Tuesday, June 4, 2024

Mga Serye

image credits @lovepik
Maraming serye ang ating mga buhay. Mga serye ng paglalakbay. Mga serye ng pagbangon sa kabigatan. Mga serye ng kilig at kagalakang nararamdaman. Mga serye ng takot at kahinaang natutuklasan pa lamang. Mga serye ng paghihinagpis. Mga serye ng paulit-ulit lamang na araw-araw nating karanasan. Mga serye ng paghanap sa totoong ikaliligaya ng ating puso't isipan. Mga serye ng paghingi ng tulong sa ating Panginoong may kapal. Mga serye ng kalukutan sa nawalang minamahal. Mga serye ng sama ng loob nating nararamdaman, at marami pang seryeng hindi mabilang.

Sa lahat ng serye sa ating buhay, kapansin-pansin na halos puro na lang kalungkutan. Hindi ba pwedeng masaya na lang palagi ang mga serye ng ating buhay? Hindi ba pwedeng laktawana ang malulungkot na yugto ng ating buhay? Sabi ng karamihan, kapag kuntento ka sa kung ano ang meron ka at kaya mo ay hinding hindi ka malulungkot sa buhay. Ganon naman ako ngunit bakit nasagi pa rin sa isip ko ang mga ganitong katanungan? Marahil dahil ang mga bintana ng ating kaluluwa ay nakakatanaw ng mga tao na mas magaan ang mga seryeng dinaranas kesa sa ating nararanasan.

Kung sa pagibig at pagmamahal naman ay wala akong masabi. Halos napagdaanan kona ang lahat. Iba't-ibang ugali ng kasintahan at iba't-ibang uri ng pakikitungo at pakikisama. Ang serye kasi ng pagibig at pagmamahal hindi mo malalaman kung daraanan mo lang ba na karanasan at aral o itinadhana para makasama mo hanggang sa katapusan ng serye ng iyong buhay. Maraming serye ng sakit na ang aking pinagdaanan ngunit serye din ng pasasalamat sa Diyos dahil alam kong nahanap ko na ang para sa akin ay itinadhana. Ang babaeng habangbuhay kong makakasama sa serye ng aking buhay.

Sa aking paniniwala. Alam ng Diyos na may sakit at may saya tayong kailangang pagdaanan sa serye ng ating mga buhay. Sa akin ding paniniwala, ito'y Kaniyang sinadya bilang kapalit ng pagbigay niya sa ating puso ng sariling nitong isip. Tayo ay pinanganak sa mundo para sambahin Siya, sundin ang Kaniyang mga utos, at sa Kaniya ay Manampalataya. Ngunit ang pumili ng ating mamahalin, iibigin, kagagalitan, kaiinggitan, kamumuhian, kahahangaan, maging kagigiliwan, kailanman ay hindi niya sa atin kinuha. At marahil ay ito nga ang mitsa at pagsisimula para magkaraoon tayo ng marami at iba't-ibang serye na dadanasin sa ating buhay.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin