakasilip ang dilaw na papel mula sa bulsa ng aking damit. Nawala sa isip ko, may quality slogan competition nga pala ang aming kumpanya, hindi rin naman ako nagkainteres na sumali nung narinig ko 'yon kahapon, ayoko lang tumulad sa kanila na gumagawa ng motivation words na hindi naman nila talagang nasusunod at ginagawa, plastik sa madaling sabi. Ang gabing pagiisip at pagsulat sana ng slogan ay ginamit ko nalang sa pagpapalipad ng isip, isinulat kung ano ang nasa damdamin, mga salitang kaya kong patunayan, at sinabing hindi ko pagsisisihan.

Nagulat ako at wala naring nagawa nang madaling kinuha ni Zarah ang papel sa bulsa ng aking damit. Binasa niya 'yon sa pagaakalang korning slogan ang ikinahihiya kong ipakita, hindi n'ya alam ay korning pagtatapat ko 'yon ng pagibig ko sa kaniya. "Maaaring huling beses ko na itong kukulitin ka Zarah. Pero maniwala ka sana sa sasabihin ko, Mahal Kita :)"

Ibinaling ko ang tingin sa kabilang dako sa takot na makita ang reaksyon niya sa nabasa, matatawa ba siya, magugulat, maiiyak, mauutot, o kung ano pa ba, basta. Pero nagulat ako sa ginawa niya, matagal na katahimikan kaya lumingon akong pabalik sa kaniya, ang maliit na papel yakap-yakap niya sa kaniyang dibdib, nakita kong naka ngiti siya habang marahang ipinikit ang kaniyang mga mata, mga sandali 'yon na hindi ko malilimutan, isinandal niya ang ulo sa aking balikat at sinabing "Answeet mo namang magpaiyak".



Saturday, October 13, 2012

Summer Class


Nadaanan ko ang dating lugar kung saan tayo tumatambay tuwing bakante ang klase, naroon parin ang malaking puno at ang palibot n'yang ginagawa nating upuan wala nga lang naglakas loob na maupo dahil ngayon ay katabi na nito ang Filipino Faculty kung saan ubod ng sungit ang mga guro.

Naalala ko yung sinabi mo noon na kung ikaw ay magiging isang guro hindi ka magiging masungit katulad ng iba, tinawanan pa nga kita 'diba? sa akin kasi napaka sungit mo, isang maling hakbang ko'y pangmatagalan mong tampo, hindi naman kita masisisi, pasaway naman kasi talaga ako't matigas ang ulo, mabuti nalang at nariyan ka't itinama ang mga mali ko. Sino nga ba ako kung hindi dumating ang isang katulad mo sa buhay ko? malamang ay nasa hayskul parin ako't napagiwanan ng mga ka-batch ko. Hindi ko naman sinasabing daig mo pa ang Nanay ko, ang totoo nga nagpapasalamat ako, dahil sa haba na ng sungay ko noon may concern pang Anghel na tumulong sa akin at nagpatino.

Namiss ko ang paglalakad dito sa mahaba, at mapunong daan patungo sa Math Building kung saan naroon ang ating silid, ito kasi yung araw-araw kong nilalakad bitbit ang mabigat kong bag na nagmistulang simento ang laman, pagagalitan mo kasi kapag natuklasang isang notebook lang ang pinagkaabalahan ko ditong ilaman. Pati pa nga noong sumapit ang bakasyon ay naging pinetensya ko ang paglalakad patungong Math Bldg. dahil nalamang kulang pala ang grado ko noong first year ay kinailangan ko pang mag take ng Summer Class noong ang bakasyon ay sumapit.

Sayang ang mga araw na dapat sana'y kayakap ko ang aking unan. Okey lang–sabi ko sa sarili, dahil doon kasi ay nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan na may iba't-ibang kwento kung bakit bumagsak sa asignatura na may elemento ng numero't pagbilang, ako naman ay aminadong hindi pinasukan ang asignaturang 'yon at 'di man lang nakilala ang guro ko doon, masyado akong napabarkada noon, nalaman mo pa tuloy ang kasaysayan ng aking unang taon sa hayskul. Pero 'diba nangako naman ako sa'yo na magbabago na ako't iiwan ang dati? natapos ko nga ang summer class na hindi man lang ako isang araw na lumiban.

Kay sarap noon, masaya akong uuwi matapos ang bawat klase sa summer class, tatlong oras lang kasi kaya may pagkakataon pa akong bisitahin ka. Hindi ko pa nalilimutang bilhan ka ng paborito mong proben sa may kanto, tuwing mapapadaan kasi ako doon ay ikaw agad ang pumapasok sa isip ko, natawa pa nga sakin si manong na nagtitinda nung minsan, bakit daw ako tumatawa mag-isa, ang sagot–mayroon kasi tayong masasayang alaala doon sa simpleng lugar na 'yon malapit sa sakayan na tila kumalabit sa akin at nagparamdam, sa lugar na kahit simple at di-tusok lang ang mga pagkain ay naging masaya tayo, alam mo naman ako 'diba? adik ako sa ngiti mo, yan ang ayokong mawala sa'yo, kaya yung makita kang masaya eh lubos na ring kasiyahan sa akin, ayos lang na mabutas ang bulsa kung sukli naman nito'y mga sandaling 'di matatawaran, mga segundong kay sarap balik-balikan. Hiling ko sa itaas, hindi sana isang araw ay maumay ka sa akin, hindi sana isang araw ay maglaho ang nararamdaman mo para sa akin, hindi sana magbago ang 'yong pagtingin.

Napaka swerte ko sa'yo, bukod sa kagandahan mo ay isa pang bagay na hindi ko maipagkakaila. Ako naman talaga ang problema, pagpasensyahan mo na ako kung paminsan ay nagiging pasaway nanaman ako sa'yo. Pero alam mo ba? hindi ko alam ang gagawin kung wala ka, hindi lang pag-ibig ang ipinatuklas at pinaunawa mo sa akin, ikaw ang naging tutor ng aking buhay, utang ko sa'yo kung sinong Charles ba ako ngayon. Isang aral sa buhay ang 'di mo pansin na naituro mo pala sa akin, aral na nagsasabing hindi ka maaaring magmahal kung ang gusto mo lang ay may magmahal rin sa'yo, aral na nagsabi ring dapat kong pahalagahan ang pagmamahal na ibinibigay sa akin. Katulad mo, hindi tamang ikagalit ko pa ang pagiging mahigpit mo sa akin, sa likod ng eyeglasses mo ang madalas na nanlilisik mong mga mata tuwing may nababalitaan kang bago tungkol sakin, sa mga mata mong 'yan alam kong nakatago ang isang natatakot at nagseselos na Christine. Alam kong ikabubuti naman ng tambalan natin ang iyong hangarin, pagpasensyahan mo na kung minsan mali ang mga kilos ko't gawain.

Summer class ngayon ng mga estudyante, binalikan ko ang ating paaralan. Galit ka pa kaya? paumanhin kung kadalasan ay pride ang pinairal ng isang tulad ko na mahina magisip. Huwag sanang matauhan ka't maisip na iwan nalang ako sa isang saglit. Heto't tanaw ko na ang dati nating silid sa Math bldg. kung saan ngayon ikaw ay ganap nang guro at doon ay nagtuturo. Maaabutan pa kaya kita? sana'y hindi pa huli ang lahat. Alam ko namang tapos na ang oras ng klase, ngunit ang aral na hatid mo sa akin ay hindi ko pagsasawaang paulit-ulitin kahit ilang taon pa ang ilakad ng panahon natin. Darating ako't sayo'y makikinig kahit pa ang nandoon ay tayo lamang na dalawa, darating ako't yayakapin ka ng mahigpit, sasabihin sa'yo kung gaano kita kamahal, hindi ko kaya ang mawala ka. Huwag ka nang magalit.



Sunday, October 7, 2012

ABOUT THE AUTHOR~


Ako si Aldrin, este Fruit of Faith at Blindpen nitong Kwentista Blog kung saan ka ngayon ay napadpad. Pamilyar ba sa tenga mo ang ngalan ko? narinig mo na ba sa kung saan ang alias ko? malamang nga ay hindi, sino ba naman ako, just another blogger na hindi lang feeling pogi, sabi nila ay feeling magaling din. Feeling magaling nga ba ang dapat itawag sa akin? maaari nga pero sana hindi ganon ang isipin n'yo sa akin, para sa akin kasi hindi yabang na maituturing kundi tiwala sa sarili, tiwala sa kaya kong gawin, bakit pa nga ba ako susulat kung mamaliitin ko lang at iisiping pangit ang nakatha ng aking isip? ano nga ba ang mararating ng taong wala namang tiwala sa sarili? para mo lang pinagkahirapang itayo ang Christmas Tree niyo sa bahay at sinabing pangit at 'di mo ramdam dito ang christmas spirit, gayung sa mata mo ay maaari mo naman itong lagyan ng mga palamuti't kulay, mula doon ay damhin mo ang tunay na ligaya at kahulugan ng kapaskuhan. Hindi naman kailangang maganda 'diba? bakit hindi natin subukang bigyan kabuluhan at halaga ang kahit maliliit lamang na mga bagay? wala namang mawawala.


Fruit of Faith's Avatar
Milk- from Coffee & TV Video


(Hindi siya yung natisod ha. lol)
Paano nga ba ako natisod sa mundong ito tinawag na Blogosphere? ewan ko ba, isang araw nagising nalang ako tatay na ako, ah este Blogger na ako at sinimulan kong mahalin ang Blogging, sinimulan kong isapuso ang pagsusulat ikinabit ito sa akin bilang isang responsibilidad. Lahat naman tayo may dahilan kung bakit sumusulat, ako? ito kasi ang hilig ko at sa pamamagitan nito ay nagiging tulay ako ng iba upang makatuklas, maligayahan, makadama ng kalungkutan, maging mapagmatyag, maging madamdamin, higit sa lahat ay yung maka pukaw ako ng damdamin. Napakasaya na malamang naka pukaw ka ng damdamin, naka inspire ka ng isang mambabasa, napasaya mo siya at kung anu-ano pa sa pamamagitan lamang ng paghabi sa mga nilalaman ng iyong isipan.

Naalala ko nung una akong sumulat ng Maikling Kwento, sa symbianize.com 'yon. Hindi napansin ang mga gawa ko, sabi ko naman sa sarili–okey lang, kasama na sa pagclick ng Publish ang 50/50 chance na papatok o mabubulok na walang pumapansin sa aking nilikha. Pero maniniwala ba kayo? sa ilalim ng bawat pamagat ng aking kweto at tulang nabuo, isinulat ko ang pangalan ko na ang tanging tinataglay lang naman ay malaking font, isinulat ko 'din ang mga kwento't tulang 'yon sa aking espesyal na notebook. That's how proud i am with my works, ligayang hindi mapantayan na sa akin ang masabing may nahabi akong akda na matatawag kong sa akin, walang paki kung para sa iba ay non-sense itong maituturing.



Old note~ Click to enlarge image

Naglakad pa ang mga araw ng tag-sipon, simpleng college boy lang ako non na ang hobby ay gumawa ng drafts at umaasang makukumpleto ito't kalalabsan ng isa nanamang akda. Pagsusulat sa internet ang aking naging libangan at dahil doon ay nakilala ko ang mga kapwa manunulat na katulad ko ay naniniwalang hindi mahalaga kung pangit ba o cute ang bawat naisusulat, ang importante ay mahalaga (naku mali); ang importante ay naibahagi mo sa iba ang nararamdaman, mga saloobin, at mga bagay-bagay na naglalaro sa iyong isipan sa pamamagitan ng pagsulat. Nanalo ako non sa isang patimpalak nila sa pagsulat ng tula, kalaunan ay ibinigay nila sa akin ang kanilang tiwala, natanggap ako bilang isa sa isang dosenang mga manunulat ng maikling kwento, prosa, tula, sanaysay, atbp. nakasama ako sa grupong San Docena at sa layunin nila. Naging kaisa rin ako sa makulit na tropahang tinawag na Tropang Magnum at proud akong maging kaisa sa unique nilang samahan.


Symbianize Literati : San Docena


Tropang Magnum Facebook Banner

Bilang isa sa San Docena, naging obligasyon ko ang pagsusulat, hinihikayat ang bawat miyembro na sumulat at ibahagi ito para sa mga user at mambabasa ng Symbianize. Hindi na kailangan paulit-ulit pang ipaalala sa akin 'yon ng aming leader na si 
PadrePio, dahil lumubog man ang lupa ay susulat at susulat parin ako. Atin-atin lang ito ha? mentor ko kasing maituturing si PadrePio, para itong GMA Protege kung saan itini-train ng bawat mentor ang kanilang bata. Ganon din kasi ang aking pananaw patungkol sa aming grupo, ang San Docena. Hindi man kami itini-train dahil may kaniya-kaniya naman kaming istilo sa pagsulat alam kong ang panghihikayat sa amin ni Padre na sumulat ng sumulat ay para din sa amin, nais n'yang yakapin namin ang obligasyon at layunin ng grupo, parang Justice League lang 'di po ba? pero never akong magiging rebelde. Hindi ko nga napansin, dahil sa San Docena mas nagliyab pa ang aking hilig sa pagsulat.


PadrePio's Avarar- www.akosipadrepio.com

Dumating na ang panahon at oras. Hindi ng aking pagalis, kundi ng pagsapit ko sa mundo ng Blogging. "Magbasa Muna Tayo" pa ang ngalan non ng blog ko kung saan ipinapaskil ko ang aking mga maikling kwento at tula, umaasang sa pamamagitan ng mga ito ay magsilbi akong inspirasyon at aral sa iba, yung tipong ang simpleng pagbabasa ay kamumulan ng tuwa, lungkot, ngiti, at maglalarawan sa mga mambabasa ng aking nais iparating sa bawat pagtatapos ng storya. Ginamit ko ang aking facebook, forum accounts, pages, at blog sa pagbabahagi ng mga kung anu-anong tumatakbo sa aking mumunting isipan. Naging tulay ang Social Media para maipakita at mailahad ang aking damdamin. Mabuti nalang at hindi ako inosente sa paggamit ng computer kaya madali kong nagagawa ang tinawag nilang sharing.



Kwentista Blog- Sinaunang header

Natisod lamang sa mundo ng Blogging ang isang tulad ko, estudyante ng nakaraan na walang ginawa kundi ang sumulat at sumulat. Gatiting man akong maituturing sa mundo ng panitikan, kahit gabuhok lamang ako dahil sa laki ng iniikutan ng kinabibilangan kong larangan ay hindi ako magsasawang sumubok at patunayan ang aking sarili. Sa pamamagitan ng Social Media, magpapatuloy ako sa pamamahagi ng mga kwento na maaaring magsilbing inspirasyon sa ngayon, bukas, at susunod pang mga henerasyon. Magpapatuloy ako sa paghabi ng mga storya at kuro-kuro na lalarawan sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Ngayon, ikaw ay nasa ikalawang mukha ng aking blog, ako si Fruit of Faith at ito ang aking Kwentista Blog. Ito ang kwento kung ano ang naging tulay para ibigin ko ang blogging, sana kahit papaano, kahit maiksi lamang ang akdang ito ay nasiyahan ka sa aking naibahagi. Okey lang naman kung hindi, ang mahalaga, nakasulat ako't nakapag bahagi ng isa nanamang kwentong 'di pangkaraniwan, 'di man pang famas award ay may tunay na damdamin namang nilalaman. Mula sa akin, taos pusong pasasalamat po sa inyong pagbasa.



~~ o ~~



Sa ilalim ng ofw supporter blogs

Ang sanaysay na ito ay subok sa Pinoy Expats/OFW Blog Awards 2012

Sa temang "Ang social media at ako, tumutulay sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap"





All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.