Sunday, November 19, 2017

Huling Rayna

credits: manon ladouceur
May halong takot at pagkamangha ang salubong nila sa iyo noong tanggaling tuluyan ang kurtina. 'Di tulad noong ang mga tulad mo'y sa telebisyon lang makikita, tanging saya ang dala, sa pagiisip na hindi naman banta ang isang imahinasyon lamang.

Kung bakit may mga taong tulad nila ay hindi ko rin alam. Walang pakialam sa mararamdaman ng iba. Lalu pa't hindi tulad ng uri nila. Kinausap ko pa nga si mang Erning kung bakit padalus-dalos ang naging desisyon niya't hindi man lang pinaalam sa akin.

Inaamin kong natakot din ako noong una. Na maaring ang tulad mo'y makasama sa mga tulad namin. Pero kung saan ka natagpuan ay doon din ako lumaki. At masasabi kong sa maikling panahon na nakilala kita't nakasama ay natuto na rin akong huminga sa ialaim, at sumabay sa mga alon na hahampas sa akin.

Ngunit ang hampas na ito'y iba. Tinitignan ka nilang walang saplot, 'di alam kung papaanong makakawala sa inipong tubig sa loob ng malaking salamin. Nasa labas man ako'y 'sing lamim ng tubig na 'yon ang kinalulunuran ng aking damdamin.

Papaano kong sasabihin sa kanila ang sinabi mo sa akin na tanging dugo mo ang makakapagligtas sa aming lahat sa pagbabago ng klima? Dugo ng huling Sirena na nabubuhay sa mundo naming mga mapanira.

Nahihiya mo pang itinago ang makaliskis na buntot noong matanaw ako mula sa kumpulan ng mga tao kahit pa hindi naman kailangan dahil alam kong mabuti ka at walang masamang hangarin sa sino pa man.

"Erning! Wala ito sa pinagusapan natin! Ako ang nagligtas sa kaniya!" Sigaw ko na agad humatak sa pansin ng lahat. Habang si Erning sa taas ay dinadama pa kung gaanong kakapal ang kinita sa pagbebenta sa iyo sa karnabal. Inakyat ko siya at sa sobrang galit ay gusto siyang itulak.

Hindi ko inakalang magagawa niyang maglabas ng panaksak laban sa akin. Malalim ang galos na ginawa niya sa akin at sa panghihina ay nahulog na rin ako sa iyong kinalalagyang tubig.

Napuno ang tubig na iyon ng aking dugo. Tubig na hinihingahan mo kung kaya naghalo ang ating mga dugo. Alam ko sa sarili na maaring wala na ang bisa ng iyong dugo para mailigtas ang mundo. Pero masaya kong iniwan ang mundong iyon dahil sa mga huling sandali ko dito, mula sa ilalim ay natanaw ko ang iyong pag-ahon, gamit ang iyong mga paa.

Sa wakas, magiging ligtas ka, at ang uri mong minsan ay naging totoo, manunumbalik na sa pagiging alamat na lamang.


~~ o ~~



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin