photo credits @bing |
Si Nina, gusto ko siyang isama, ngunit hindi kayang iwan ang kaniyang Ina na nag iisang kasama niya na lang sa buhay ngayon. Ilang beses ko siya inalok na bumukod, kahit sa Pilipias lang. Ayaw niya, ayaw ko din namang maghintay nalang na kunin ng Panginoon ang Mama niya. Kung kaya ko lang, matagal ko na silang pinalipad.
Noong mga bata kami. Mataas ang pangarap ng Mama niya sa kaniya. Ngayon, pangarap naman niyang mapasaya ang Mama niya at maibigay ang lahat ng magustuhan. Bakit kaya ganon? Ang Pinoy walang sariling pangarap, lahat nangangarap na maiangat ang Pamilya. Yung iba kuntento na makapag uwi ng 450 araw-araw bawas pa ang pamasahe at pagkain, para lang masabing sila ay nakakapag provide.
Hindi naman ako nagyayabang. Yung totoo maliit pa diyan ang kinikita ko noong sa Pilipinas pa ako nagtatrabaho. Ikaw ba naman trabahong international pero sahod na provincial. Naiintindihan ko din kung bakit ayaw nilang mangibang bayan, pero sana naman huwag husghan ang mga kababayan na nandito na. Hindi porket nandito ay mayaman at angat na sa buhay.
Sabi nila kung hindi ka naninigarilyo malaki na ang ipon mo. Kung hindi ka tumataya sa STL malaki na sana ang madudukot mo. Nasaan na yung mga hindi naninigarilyo at hindi tumataya? Ayun level up na sila, Droga, Pagtutulak, Pagnanakaw, at Pandarambong na ang pinagkakaabalahan, tapos magsosoot ng cool na shirt na may "Money Maker" print.
Dito madali lang mangutang at magpautang basta magbabayad ka. Kung hindi ay madali lang pakatukin sa pintuan mo ang mga buhay ng gangsta. Satin? Kapag nagpautang ka at nagsabi ng petsa kung kailan ibibabalik, sa petsa na yon abangan mo nalang yung post kung saan sila nag beach at staycation. Kung wala try mo sa facebook ng iba, malamang ay naka hide na sayo yan.
Bakit kasi nangarap pako ng mas mataas. Bakit pa kasi nagpapatalo ang piso sa salapi ng ibang bansa. Masaya naman sa atin, pero mas masaya na kaya mong gawin ang lahat dahil mayroon kang pera na magagamit. Lahat kasi ngayon ay nagmamahalan na, pati si Nina Mahal na Mahal ko yan. Hugot pero seryoso, gusto ko namang nandun kami sa masaganang pamumuhay.
Ano kayang reaksyon niya pag nalaman niyang nagpatingin na ako, wala pala talaga akong kakayanan makabuntis. Ano kayang magiging reaksyon ni Nina kapag sinabing kong kaya ko na siyang pakasalan, magarbo at hindi P299 ring. Ano kayang reaksyon nya kapag sinabi kong inaayos ko na ang flight ko pauwi noong nangyari ang aksidente sa Crossing ng Hammil?. Mga demonyo! Hindi pako patay, pero sa ngayon ang magagawa ko lang ay magpagaling at maghintay. Iiwan ko lang din ang Hammil dahil hindi naman talaga ako dito masaya.
~~
No comments:
Post a Comment