Friday, May 25, 2018

Ganti ng Buhay

credits: dennis buckman
Maaring hindi ako ang para sayo'y nilaan. Maaring hindi iyon ang tamang panahon at oras. Ngunit sa tagal ng ating pinagasamahan noon. At sa pagaakalang masasakta lang nama't lilipas din kung sakaling ako'y hindi muling matatanggap. Aking pa ring sinubukan.

Gusto kita higit pa sa kahit anong bagay dito sa lupa. Ikaw lang ang palagi kong naaalala. Kailangan kita higit pa sa kahit ano sa aking buhay. Mahal kita. Kung kaya ba kayang magpaka tanga at hiyain ang sarili sa maraming nakakakita.


Maari mo pa nga akong sapakin habang nakaluhod ako sa iyong harapan. Baka sakaling sa pagtumba ko, bumaliktad din ang ikot ng mundong ating kinalalagyan.

Sana nga maaring bumaliktad at magbalik ang tulad dati. Kung saan halos ikaw pa ang sumuyo sa akin. At ikaw ang gumagawa ng mga paraan para tayo'y magkausap, magkalapit. Ginawa mo ang lahat. 'Ika nga nila sa basketbol "Whatever it takes".

Pero pati ang mga kaibigan mo noon na naging tulay natin. Kung iwasan nila ako'y parang akong mamang may putok. At parang utot lang ako na sumanib sa hangin sa tuwing sinusubukang sa usapan nila'y sumingit.

Ito na siguro ang ganti sa akin ng buhay. Ang pahirapan akong makahanap ng makakasama lalu pa't yung iniibig kong talaga. Kahit kasi sabihin kong sincero na ako ngayon na mailigtas ang ating nasimulan. Saksi ang langit at lupa na minsan kong pinabayaan ang sana ngayon ay masayang samahan.

Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit mo ako iniiwasan. Malamang ay may galit sa iyong puso na napagdisisyunan ko namang pahilumin, alagaan, at pahalagahan kung sakaling ako'y mapagbibigyan.

Maaring hindi ako ang para sayo'y nilaan. Maaring hindi iyon ang tamang panahon at oras. Ngunit sa tagal ng ating pinagasamahan noon. At sa pagaakalang masasakta lang nama't lilipas din kung sakaling ako'y hindi muling matatanggap. Aking pa ring sinubukan. Sana ay mapagbigyan.

"Hindi mo pa ba alam kung bakit madaming nagagalit sa'yo dahil nalapit ka ulit sa akin?" mahinahong tanong ni Carla habang ako'y nakaluhod at napapaligiran kami ng mga naka taas-kilay niyang kaibigan.

"Hindi mo ba alam kung bakit hindi ko kasama sa klase ang mga akala mong kaibigan ko?" dagdag na tanong pa niya.

Bahagyang yumuko siya para maabot ang aking kamay at iniliapat ito sa kaniyang dibdib kung kaya naman nag overflow ang stock ng pawis sa aking katawan.

Tila may galit ang higpit ng hawak niya sa aking kamay, na parang ayaw niyang alisin ko ito habang sinasabi niyang "Ito pa rin ang puso ni Ate. At kung nagawa niyang maglihim at magsinungaling sa'yo dahil wala ka namang pakialam, p'wes ako hindi. Dahil alam kong kahit nandito siya, hindi na ikaw ang 'tinitibok ng pusong ito."

Maaring hindi ako ang para sayo'y nilaan. Maaring hindi iyon ang tamang panahon at oras. Ngunit sa tagal ng ating pinagasamahan noon. At sa pagaakalang masasakta lang nama't lilipas din kung sakaling ako'y hindi muling matatanggap. Aking pa ring sinubukan...

Ngunit ang sakit na 'yon ay kakaiba. Tama bang nalaman ko pa o' hindi na lang sana. Para itong ganti ng buhay, na ang bigat ay tila dada'lhin ko hanggang sa aking hukay.


~~ o ~~


posted from Bloggeroid

Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin