credits: fine art america |
Lungkot ang bawat pasok ng gabi simula noong tayo'y 'di na magkita. Magisa kong tatanawin ang paglubog ng araw na susundan ng pagpapakitang gilas ng mga ilaw sa syudad. Sa pagasang babalik ka, ibabagsak ko pa ang tsinelas at magiiwan ng nakasinding lampara upang malaman mong naroon lang ako sa taas ng puno kung sakaling darating ka. Doon ko na muling matitipa ang inaalikabok nang gitara at ipaparinig sa'yo ang naisulat kong kanta. Kantang taon na ang hinintay upang maiparating sa'yo kung gaano ka kahalaga sa aking buhay.
Gusto kong masagot ang mga katanungan, gusto kong sa'yo mismo manggaling, ngunit wala ka dito upang sabihin sa akin. Sa isip ko na lang bang matatanaw muli ang 'yong ngiti sa bawat oras na ika'y inaalayan ko ng awitin? Hanggang sa panaginip na lang ba muli kitang mapapagmasdan habang sa pagawit mo ako'y dumuduyan.
Nadinig ko ang usapan ng mga taga rito sa atin. Pangalan mo ang kanilang bukang-bibig. Sa 'yong pagalis, hindi raw pagawit ang naging trabaho mo doon tulad ng sayo'y ipinangako. Maiging bulong pa sa akin ni Aling Ester noong makasalubong ko, kung sakali mang babalik ka pa raw ay wag na akong umasang ikaw pa rin ang Luningning na aking nakilala, sigurado daw ay nagbago ka na.
Kung hindi man maipahatid ang damdamin nitong naisulat kong kanta, sana sa mga nakalipas nating awit ay naiparating ko na sa 'yong iniibig kita. Hibang man akong maituturing ay wala akong pakialam, tatanawin ko pa rin sa aking puso't isip na isang araw ika'y magbabalik, at tulad ng dati, sa palad ng pag-ibig tayo'y muling aawit.
ang lungkot naman nito :(
ReplyDeletemalungkot pero masaya akong may nagbasa :P salamat kaibigan ^___^
Delete