Wednesday, September 13, 2023

Pagkatapos ng Sandali

photo credits @lakadpilipinas
Habang naglalakad na tinatakasan ang sumasakop na dilim sa dapit-hapon, tahimik ako at tahimik ka din dahil hiya pa ang parehong umiiral sa atin. Sa bawat hakbang, mas umiikli ang oras para makabuo ng desisyon kung papaano ako magpapaalam sa'yo, bukod pa sa ano kayang mararamdaman mo kung magbigay ako ng halik sa iyo, kahit sa pisngi lang o' 'di kaya'y sa noo.

Unti-unti ng kumakapal ang hamog. Para tayong sinusundan at ginagabayan ng liwanag dahil sa isa-isang nagsisinding mga poste ng ilaw. Parang nagsasabi na ikaw ay aking ingatan, na pangako ko namang gagawin. Napalingon at napangiti ka lang sa una kong pag akbay sa'yong balikat. Bagay na parang ang dali lang pero halos unahan tayo ng puso kong dumausdos pababa.

Ang pagiging mahinhin mo. Ang kagandahan mo. Ang pagiging tahimik mo. Ang pagiging totoo. Ang pagiging simple. Lahat ay nagsasabing mas gusto pa kita kaysa sa pagibig. Dahil sa'yo nakulayang muli ang aking paniniwala sa totoong pagmamahal. Sayang lang ang tanawin ng Tagaytay, dahil buong gala natin ay kaganda mo lang ang aking pinagmamasdan.

Matagumpay nating natakasan ang mga problema at pagod. Kita ko sa'yong mga mata na masaya ka at hindi sayang ang araw na 'yon kahit pa medyo nagsungit sa'tin ang panahon. Sana ay alam mo rin kung gaano ako kasaya na mapangiti ka. Sana ay alam mong lubos-lubos ang pasasalamat ko na hinayaan mo akong suyuin ka at balang araw tayo ay maging isa.

Paalam na muna. Kahit dalahin mo na ang lahat ng pasalubong na hindi natin natanggihan mula sa mga nagtitinda. Mayroon naman akong mga larawan nating alaala, na siguradong babalik-balikan kong pagmasdan. At pagkatapos ng sandali, masaya akong uuwi dahil alam na ang araw na yon ay isang hakbang patungo sa'yong pagibig. At dahil sa bigay mong halik sa pisngi, patulun-talon ang puso ko at siguradong hindi makakataulog paguwi.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin