image credits: moraganramberg |
Malamig ang humahampas na hangin sa aking mukha. Makinang ang abalang siyudad ngunit tila bulong lang ang ingay nito dahil sa kalayuan. Mahaba na ang titis ng sigarilyong hawak ngunit hindi ko pa ito mapitik. Ayokong sirain ang masayang sandali ng mga nagtatampisaw, nagkakasiyahan, at nagsasayawang mga kabataan sa ibaba.
Basag ang basyo ng alak sa sahig. Sinasayaw ng hangin ang punit na pulang kurtina. Nagliliparan at hindi pa rin tuluyang bumagsak ang mga bulak ng nagkapunit-punit na unan. Si Jessie. Nagmamadaling maglinis at magpulot ng mga bubog sa sahig, marahil ay para makabalik na sa kaniyang mga kaibigan sa ibaba.Hindi ko alam kung bakit hindi ako makalingon sa kaniya. Dahil ba sa kahihiyan? Dahil ba sa kumot lang ang tumatapis sa katawan niya. Dahil ba ayokong makita ang luhang sumisira sa kanina lang ay masaya niyang presensiya. O dahil alam kong hanggang doon na lang at tapos na talaga ang lahat.
Wala siyang imik habang sinusot ang kaniyang damit. Alam ko ring naghihintay lang siya ng sasabihin ko ngunit alam kong mas makakabuti kung hindi na ako magbitaw pa ng kahit ano sa kaniya. “Uwi na ‘ko. Kausapin ko ang Momhie ko.” Habol niyang parinig habang inaayos ang buhok at tuluyang isarado ang pintuan.
Hindi naman talaga ako ganito. Dati ay isang simpleng edad bente-nuebe lang ako na desperado dahil hindi gustong mag trenta na wala man lang karanasan sa kama, sa tunay na pagmamahal, at sa buhay may kinakasama, buhay may asawa. Pero sa pusok ko, hindi ko man lang naisip na sa ginagawa ko ay nakakasira na ako ng isang masayang pamilya.
No comments:
Post a Comment