Friday, August 31, 2012

Abashed by Blunder



"Late nanaman!" Galit na text niya sa akin. Hindi ko naman siya girlfriend ni 'di ko nga siya personal na kilala. Ang alam ko lang isa s'ya sa mga kamag-aral ko, bagay na inamin niya sa akin noong huling gabi na sinipag akong magreply sa mga text niya. Ayos rin 'to nagpaturo pa raw magregister sa smart uzzap para masilip ang contact information ko. Pero mas bibilib sana ako kung personal niyang 'tinanong o, kinuha 'yon sa akin. Wala naman kasi akong nakikita na dahilan para hindi ganon ang gawin niya mas magkaka-kilala pa kami ng maayos sa ganong paraan.

Sigurado ay nasa lab. na sila at magsosorry i'm late nanaman ako bagi pahintulutan pumsok ni Mr. Gatdula. Akala ko sa elementarya ko lang matatamasa ang ganong kahihiyan mas malala pa pala ngayon kinakapalan ko nalang ang mukha ko. Hindi naman sana ako mahuhuli sa klase kung pwede lang pumasok na may' bumubuntot sa akin na plantsa at maaari na'ng magsaing sa eskwela.

Mabuti nalang wala pa si sir ng makarating ako sa bakanteng upuan na sumusunod kay Cyrus na ako naupo. Tiningala ang kisame nagiisang bentilador ang gumagana samantalang isang buwan na ang nakalipas nang singilin kami ng bente pesos bawat isa para sa pagpapaayos ng tatlo pa na hindi gumagana. Ang kinaiinis ko pa nakatutok lang sa kawalan ang nagiisang umaandar.

"Nasaan si sir?" Tanong ko kay Cyrus

"Wala pa boss may inaasikaso sa faculty, relax ka muna d'yan." Sagot niya. Pansin niyang pawis na pawis ako dahil sa init ng panahon

Wala pang gagawin kaya pinasak ko muna ang headset ng compact disc player sa tainga ko. Naramdaman ko nalang ang hangin na parang may nagpapaypay sa akin. Minulat ko ang mga mata ko at isang babae na pala ang katabi namin ni Cyrus, nahihiya ako 'di ko alam kung patitigilin ko ba siya sa ginagawa niya o, lilipat nalang ako sa iba pang bakante na upuan. Ito namang si Cyrus ay tuwang-tuwa pa.

"Oy! Ang sarap..Konting lakas pa nga d'yan Maycee!" Pabirong parinig ni Cyrus

Napatingin ako sa babae at hindi ko narin naiwasang itanong "So ikaw si Maycee, ikaw ba yung nagtetext sa'kin?"

Nakangiti siya sa akin tila masaya na nagkaroon ako ng lakaas ng loob na kausapin siya. Masaya niyang sinabi "Hindi ako yun! Kukunin ko pa nga lang number mo eh." Sabay tapik sa balikat ko na para bang close kami. "Ay, sorry."

Ibibigay ko na sana ang number ko sa kanya, ng isa pang kamag-aral ang lumapit sa amin.

"Ano nanaman 'yon Dianne?! naniningil ka nanaman ba? may babayaran nanaman? naghihirap na kami aa." Reklamo ni Cyrus

"Hindi wala. Si Josh kasi absent na ang record niya, nakapag attendance na kasi ako kanina pa, bago pa siya dumating. Kapag dumating si sir at tinignan 'to at nakitang narito si Josh baka pagalitan lang siya." Mahinahon na paliwanag ni Dianne

Dahil sa sinabi niya ay tumayo na ako para lumabas. Pababa na ako ng hagdan ng makasalubong ko ang maestro "Saan ka pupunta? Palagu ka na ngang late magcucuting ka pa?!"

Diretso sa paglalakad si sir at hindi nagsasalita. Habang sumusunod sa paglalakad niya ay sinabi ko narin ang dahilan kung bakit ako lumabas. "Sir sabi kasi ni Dianne absent na ako sa attendance nahuli kasi ako ng pasok sir?" Hindi parin siya nagsalita, nagsalita lang siya sa harap ng klase nang makapasok na kami sa silid.

Babalik na sana ako sa kinauupuan ko kanina pero hinarang ng maestro ko ang kanyang braso sa dadaanan ko.

"Dianne?! Pwede mo bang sabihin, kailan pa kita pinahawak ng attendance?!.."

Lahat ng nasa kwarto ay nakatingin at naghihintay kung ano ang magiging paliwanag ng umiiyak na si Dianne.



Tuesday, August 28, 2012

Rosas


Naisip ko habang nakasakay sa jeep pauwi. Ano kayang naramdaman mo nung kanina inabot ko ang mga rosas sa'yo. Kinilig ka kaya? Di kaya nagulat? Wala kasi akong ideya. Parang kahit unang beses palang na ginawa ko 'yon tila normal nang umabot ka ng mga rosas galing sa isang taga hanga. Alam ko naman na madaming nanliligaw sa'yo, ang gumugulo sa akin ay kung bakit parang natulala ka nang binigay ko 'yon at tila nanibago ka sa nakaharap mong ako, panay pa ang tanong mo kung ano ba ang nakain, kung may lagnat ba ako. Kulang nalang ay magpakurot ka sa akin para maniwalang ako nga ito, ako parin ang nakilala mong Aldrin, ang bestfriend mo ng mahigit apat nang taon.


Sulit talagang palipasin ang bawat oras kapag ikaw ang kasama. Nagbalik ang mga ala-ala ng mga araw na nadoon din tayo't magkasama. Pasensya ka na kung biglaan ang pagaanyaya ko ah, namiss kasi kita. Hindi ko mapigil ang sarili, halos lahat yata ng nagdaraang araw imposibleng hindi naiisip kita, kaya nga gusto ko palaging kasama ka. Kahit ilang beses mo 'ko kinulit kung bakit at ano bang espesyal sa araw at naisipan kong makipagkita. Wala akong maisagot, hindi ko masabing yun nga miss lang naman talaga kita. "Bakit nga kasi?!" Yan ngang paulit ulit na pangungulit mo ang isa sa mga namiss ko tungkol sa,yo.

Bigla akong natahimik kanina. Ikaw kasi, bakit kailangan pang ungkatin sa usapan ang nakaraan? Alam mo namang naiinis lang ako kapag ibang lalaki ang bukangbibig mo. Nakalimutan mo na ba? Hindi ka naman nila iningatan at inalagaan. Ako parin sa huli ang tatakbuhan mo tuwing magkaka prublema, at kahit ilang beses ka pa umiyak sa balikat ko hindi ako magsasawang damayan ka. Kahit hindi ka naman nakikinig sa akin, pagdalus-dalos ka. Kung sa bagay sino nga ba naman ako para sabihin kung ano ang hindi mo dapat gawin? Kaibigan lang naman ang papel ko 'diba. Pero sana maisip mo na kaya ganon nalang ako kung magpangaral ay dahil ayaw ko lang namang paulit ulit na nasasaktan ka. Ayaw ko lang na nasasaktan ang damdamin mo.

Taon rin ang hinintay bago ko naipagtapat ang tunay na nararamdaman. Kanina lang, nagulat ka ba? Pansin ko kasing nagbagong bigla ang ihip ng hangin sa atin. Napaka gandang lugar non para pagtapatan ng pagibig ko sa'yo. Kahit wala ka nga maaari kong isigaw ang ngalan mo at kung gaano kita kamahal. Sa lawak ba naman ng lugar na 'yon hindi ako magmumukhang tanga. Walang makakarinig, walang makaka kita. Pero nandun ka, kaya nga sagad sa buto ang aking pagka hiya. Nagawa ko lang sabihin ay "Mahal kita higit pa sa isang kaibigan". Ang simpleng salita ko na binitawan, nagpalaya sa damdamin kong bilanggo ng katorpehan. Sa wakas nabigkas ko kahit hindi direktang makatingin sa mga mata mo, matagal nang tinago, matagal ring umistabay sa dulo ng dila ko.

Muntik nang tayo'y kulbitin ni bathala upang may magsimula sa ating magsalita. Tahimik na nga katahimikan pa ang sa atin umiral. Hindi ko inisip na mali, matagal nang hindi. Hindi nama kita masisisi kung ganito ang maging reaksyon mo sa biglaan kong pagamin. Pahiya nanaman si ako, malaking taliwas sa inasahan kong magiging sweet ang mga sandaling 'yon. Kung hindi ngayon kailan pa? Nasabi ko na kaya tinanggap ko nalang, mabuti na 'yon kesa lalu pang mas patagalin ko, nasabi ko na ang nararamdaman ko, yun nalang ang importanteng mahalaga na pinanghawakan ko habang hangin lang ang naka relate sa nararamdaman ko nung sandaling ring 'yon.

Tila nasayang lang pala ang sinambot kong good vibes kanina galing kay manang. Hind ko naman naramdaman na bola lang ang mga sinabi niya. Halagang hindi aabot pa-lawton lang naman, hindi rin naman ako suki, katunayan non lang ako napadaan. Pero tunay ang mga mata niya nung sinabing sa tingin niya ito na raw ang lucky day ko, ang araw na pinakahihintay ko. At kahit nagmamadali pa akong makuha ang sukli ng Manuel Roxas ko, hindi non nabago ang mood niya, mas umintsik pa nga ang ngiti ng kanyang mata. Ganon kaya siya sa lahat ng namimili sa kaniya? Napatitig nalang ako sa mga rosas na binili at inisip na sana nga ay mag dilang anghel siya. Nilisan ko ang mumunting pwesto niya dala ang mamulamulang ngiti sa mukha at san docenang higit na pagasa.

Nasaktan ka kaya? Nagulat? 'Di kaya inisip mo na biro lang ang lahat? Kahit bilang bestfriend mo nalang ulit hiniling kong kibuin mo ako nung mga oras na 'yon. Napaka espesyal pa naman sa atin ng lugar na 'yon. Doon natin inihain sa isa't isa ang mga pang araw-araw natin na karanasan. Doon natin sinubukang kahit sandali malayo ang mga malay sa kaingayan, doon natin magkasamang tinawanan ang mga problema. Tinititigan lang kita habang naka pikit ka at iniisip may dahilan pa bang maging masaya ako kung wala ka. Doon nagtibay ang ating samahan na naging mas solid pa sa mga panahon na dahan dahang lumakad. Nakakalungkot isipin na lahat ng 'yon ngayon ay naka amba nang lumisan.


______________________________


Umusad pa ng kaunti ang sinasakyan kong jeep. Wala namang pasok kaya light lang ang traffic. Nakita kitang nakatayo 'di kalayuan. Kulang nalang ay itago ko ang sarili sa hiyang nararamdaman. Mabuti na lamang at hindi ka napatingin sa aking sinasakyan, dahil hindi ko kakayanin, madudurog pang lalo ang puso kong talunan. Bakit kaya nakasimangot ka? Dahil ba nasayang ang paglabas natin at nauwi lamang sa wala? 'O dahil hindi ka parin makapaniwala na ako nga ang kasama mo kanina. Nagsimulang pumatak ang ulan na tila nakiramay sa lumbay, gusto ko narin sanang lumuha, ngunit pinangambahan kong makita mo ang pagiyak. Ako lang ba ang nanghihinayang sa nangyari? Yumuko na lamang inisip lahat ng naganap kanina sa espesyal pa namang lugar, sa tambayan natin mula pa noong magkabangga ang ating mga tadhana. Lugar na ngayon ay hindi ko alam kung isang araw makakayang balikan ko pa ba.

Naisip ko habang nakasakay sa jeep pauwi. Ano kayang naramdaman mo nung kanina inabot ko ang mga rosas sa'yo. Naisip ko habang nakasakay sa jeep pauwi ang mga rosas na naiwan sa tambayan. Pinabayaan, iniwan. Tulad ko rin. Ang mga rosas, mga rosas na akala ko'y tatanggapin mo kasabay ng pagyakap sa pagibig ko. Iniwan lang na walang sagot sa katanungan, binale wala ang mga narinig mula sa akin, nararamdamang matagal ding inilihim. Hindi pinansin, walang pagasa, nagiisa't walang kasama, minsang hinawakan mo ngunit binitawan at iniwan. Nakatago sa katingkaran ng kulay ang mapait na sinapit at nalantang nakaraan. Katulad ko rin ang mga rosas na naiwan sa tambayan, ngayon ay nauulanan. Iniwan mo matapos ang pagtanggi sa aking pagmamahal.



Monday, August 27, 2012

Kwento sa Looban



( Warning: The story contains violence on its context. Rated 18, and parental guidance is advisable )

"Ano tol, bukas nalang?"

"Hindi, anong bukas? Ngayon tayo magcecelebrate."

"Tapos na nga ang celebration eh, hindi ba kita nalasing?"

"Hindi, gusto pa kitang makasama, magsasaya tayo! Bukas eh sisimulan mo na ang buhay may asawa kaya ngayon tayo magsasaya."

Hindi ako non nakatanggi sa aking kaibigan. Kahit pa sobrang sabik ko na na makasama si misis na pinakasalan ko mga kalahating araw pa lamang ang lumipas non at naghihintay na sa akin sa loob ng bahay. Ang paalam kong pagaasikaso sa aming mga bisita ay inabot na ng magdamagan, hindi na nga siya lumabas malamang ay galit na siya.

Mabuti at mukhang lasing na itong si Lennard konting tiis nalang sabi ko sa sarili at nagpabili pa ng isang round ng alak para lamang sa aming dalawa, pag hindi pa nakuntento ito ay ewan ko pa.

Nalula ako non sa alak, halos maduwal pa ako ng buksan namin at simulan iyong pagsaluhan, ngunit ipinagpatuloy namin ang tagay, hanggang sa dalawa kamaing nakayuko na sa mesa at hindi maaming suko na sa inuming alak. Tahimik na pinatay ko na ang sounds kanina pa dahil baka magalit na ang mga kapitbahaym walang isang imik na rin si Lennard halatang lasing at malamang ay nakatulog na siya. Ganon rin ang nangyari sa akin, hindi ko na namanalayang nakatulog ako sa kalasingan, namulat nalang ako nang madaling araw at wala roon ang aking kaibigan.

Suray-suray at halos madapa sa bawat hakbang, hilo at masakit pa ang aking ulo, una kong hinakbang para puntahan ang aking asawa, sa pagpasok palang ay hindi na ako naka galaw sa aking nakita, umiiyak siya at takot ang nakapalibot sa buo niyang katawan, yapos niya ang sarili dahil sa naging punit-punit na kasuotan.

Non palang ay alam ko na ang nangyari, malaking galit ang nanaig sa akin, sigaw ako ng sigaw kahit hindi pa man ako nakakalapit sa kaniya. Nawala ako ng tuluyan sa aking sarili, hindi ko maintindihan, "Bakit" paulit-ulit kong sigaw sa kaniya, hindi ko napigilan ang aking sarili, dahil sa galit wala na siyang buhay nang mapagtanto kong mali ang ginagawa kong pagbubuntot sa kaniya, puno ng dugo ang aking kamay, dugo ng sarili kong asawa, pagiyak at pagsigaw nalang ang nagawa ko, bakit? Bakit nangyari ito? Awang-awa ako para sa aking sarili, hindi lubos na maisip na humantong rito ang mga pangyayari.

May araw na non tinungo ko si Lernnard mismo sa tinutuluyan niya, wala akong sinayang na oras kahit pinagtitinginan ng mga tao ay tinakbo ko ang lugar niya. Gulat siya sa pagpasok ko ng pintuan, halatang takot at alam ang kaniyang kasalanan.

"Hayup ka! Taksil kang kaibigan!" at doon ko na rin natapos ang buhay niya gamit ang bakal na nadampot hindi ko ipinagdalawang isip na patayin siya, hindi ko na pinakinggan ang gusto pang sabihin niya, inakala kong kaibigan ko siya ngunit sa huli ay lumabas rin ang tunay na kulay niya.

Matagal na panahon na ngunit 'di ko alam kung makakabalik pa ako sa lugar na 'yon, bulungan sa labas ang karumaldumal kong ginawa. Kung makaka alis man ako dito ay magpapaka layu-layo na ako't lalagay sa matahimik, pupunta ako ng probinsya at doon hahanap ng apat na haliging matutuluyan. Mali ako, mali ang nagawa ko kay Denise, siyang sarili kong asawa, hindi ko naisip agad na wala naman siyang kasalanan, napagsamantalahan lamang siya. Ngunit ang pagpatay kay Lennard ay isang bagay na hindi ko pinagsisisihan.


______________________________


Naputol ang aking pagkukwento sa aking mga kasama nang tumunog ang bakal na para bang mayroon ditong ihinampas na matigas ring bagay. Naiingayan na siguro sila. Itutuloy ko pa sana ang aking sasabihin..

"Tama na ang drama at huwag ka nang umasang makakalabas pa!" Bulalas na salita ng mayores sa loob ng apat na haligi na kasalukuyan kong tinutuluyan.



Tuesday, August 21, 2012

Apoy na Sumiklab



Nais ko lamang na mabalikan
Naging dahilan at naging daan
Paano kaming dalawa'y nagkakilala
At sa isa't-isa kami ay humanga 


Monday, August 20, 2012

Eksena




Hawak ko na ang kaniyang kamay
Ngiti niya sa akin ay pamatay
Oras nawala na sa aking malay
Nagamot na rin lahat nitong lumbay
Aaminin ko kaya'y kaniya ring hinihintay?
Sa himig ng musika ko na isasabay
Huwag naman sanang sasablay
Buong serye tinotoo ko sa aking pananaw
Salitang nadinig ko mula sa kaniya
Lumabas na eksena sa subaybayin na drama
Ngunit hindi ang ginusto nilang tema
Hindi rin ang ninais kong maranasa't madama
Kaawa-awa na nga itong bida
Talo pa kinahinatnan ng storya



Sunday, August 12, 2012

novum ascendes



Hindi balakid ang masamang kapanahunan para sa mukha niya ay mabatid ang kaligayahan. Pinagmasdan ko ang mala anghel niyang ngiti habang sa akin ay nakatingin s'ya. Hawak niya ang buhok sa pagtangging isayaw ito ng hangin na nagmumula sa bintana. Kaakita-akit rin ang maputi at makinis niyang balat. Gayun man ay hindi miski isang tinga mong mararamdaman ang kaartehan sa kaniyang aura, bagkus ay kasimplehan ang makikita't mararamdaman sa kaniya.



Wednesday, August 8, 2012

Tayo Na Pala



"Tayo na pala?" Naalala ko lang, ganun kasi kabilis naging tayo. totoo naman kasi ang sinabi kong hindi ako marunong manligaw, ayaw mo naman kasing maniwala kaya muntik nang mawala ang m.u na namamagitan sa atin dalawang natututo pa lamang magmahal.

"Gusto mo ba talaga ako?"

"Nuh kba!? Ou syempre."

"Edi tayo na."

Ganon lang kabilis mong pinasuot sa akin ang ngiti ni Ronald McDonalds. Abot magkabilang tenga ang ngiti at walang katumbas na kaligayahan ang nadama.

Mabilis lang. Pero hindi ko pa napaalam sa'yo kung gaano katagal na kitang pinapangarap. Ganon lang kasi ang pagkakakilala ko sa sarili, hanggang pangarap lang. Kaya nga ganon nalang ang kaligayahan ko nang maging tayo na.

Matagal na panahon rin ang lumipas mula noon. Hanggang ngayon ipinagpapasalamat ko parin na minsan mo akong hinayaang mahalin ka. Mahiwaga dahil katulad ko ngiti rin ang sayo'y nakita ngayong sabay nating inalala ang ating nakaraan.

Inaamin ko naman na mahina ako sa pagpapakita kung gaano kita kamahal. Pero sa maniwala ka't hindi, hindi ako tumigil at totoo ang naramdaman kong pagmamahal sa'yo. Kung may dapat akong pagsisihan 'yon ay ang pinakawalan ko pa ang isang ikaw.

Ganito talaga siguro, may darating, at may magpapaalam. May makikilala, at may mawawala. Hanggang doon nalang talaga siguro, kahit alam kong mahal parin kita hindi ang pagiging maka-sarili ang ipapairal. Alam kong mas marami pang bagay ang magpapaligaya sa'yo, masaya narin akong malaman na masaya ka. 'Yun naman ang importante, hanapin ang ikaliligaya.

"Anong oras na?"

Hindi tugon sa tanong ko ang ginawa mong pagyakap sa akin. Naramdaman ko ang kaluwagan at kagaangan ng loob sa mga sandaling 'yon. Inabot mo pa nga ang aking pisngi. "Walang iyakan ha?" Biro ko na nagpangiti sa'yo, sa atin dalawa na tila gusto nang lumuha noong gabing 'yon. Gabi na nagpalaya sa ating mga puso.

Mabilis lang, mabilis lang ang paglakad ng panahon. Mabilis rin ang oras, tila kulang ang mga minuto't segundo para sa ating dalawa. Kahit matapos man natin ang gabi hindi 'yon sasapat para sa ating dalawa.

"Magkikita pa naman tayo bukas 'diba?"

"Tayo na pala. Ihahatid na kita, ayokong hindi mabuhat nanaman ang eyebags mo pagdating ng bukas. Hindi man ako ang nagaantay sa altar, gusto kong makita ang buong kagandahan mo sa pagpasok mo sa simbahan."



Tuesday, August 7, 2012

Nasaksihan ko rin ang Latino Heat



Mga nagdaang RAW. RAW is War, RAW is Jericho, at ngayon RAW is 1000 na nagpaalala naman sa akin ng nasaksihan kong apoy noon sa RAW at SmackDown. Bata pa lamang ako kahit hindi pa kasing adik ng tulad ngayon ay masugid na tagasubaybay na ako ng Wrestling, umabot pa nga sa puntong iyakan ko si Papa para pakabitan ng Cable ang aming telebisyon. WWF pa non ang inabutan ko, RAW is WAR kung saan nagsasalpukan ang marami kong idolo sa Pro Wrestling na ngayon ay mga sikat at kilala na tulad nila Stone Cold Steve Austin, The Rock, Edge, HHH, at marami pang iba.

Maswerte akong ipinanganak sa 90's, maswerte akong nasaksihan ko kung papaano nila itinatak ang kanilang mga pangalan sa mundo ng Pro Wrestling. May mga nawala, may mga dumating, at nagpaikot-ikot ang storyline ng Pro Wrestling.

Naabot ng RAW ang ikaw 1000th episode ngayon lamang July 23, 2012. Ano nga ba ang naganap sa nakaraang 999 episodes? Alam mo ba? Siguro ang inabutan ko lang dun ay sa 400 episode na. Marami talagang nangyari history making ang bawat special episodes o kahit hindi ng RAW. Imagine in one week andaming turning events ang nangyayari. Heel, New Era, Revelations, at kung anu-ano pang magpapainit sa kinauupuan ng mga fans na tulad ko Complete Set Entertainment kumbaga. Hindi lang Entertainment, maraming alamat ang naisulat sa nakaraang 999 episodes tulad ng paano binago ng WWF/WWE ang buhay ng mga Superstars at papano nainspire ng mga kwento nila ang mga nakasaksi nito.

The late Eddie Guerrero. Isa sa mga nagiwan ng pangalan at naging alamat na ng WWE. Si Eddie Guerrero na minsang naging mukha hindi lag ng RAW/SmackDown kundi ng buong World Wrestling Entertainment. Nakapanlambot ang inanunsyo sa lahat, biglaan at ginulat ng balita ang karamihan. Hindi nga ako makapaniwala dahil kailan lang naman ang huling appearance niya sa Wrestling Ring. Hindi lang WWE Universe ang ginulat ng balita kundi buong mundo kasama ang pilipinas na sa edad 38 ay wala na si Eddie.

Bilib ako kay Eddie, isa siya sa mga idolo ko. Kakaiba ang pinakita niyang puso sa loob at labas ng ring. Nasubaybayan ko kaso ang career niya sa WWE, sabihin man nating entertainment para sa akin lahat yun eh tunay na laban, tipong nakita parin natin kung gaano kalaki ang puso ng isang Eddie Guerrero na humarap sa mas malalaking mamaw pa sa kaniya. Peyborit ko ngang laban niya ay nung No Way Out 2004 kung saan tinalo niya si Brock Lesnar at makuha niya ang WWE Championship Title. Bago yun mag Wrestlemania. "Victoria!" Sabi ng mga kababayan niya. "Lupit!" Sabi ko naman na nanonood sa old model Sharp TV. Isa sa pinaka matamis na panalo na napanood ko sa WWF/WWE.

'Wag na nating isalit sa usapan kung gaano kalaking icons, at legend, ang mga naging rivals niya sa WWF/WWE sa buong pagtakbo ng career niya. Sabi nila tulad din daw sa pagkukwento ng buhay ni John Lennon na hindi nababanggit si kuya Paul. Huwag narin nating gawan ng iba't-ibang kwento ang pagkamatay niya, diba mas magandang alamin at ipaalam sa iba kung paano siya naging legend hindi kung paano natapos ang reign niya sa Pro Wrestling, kung paano siya nagiwan ng malaking pangalan sa Wrestling hindi kung paano siya naging contra bida sa ibang WWE Superstarts. Hindi kung ilang beses siya totoong na-injured ang dapat pagusapan, kundi kung ilang beses niya ginawang proud ang mga nakalaban sa ring, mga kababayan, pamilya, at mga fans.

Isa itong kunwari tribyut para sa 2x Intercontinental Champion, 2x European Champion, former United States Champion, 4x Tag Team Champion, Former WWE Champion, and WWE Hall of Famer na si Eddie Guerrero. Wala lang akong maisulat, isang pagalala sa nasaksihan kong apoy na nagliyab sa loob ng ring noon tinawag itong Latino Heat. Ngayon RAW reached 1000 episodes at maraming episodes pa ang magdadaan maraming alamat pa ang gagawin ng paborito kong palabas. Naman! Mananatili akong fan. A thousand thanks and salute to the late Eddie Guerrero. A thousand pasasalamat sa WWE/WWE Monday Night RAW.




All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.