Wednesday, June 3, 2015

Andan


credits: cartoon woman
Alam n'yang hinihintay ko siya doon, matamis na ngiti naman ang kaniyang ipinangsalubong ngunit walang kibua't walang imikan pa rin naming baybaybayin ang tabing dagat, malayo sa dating masaya, mga binuong alaala.

Mas gusto pa n'yang masdan na lang ang bawat n'yang hakbang sa buhangin kesa ako'y kausapin. Kung hindi pa liparin ng hangin ang sombrerong tanging panangga niya sa init ay hindi lilingunin ang magandang tanawin na kanina pang gustong agawin ang kaniyang pansin.

Parang ako din. Iiwan mo na ba talaga ako?-ang tanong na gustong ipagsigawan ngunit karapata'y 'di naman akin.

Tatawirin, hangganan ng kainaman. Bubungguin ang kaabalahan ng mga taong naguunahan. Dadaigin ang bilis ng 'di naman makausad na mga sasakyan. Kabilaang ingay na 'sing gulo ng aking isipan. Sa mundong tila ang lahat, ayaw magpaiwan.

Nakarating kami sa tamang oras. Ngunit sa tagal pa rin ng kailangang hintayin, sa balikat ko siya'y nahimbing.

Inisip ko pa ring normal na takipsilim lang namin iyon sa palad ng tabing dagat. Aabot sa isang malamig na gabing papalipasin hagkan ang init at pagmamahal ng isa't-isa. Kahit pa ang totoo, maaring ito'y huli na. Hinihintay na lang ay ang barkong maghahatid sa kaniya.

Sabi ng iba, tanga daw ako at sasaktan lang ang sarili kung iniisip na may pagasang mapapagtibay ang pagtitinginang binigay lang ng pagkakataon na sa una pa lang ay alam ng hindi magyayabong.

Ngunit siya mismo ang nagsabi, wala raw kahit anong pagitan ang makakapaghiwalay sa dalawang pusong tunay na nagmamahal.

Handa ba talaga akong tanggapin ang katotohanan? Nagawa ko pa s'yang ihatid sa pantalan, kahit pa nakaamba ang isang salitang magpapabagsak sa akin. Naghihintay lang na kaniyang bigkasin. Paalam, na hindi ko na lang gugustuhing mula sa kaniya'y marinig.

Ang pinangangambahang pagsirena na rin ang gumising sa kaniyang pagkakahimbing. Unang nasilayan ay ang may takot at lunkot kong wangis. 'Di na nagawang tulungan s'ya sa bitbitin sa'king panginginig. At sa kaniyang pagalis, "Para sa atin din ang gagawin ko" na lang ang kaniyang nasambit kalakip ng maaliwalas pa rin na ngiti.

Tanong sa sarili, kung papaano niya magawang ngumiti pa rin ng ganon. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Nagiwan 'yon ng malaking tanong sa aking isip. Ngunit bakit kahit may pagkakataon nama'y 'di ko nagawang tanungin-magbabalik ba s'yang muli? Bagkus ay hinintay ang pagtalikod at paghakbang niya papalayo sa akin.

Hindi ko alam.

Ang alam ko lang, kahit malayo siya sa'kin ay mananatili siya sa'king puso. Paulit-ulit. Kahit ilang paglubog ng araw sa aking kababawan ang aking abangan at masdan. Kahit ako na lang. Masayang masasabi sa sarili, ako'y nagmamahal at patuloy na magmamahal.


~~ o ~~



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

2 comments:

  1. Its been a while since huli akong nakabisita sa page mo.

    Cool ☺

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa muling pagbisita tol rix !! :D

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin