"Iba't ibang lugar. May taglay na panibagong mukha sa bawat tagtuyot kong bisita. Matanda na ako-sigaw sa'kin ng City Hall at Cathedral. Mahal ko ang Bayang aking sinilangan, sa piling niya 'ko nangarap na mamayagpag at umunlad. Ngunit makakalayo pala kaming dagok at pagsubok lang ang kayang tanawin sa mga naiwan naming yapak."
Nanlalamig na kabiyak ang uuwian ng gusto nang sumuko kong katawa't isipan. Sa tatlong araw na hindi paguwi, batid n'yang hindi na lamang mga nanghuhuli ang hilig kong taguan.
Bakit nga ba nagagawa kong ipagbili, pulat puting rosas sa mga daan, mamigay ng mabulaklak na salita upang maubos ng agaran, at puwestong ipagtatanggol kahit wala naman akong karapatan. Habang siya, hindi na maalala kailan ang halik na mayroong lambing at tamis labi niya'y nalapatan.
Marahil nakakatawa nga kung iisipin. Ang bawat araw na kaunting kitang isiniksik sa garapon ay maidadala Ako, ang aking Asawa, at aming mga Anak sa ibang bansa. Na totoo ko namang suntok sa buwang balak.
Mataas ba akong mangarap dahil pangpakasal lang namin ang dati dahilan kung bakit ko ito sinisiksikan kahit may kalam sa'king tiyan? O dahil matagal ko ng isinuko ang relasyon ko sa Bayang walang hagdan para sa nahihirapan ngunit puno ng mga 'di yumuyukong nagsisitaasan?
Kung kulang pa. Kaunting tiyaga pa ang kasagutan. Papanoorin na lang ang aking mga anak na gawing laruan ng sungka ang kusina para palipasin ang gabing hindi lahat ay nakatikim ng dalang hapunan. Tatawag pa sa telepono ang dating kaibigan, s'yang nagdala ng balita, may paraan upang ang aking garapon ay maging kaban. Handa s'yang ako'y tulungan.
Bitbit ang aking panganay, tulad ko'y napangakuan. Kinailangang lumayo saglit at mangupahan upang sa pagpapabalikbalik ay makatipid. Mala-kandidatong mga pangako na rin ang nagtulak sa aming tiisin ang gutom, pagod, at init makumpleto lang ang bawat hinihingi. Ngunit sa takdang araw ng paglipad patungong gitnang silangan, walang lumitaw na sa amin ay maghahatid.
Gusto nang iluhod ang pilit pinipigil na ngatog ng tuhod. Isuntok sa matulis na bloke ang walang mapagbuntonang kamao. Nagawa pang tumawag ng taksil para sabihing nagamit n'ya ang salapi.
Ikakawala ang galit sa aking puso sa kahit anong paraang babangga sa'king isip. Ngunit nandon ang aking anak para ako'y yakapin at sabihing maging matatag ako, tulad ng natutunan n'ya sa akin at dahil iyon na lang ang tanging pagasa namin.
________________________
"Binabalik ko na sa'yo ang panganay natin mahal. Malaki nga s'ya, pinatunayan niya sa'king kaya na niya tumayo sa kaniyang sariling paa. Sa katunayan, nangako siya sa aking maghahanap ng trabaho o mapagkakakitaan d'yan sa atin para tulungan kayo d'yan. Maraming salamat dahil itinuring mo na rin s'yang tunay na anak.
Patawarin mo ako. Binigo ko kayo. Lahat ng pinaghirapan ko para sa atin ay nawalan ng saysay. Pangako, isang araw ay babalik ako sa atin. Babalik ako't hindi na tayo muling mahihirapan sa'ting mga gastusin. Gagawin ko ang lahat upang hindi na mabakas ang mga paghihirap na pinagdaanan natin.
Ipangako mo rin, sa pagbabalik ko'y maghahanda ka ng kaunting salu-salo para sa mga kapitbahay at ating mga anak. At sa pagtatapos ng araw ay magmamahalan tayo na para tayong mga bata muli.
Kayo ang aking lakas. Kung mayroon man akong kahinaan, 'yon ay ang pagamin na kailangan ko ng tulong. Pero hindi tayo kailanman nagnakaw, nanakit, o nangapak ng kapwa natin.
Siguro nga masyado kong niyakap ang responsibilidad ko sa pamilya natin ngunit 'yon naman ang tamang gawin, kung ikaw ay nasa bansang ang busog pa ang gustong magnakaw sa walang makain.
Hanggang sa muli. Mahal na mahal kita Luz, ihalik mo na lang ako sa'ting mga anak."
(Ang liham 'yon at si Maykel na lang ang nakauwi kay Luzviminda. Kahit si Maykel, luha lang din ang kayang isagot sa kaniyang Inay. 'Di alam ang balak ng Ama, tinanong ma'y 'di nabigyang kasagutan.)"
~~ o ~~
Ang paskil kong ito ay aking interpretasyon sa isang awitin, hinabi upang maging isang maikling kuwento.
No comments:
Post a Comment