image credits: vectorstock |
Sinubukan ko kung maluluto talaga ang itlog sa init ng semento. Sinayang ko yung apat na piso. Bigay pa naman 'yon ni Jake, si Jake nakakabilib siya, talagang tinupad niya ang pangako sa magulang na magtatapos at balang araw ay siya ang magaangat sa hirap niyang pamilya. Sa ayos at pananamit pa lang niya ay sigurado naman akong natupad na niya.
Nandito rin si Roman na niluluto rin ng init sa gitna ng kalsada. Marangal ang trabaho niya at mahirap itong gampanan. Ikaw ba naman ang magdamag nasa initan isama pa ang polusyon ng tao’t mga sasakyan. Hindi man natupad ang pangarap niyang maging Pulis ay masaya ako para sa kaniya. At pansin ko namang masaya rin siya.Sila ang matatalik kong kaibigan pero hindi ko alam kung anong nangyari sa amin. Hindi ko alam kung may nagawa ba ako para sumama ang loob nila sa akin. Pati ang mahal kong si Dana, hindi ko alam kung bakit ang pagiwan niya sa akin ay biglaan din. Hindi kaya ang mga kaibigan ko ang dahilan? Isa ba sa kanila? Hindi ko alam pero huwag naman sana. Lalo’t malaki ang tiwala ko sa kanila.
Hindi ko alam kung bakit nandirito ako ngayon. Hindi ko alam kung paano ako nakarating sa lugar na ito. Hindi ko alam kung bakit nakasandal ako ngayon sa posteng ito. Hindi ko rin alam kung bakit may basag na itlog sa harap ko. Hindi ko rin alam kung bakit may hawak akong baso, at may kaunting baryang laman ito.
Hindi ko alam kung bakit paikut-ikot lang ako sa mga kalsadang ito. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ako nakikilala ng mga kaibigan ko. Hindi ko rin alam kung bakit ganito, bawat naiisip at naaalala ko’y madali ring naglalaho sa diwa ko. Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkaganito. Marahil ay may nalaman ako. Na hindi kinaya ng puso’t isip ko.
~WAKAS
No comments:
Post a Comment