Monday, August 12, 2024

Dating Booth

image credits @copperdating
Andami na namang tao. Kung sa bagay ay sanay naman na ako, parang sa walang kamatayang job fair. Halos lahat yata ng kumpanya sa Techno Park ay naapplyan at napasukan ko. Yung cycle ng buhay na anim na buwan-panibagong apply panibagong requirements. Sa totoo lang ay umay na umay na ako ngunit ano pa ba't kailangang tayo palagi ang humahabol sa trabaho.

Ibang-iba ang pakiramdam ko ngayon dito. Nararamdaman kong madami ang magrereject sa akin. Trenta y Dos na kasi ako. Kulang sa height at walang ka confi-confidence sa sarili ko. Mayroon pa kayang tatanggap sa akin dito? Kung sabagay ay sanay na rin naman akong mareject. Malapit na nga ako sa punto ng pagtanggap na ganito na lang talaga ang buhay ko.

Tinawag na ang pangalan ko, at unang booth palang ay kabadong kabado na ako. Nagpalitan kami ng index card kung saan nandoon ang aming mga info. Sabi ko na nga ba, ang unang itatanong ay ang edad ko ngunit walang atubili kong sinabi ang totoo. Napayuko agad ang nag iinterview, kunwaring nakatingin sa index card ko sa mesa. Kung kaya nagulat ako ng bigla siyang masayang magsalita-"Matanda ka lang naman pala sa akin ng dalawang taon."

Ilang segundong katahimikan ang umiral at alam kong ako naman dapat ang magbato ng tanong sa kaniya. "Bakit pala limang taon ka nang walang Boyfriend?." Hindi ko din alam kung bakit yun agad ang inusisa ko sa index card niya, kaya naman agad akong humingi ng sorry sa kaniya. Mabuti at mukhang wala lang 'yon sa kaniya at nakakangiti pa rin siya.

"Siguro kasi masyado akong nasaktan. Apat na taon kami nung Ex ko. Apat na taon pero nagawa pa rin niyang ipagpalit ako." Sa sinabi pa lang niya ay ramdam ko na ang sakit na iyon, pero sa pagkakasabi niya nito ay wala kang mababakas na lungkot sa kaniya na parang matagal na niyang ibinaon sa limot ang pangyayaring iyon sa buhay niya na siya namang ikniabilib ko.

"Nakakabilib ka nga. Kung ako siguro yun baka hindi ko kakayanin."

"Ay bakit?"

"Yung apat na taon, hindi kasi ako aabot dun kung hindi tunay at malalim ang pagmamahal ko sa isang tao."

"So makaka ilang taon tayo?" Sabay biro niya para maalis ang pagiging seryoso ng aming tanungan

"Depende. Kung kailan moko maiisipang ipagpalit." Biro ko din sa kaniya

"Ay grabe sya! Gwapo ka naman ah."

Kahit hindi totoo ay hindi na lang ako kumontra sa sinabi niya at nagbigay ako ng ngiti sa kaniya. Tumahimik na naman at alam naming dalawa na nasakanya na ang turn para nagtanong ulit ng kahit ano sa akin. Yung ibang pumasok sa relationship boots nakailang lipat na para kumilala ng iba. Siya nakangiting nakatulala pa rin sa akin kaya ako naman ay hiyang-hiya lalo pa't kakakilala ko pa lang sa kaniya.

Bigla-bigla na lamang ay hinablot niya ang kaniyang index card sa kamay ko. Bahagyang nalungkot ako, alam kong lalabas na siya at kailangan ko na ring lumipat. Pero tinitignan pa rin niya at hindi ibinabalik sakin ang index card ko. Nakakahiya para akong bata, nakalagay pa naman doon na spaghetti ang paborito kong pagkain.

Gusto ko siya. Sayang hindi niya yata ako tipo. Kaya nakakalungkot man ay isinahod ko na ang kamay ko sa kaniya, hudyat para isaoli na rin niya index card ko. Pero tumayo siya at hinila ang kamay ko sabay sabing-"Isasauli na natin to. Sasama ka sakin." binanggit niya yon na para bang manganganib ang buhay ko kung hindi ako susunod at sasangayon. Kahit hindi naman kailangan. Dahil kung lalabas ako doon ng ako lang ay hindi ko na agad matatanggap at baka umuwi na lang ako.

Malaki ang pasasalamat ko na nagpunta ako doon noong araw na 'yon at sinubukan ang napakaliit na tsansang makakahanap pa ako ng taong magmamahal sa akin ng totoo, at makatatanggap sa aking buong pagkatao. Doon ko din naranasang malibre ng spaghetti para maituloy ang pagkilala sa taong habangbuhhay na palang mamahalin ko.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin