Tuesday, August 28, 2012

Rosas


Naisip ko habang nakasakay sa jeep pauwi. Ano kayang naramdaman mo nung kanina inabot ko ang mga rosas sa'yo. Kinilig ka kaya? Di kaya nagulat? Wala kasi akong ideya. Parang kahit unang beses palang na ginawa ko 'yon tila normal nang umabot ka ng mga rosas galing sa isang taga hanga. Alam ko naman na madaming nanliligaw sa'yo, ang gumugulo sa akin ay kung bakit parang natulala ka nang binigay ko 'yon at tila nanibago ka sa nakaharap mong ako, panay pa ang tanong mo kung ano ba ang nakain, kung may lagnat ba ako. Kulang nalang ay magpakurot ka sa akin para maniwalang ako nga ito, ako parin ang nakilala mong Aldrin, ang bestfriend mo ng mahigit apat nang taon.


Sulit talagang palipasin ang bawat oras kapag ikaw ang kasama. Nagbalik ang mga ala-ala ng mga araw na nadoon din tayo't magkasama. Pasensya ka na kung biglaan ang pagaanyaya ko ah, namiss kasi kita. Hindi ko mapigil ang sarili, halos lahat yata ng nagdaraang araw imposibleng hindi naiisip kita, kaya nga gusto ko palaging kasama ka. Kahit ilang beses mo 'ko kinulit kung bakit at ano bang espesyal sa araw at naisipan kong makipagkita. Wala akong maisagot, hindi ko masabing yun nga miss lang naman talaga kita. "Bakit nga kasi?!" Yan ngang paulit ulit na pangungulit mo ang isa sa mga namiss ko tungkol sa,yo.

Bigla akong natahimik kanina. Ikaw kasi, bakit kailangan pang ungkatin sa usapan ang nakaraan? Alam mo namang naiinis lang ako kapag ibang lalaki ang bukangbibig mo. Nakalimutan mo na ba? Hindi ka naman nila iningatan at inalagaan. Ako parin sa huli ang tatakbuhan mo tuwing magkaka prublema, at kahit ilang beses ka pa umiyak sa balikat ko hindi ako magsasawang damayan ka. Kahit hindi ka naman nakikinig sa akin, pagdalus-dalos ka. Kung sa bagay sino nga ba naman ako para sabihin kung ano ang hindi mo dapat gawin? Kaibigan lang naman ang papel ko 'diba. Pero sana maisip mo na kaya ganon nalang ako kung magpangaral ay dahil ayaw ko lang namang paulit ulit na nasasaktan ka. Ayaw ko lang na nasasaktan ang damdamin mo.

Taon rin ang hinintay bago ko naipagtapat ang tunay na nararamdaman. Kanina lang, nagulat ka ba? Pansin ko kasing nagbagong bigla ang ihip ng hangin sa atin. Napaka gandang lugar non para pagtapatan ng pagibig ko sa'yo. Kahit wala ka nga maaari kong isigaw ang ngalan mo at kung gaano kita kamahal. Sa lawak ba naman ng lugar na 'yon hindi ako magmumukhang tanga. Walang makakarinig, walang makaka kita. Pero nandun ka, kaya nga sagad sa buto ang aking pagka hiya. Nagawa ko lang sabihin ay "Mahal kita higit pa sa isang kaibigan". Ang simpleng salita ko na binitawan, nagpalaya sa damdamin kong bilanggo ng katorpehan. Sa wakas nabigkas ko kahit hindi direktang makatingin sa mga mata mo, matagal nang tinago, matagal ring umistabay sa dulo ng dila ko.

Muntik nang tayo'y kulbitin ni bathala upang may magsimula sa ating magsalita. Tahimik na nga katahimikan pa ang sa atin umiral. Hindi ko inisip na mali, matagal nang hindi. Hindi nama kita masisisi kung ganito ang maging reaksyon mo sa biglaan kong pagamin. Pahiya nanaman si ako, malaking taliwas sa inasahan kong magiging sweet ang mga sandaling 'yon. Kung hindi ngayon kailan pa? Nasabi ko na kaya tinanggap ko nalang, mabuti na 'yon kesa lalu pang mas patagalin ko, nasabi ko na ang nararamdaman ko, yun nalang ang importanteng mahalaga na pinanghawakan ko habang hangin lang ang naka relate sa nararamdaman ko nung sandaling ring 'yon.

Tila nasayang lang pala ang sinambot kong good vibes kanina galing kay manang. Hind ko naman naramdaman na bola lang ang mga sinabi niya. Halagang hindi aabot pa-lawton lang naman, hindi rin naman ako suki, katunayan non lang ako napadaan. Pero tunay ang mga mata niya nung sinabing sa tingin niya ito na raw ang lucky day ko, ang araw na pinakahihintay ko. At kahit nagmamadali pa akong makuha ang sukli ng Manuel Roxas ko, hindi non nabago ang mood niya, mas umintsik pa nga ang ngiti ng kanyang mata. Ganon kaya siya sa lahat ng namimili sa kaniya? Napatitig nalang ako sa mga rosas na binili at inisip na sana nga ay mag dilang anghel siya. Nilisan ko ang mumunting pwesto niya dala ang mamulamulang ngiti sa mukha at san docenang higit na pagasa.

Nasaktan ka kaya? Nagulat? 'Di kaya inisip mo na biro lang ang lahat? Kahit bilang bestfriend mo nalang ulit hiniling kong kibuin mo ako nung mga oras na 'yon. Napaka espesyal pa naman sa atin ng lugar na 'yon. Doon natin inihain sa isa't isa ang mga pang araw-araw natin na karanasan. Doon natin sinubukang kahit sandali malayo ang mga malay sa kaingayan, doon natin magkasamang tinawanan ang mga problema. Tinititigan lang kita habang naka pikit ka at iniisip may dahilan pa bang maging masaya ako kung wala ka. Doon nagtibay ang ating samahan na naging mas solid pa sa mga panahon na dahan dahang lumakad. Nakakalungkot isipin na lahat ng 'yon ngayon ay naka amba nang lumisan.


______________________________


Umusad pa ng kaunti ang sinasakyan kong jeep. Wala namang pasok kaya light lang ang traffic. Nakita kitang nakatayo 'di kalayuan. Kulang nalang ay itago ko ang sarili sa hiyang nararamdaman. Mabuti na lamang at hindi ka napatingin sa aking sinasakyan, dahil hindi ko kakayanin, madudurog pang lalo ang puso kong talunan. Bakit kaya nakasimangot ka? Dahil ba nasayang ang paglabas natin at nauwi lamang sa wala? 'O dahil hindi ka parin makapaniwala na ako nga ang kasama mo kanina. Nagsimulang pumatak ang ulan na tila nakiramay sa lumbay, gusto ko narin sanang lumuha, ngunit pinangambahan kong makita mo ang pagiyak. Ako lang ba ang nanghihinayang sa nangyari? Yumuko na lamang inisip lahat ng naganap kanina sa espesyal pa namang lugar, sa tambayan natin mula pa noong magkabangga ang ating mga tadhana. Lugar na ngayon ay hindi ko alam kung isang araw makakayang balikan ko pa ba.

Naisip ko habang nakasakay sa jeep pauwi. Ano kayang naramdaman mo nung kanina inabot ko ang mga rosas sa'yo. Naisip ko habang nakasakay sa jeep pauwi ang mga rosas na naiwan sa tambayan. Pinabayaan, iniwan. Tulad ko rin. Ang mga rosas, mga rosas na akala ko'y tatanggapin mo kasabay ng pagyakap sa pagibig ko. Iniwan lang na walang sagot sa katanungan, binale wala ang mga narinig mula sa akin, nararamdamang matagal ding inilihim. Hindi pinansin, walang pagasa, nagiisa't walang kasama, minsang hinawakan mo ngunit binitawan at iniwan. Nakatago sa katingkaran ng kulay ang mapait na sinapit at nalantang nakaraan. Katulad ko rin ang mga rosas na naiwan sa tambayan, ngayon ay nauulanan. Iniwan mo matapos ang pagtanggi sa aking pagmamahal.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin