Wednesday, August 7, 2024

Antas ng Paniniwala

photo credits @pinkfighter
Iba ang gising ko ng gabing iyon. Maghapon ngunit pakiramdam ko'y kulang na kulang pa rin ang aking itinulog. Alam ko ding kapag itulog ko na lang muli ay sa umaga na ulit ang gising ko. Nasa lamesita pa ang negatibong resulta ng pregnancy test ni Venus. Nagkalat sa sahig ang mga lata ng alak, karamihan ay hindi tuluyang naubos at sa sahig ay tumapon.

Ano pa nga bang gagawin, kun'di uuwi sa aking mga magulang. Sasaluhin muli ang lahat ng kanilang mga pangaral sa buhay. Ganon pa man, alam kong masaya sila na sila ang aking takbuhan. Hindi na nga lang ako bata para mahalikan nila sa ulo at mayakap pero alam kong sa ngayon ay iyon ang gustong gusto nilang gawin. Kaya nga paghahanda ng adobong pusit na lang ang pang lambing ni Mama.

Tama naman sila Mama at Papa. Hindi minamadali ang pagkakaroon ng pamilya. Pero habang umeedad ay lumalaki din ang takot na baka wala akong mahagkang anak hanggang sa aking pagtanda. Para itong sigla na matagal ng hinahanap-hanap ng aking puso. Hindi ko naisip, paao nama ang mahal kong si Venus, paano naman ang isip at damdamin niya, na hindi ko napapansin ay unti-unting nadudurog ko pala.

Magkaiba kami ng antas ng paniniwala. Naniniwala akong kailangan naming subukan ng subukan upang magkaroon kami ng supling. Naniniwala siyang ibibigay din sa amin sa tamang panahon ang aming hinihiling. Naisip ko, sa labis kong pagmamadali. Nasasaktan ko na pala siya at kinukwestyon ang kaniyang kakayahan magbuntis. Masakit palang makita ang sakit na ako mismo ang nagdudulot sa kaniya.

"San ka po?", "Anong oras ka uwi?". Hindi ko na napigilan ang luha. Ginagawa niya ang lahat para lumaban sa buhay. Pero ang aabutan niya ay mga kalat imbis na asawang naghihintay sa paguwi niya. Pinagtitiisan niya ang ugali ko't pamumuhay kahit puro kagustuhan ko na lang ang nasusunod sa aming pagsasama.

Ilang saglit lang ang kinailangan para aminin ko sa aking sarili na nangungulila na rin agad ako sa aking Mahal. Hindi ko na kinailangang magsalita sa aking pagbaba. Yumakap na lang sa akin si Mama, at si papa ay humahaplos sa akng balikat. Habang nagpapaalam sa kanila ay nangangako na ako sa aking sarili na sa kasal ko na ulit sila makikita.

Sakay ng aking motorsiklo ay maraming tanong sa aking isip. Magkano kaya ang ipapautang sakin ni Ma'am Angie. Ano kaya ang magugustuhan ni Venus na singsing. Masosorpresa pa kaya siya 'o hindi. Ang sigurado ko lang, kahit hindi dinig ng isa't-isa. Tuwing kami'y nagdarasal at nakaluhod sa simbahan ay iisa lang ang hinihiling namin sa Kaniya.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin