Tuesday, May 8, 2018

Ginintuang Milya 2

credits: abscbnnews
Nagsawa ako sa kili-kili goals ni Liza Soberano sa likod ng sinusundang bus. Walang restday ang traffic, at tayo na sana ang 'di matapos-tapos na pinapagawa kong matitirahan kung may OT sa pila ng sakayan. Hinihintay ko pa rin ang pagpaparamdam mo. Mi-nute ko pa nga ang lahat ng Group Chat para masiguradong ikaw na 'yon sakaling tumunog muli ang aking telepono. Ngunit mauuna pa yatang malowbat dahil sa hinahayaan kong ang data ay nakabukas lang.

Kung sana'y hindi ka palaging abala. Kahit ako pa ang minu-minutong mangulit sa'yo ay gagawin ko. Hindi sa aking telepono ang tumunog kundi ka'y Melvin. Mabuti pa nga siya na kahit puro laro ang inaatupag ay may mga nagaabalang magchat kahit hindi niya ito pinapansin lahat. Gusto ko na ngang makiconnect sa kaniyang WiFi para malaman kung ilan na ba ang nag like ng pinagsama-samang larawan mo, na ginawa kong banner ng aking profile.

Kasama sana kita ngayon, makikita mo rin na sa ating pagbaba, bukod sa nanlilimahid ay punong-puno ng pagpupursigi ang Ortigas. Katulad ng sipag na pinapamalas mo sa ibang bayan. Nasabik na naman tuloy ako nang maisip ang sinabi mong isang taon na lang ang kailangan nating hintayin para tayo ay muling magkita.

Ginintuang Milya ang ating pagitan at matagal na rin talaga noong huli tayong nagkita. Saan kaya hahantong itong muli nating pag-iibigan? Wala akong Plan B kung sakaling hindi magclick ang ating samahan matapos ang pitong taon na hindi pagkikita at muling pagtatapat ng nananatiling pagmamahal para sa isa't-isa. Hingang malalim sa bawat oras na dumadaan sa aking isipan ang mga bagay-bagay na gaya nito.

Bawat oras din ay pilit kakalimutan ang sitwasyon kong kinalalagyan dahil alam kong binura mo na siya sayo'ng puso't isipan. Si Melvin naman ay kaya at handa kong alagaan. At alam ko sa aking sarili, walang dilim ng nakaraan at mapupuno lang tayo ng saya sa oras na muling makita at makapiling ka.


~~ o ~~



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin