Tuesday, May 31, 2022

Orca

image credits: redbubble
Parang pagpasok sa langit ang paglapit ko sa'yo. Pagtapos kasing hawiin ang mga ulap ay ganda mo ang sumalubong sa akin. Pero hindi talaga ulap 'yon kun'di usok ng vape mo. Kung bakit kasi hindi mo pa matigilan ang bisyo. Dapat pala si Jenny na lang ang nanalo!-agad mong bungad sa akin. Tignan mo ohh, baka last puff ko na nga 'to on a public place-Dagdag mo pa habang kunot noo pa rin ako dahil hindi maintindihan kung ano ang ibig mong sabihin.

Bagong ordinansa pala ng bagong Mayor ang tinutukoy mo. Hindi kasi ako updated. At hindi tulad mo ay wala akong sinuportahan sa dalawang kandidato dahil hindi rin naman talaga ako makakaboto dahil deactivated na raw ang status ko. Buena mano pala ang bawal na paninigarilyo o kahit vaping sa public places. Kita mo ikaw agad ang tinamaan ng sinuportahan mong kandidato. Kahit ako naman, kung nasa lugar lang ako para magbawal sa'yo ay ipagbabawal ko na rin sa'yo 'yan.

Naalala ko tuloy nung may pumalit sa Algebra teacher natin, ikaw agad ang nakita dahil nakasumbrero ka kahit nasa loob ng klase, bawal daw 'yon sa klase n'ya kaya kailangan mong tanggalin. Iritang irita ka noon pero napansin mo bang natulala ang lahat ng kalalakihan ng makita ang tunay mong ganda sa pagbagsak ng buhok mo?. Pati si Ma'am Riza ang tingin mo malaking pang asar din. Talagang alpabhetical lagi ang pagtawag para ikaw ang pinakahuli sa lahat ng activity at groupings. Isang beses ikaw nalang huling pipili ng partner sa pagsayaw ng folk dance at ako na lang ang lalaki kaya ako ang pinili mo syempre. Alam mo bang 27 beats per second ang puso ko non? At ramdam mo naman ang nagpapawis kong mga kamay. Pero huli na nung nalaman ko kung bakit ako lang ang nahihiya't naiilang na ikaw ang aking kasayaw.

Alam mo sanang ikaw ang pinaka magandang likha ng Diyos na natanaw ng dalawa kong mga mata. Alam mo sanang akala ko sinagot na ng Diyos ang panalangin ko noong makilala kita, pero hindi pa pala ikaw ang nilaan niya para sa akin. Sana ay kaya kong sabihin ang lahat ng 'yan ngayon na magkaharap tayo at pranka kung magpalitan ng salita sa isa't isa. Ngunit lagi akong paaatrasin ng sinabi mo noong napansin mo sa aking mata ko ang malalim na pagtingin.-Wag Drin, Tropa tayo ehh. Babae ang gusto ko.


~WAKAS




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin