Friday, December 1, 2017

Tala ng Buhay

credits: kathrynbeals
Mahirap iwan ang isang tao na minsan nang napamahal sa'yo, ngunit kung kailangan-gagawin at gagawin mo ito. At sa puntong iyon, huwag kang aasang babalik siya ng basta na lamang sa'yo. Kalimutan mo na rin ang kasabihang kung para talaga kayo sa isa't-isa'y babalik at babalik siya sa'yo. Dahil kailangan mong magpatuloy kung may nais kang marating, kailangan mo munang alisin sa isip ang pag-ibig. Dahil hindi mo mararating ang panibagong karagatan kung takot kang mawala sa tanaw mo ang baybayin.

Sa buhay, ang bawat nating desisyon ay dapat nating panindigan. Katulad ni Icy, pinili ko siyang iwan kahit pa alam kong mahal ko siya at masasaktan siya sa gagawin kong pagalis. Hindi ako naniwalang kakayanin namin ang hamon ng buhay basta't magkasama. Walang paalam akong umalis, ngunit sinabi sa sariling isang araw sa pagikot ng uniberso ay muling magtatagpo ang aming mga landas.

Matalino at masipag siya kaya alam kong may mararating siya balang araw. Kung kaya nga ayaw ko na ring maging dagdag sa mga iniisip niya dahil patapos na siya noon sa kursong kinukuha niya. Sa ginawang pagiwan, alam ko na wala akong karapatan sa nararamdamang lungkot na parang akin pa rin siya.

Sa buhay, mayroon tayong mga susundang mga tala. Malayo man at hindi makinang, aasa tayong ang pagsunod rito ang magdadala sa atin sa ating mga hinahangad, inaasam-asam, at pangarap. At sa dami ng mga tala sa dilim ng kalangitan, hindi mo malalaman kung ang talang para sa'yo ang 'yong sinusundan.

Lilipas ang maraming taon. Sa Maynila kung saan inasahan kong ako'y uunalad. Mananatili akong nasa ibaba. Mananatiling palipat-lipat ng pinapasukan. Sahod na 'di umaangat, umentong hindi natatanggap. Titiisin ang sariling sakit para mapadal'han ang magulang na naghihirap.

Ang mas masakit pa sa nalamang may iniinda na pala ang aking Ama. Ay ang mabalitaan ito mula sa dating sinisinta. Ngayon ay isa sa aking mga amo sa bagong kompanya. Pagkatapos niyang sabihin ay iniwan nya na lang ako'ng basta sa aking kinatatayuan, No goodbyes, just see you around. At itinuloy ko na ang paglalampaso sa sahig, na parang pagbura sa mga nakalipas na alaala.


~~ o ~~


credits: haycee enriquez


posted from Bloggeroid

Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin