Sunday, May 6, 2012

Mallows



Mahinahon kong hinaplus-haplos ang aking malambot na unan na mahigit isang linggo ko ring hindi nahagkan ng matagal na oras. Sa nagdaang mga araw panay trabaho lang kasi ang inaasikaso ko. Trabaho na nakakastress at umaagaw sa mga nakasanayan kong bagay at hindi abalang buhay. Hindi na sana dapat pang ireklamo ang walong oras na paghahanapbuhay araw-araw. Kasama kasi raw kasi sa pinirmahang kontrata ang hindi dapat pagtanggi sa overtime hours. Minsan gusto ko nalang pumirma ng resign papers pero hindi ko magawa dahil sa naghihirap kong pamilya.

Gusto kong managinip at sulitin ang paghiga sa mala ulap kong kama. Gusto kong managinip ng matagal tulad ni Pepito Manaloto. Nais ko ring lakbayin ang pangarap ko tulad niya at mamuhay sa panaginip kung saan ang maginhawa, masaya, at maayos na buhay na inaasam-asam ko ay abot kamay ko. Tipong hindi na bale kung sa paggising ay problema parin ang kakaharapin ko.

"Mahal mo pa ba ako?" Madalas akong magulat sa mga tanong ni Yuniece pero kakaiba ang entrada niya ngayon. Bahid ang lungkot at labis na pag aalala sa kanyang mukha. Nakalingon sa akin at hinihintay ang magiging kasagutan ko sa tanong niya.

Matapos akong hindi maka sagot sa tanong niya tumayo siya't hinawi ang kurtina. Dahilan para masaktan ang mga mata ko sa sinag ng panibagong umaga. Gusto ko sanang sabihin kung gaano ko siya kamahal. Kahit gusto ko man hindi ko iyon magawa.

"May problema ba?" Pahabol na tanong niya kasabay ng muling pag higa sa kama at pagyakap sa akin. "Mahal kita at handa kong gawin ang lahat para sa'yo" Matapos niyang sabihin 'yon tinitigan ko ang napapikit na si Yuniece habang nakayakap sa akin. Hinaplos ko ang buhok at pisngi niya, dahilan para mamulat siya't tumingala ng tingin sa akin, at lalo pa niyang hingpitan ang pagkakayakap sa akin.

Hindi pa yata naka isang minuto nang inalis ko na ang kamay niya at ang kumot rin na nakalamukos sa akin. Bumangon na ako mula sa higaan. Ano raw ba ang nangyayari sa akin. Hindi na maintindihan ni Yuniece ang mga ikinikilos ko. Lalabas na sana ako sa pintuan ng kwarto nang hinabol at niyakap niya ako mula sa likod.

"Umiiyak ka ba Mallows?" Tanong ko nang harapin ko siya. "Hindi ako karapat-dapat para pagaksayahan ng luha mo". Nagalit siya sa akin non at sa mga araw na dumaan nanibago siya sa akin. Hanap niya ang dati kong kakulitan at paglalambing. Siguro nga ay hindi na kami tulad noon na malayang nagagawa ang mga kagustuhan. Ngayon ay may mga responsibilidad na't mga bagay-bagay na dapat unahin at intindihin. Hindi na nga kami mga bata pero mali yata ang naging desisyon namin na umupa sa isang apartment at dito'y magsama na. Sa tingin ko hindi pa ako talagang handa, at ganon rin ang tingin ko sa kaniya.

Bago ko pa masabi ang balak ko na pakikipag hiwalay na muna sa kaniya nalaman kong naunahan na pala niya ako. Isang kasulatan sa mesa nalang ang inabutan ko noong ako'y umuwi galing sa trabaho. Nagpaalam na siya at sumuko na sa akin. Akala ko kakayanin ko pero nalungkot ako. Noong college palang kasi kami masayang pinaguusapan na namin ang magiging future namin pero heto't ganito lang pala ang magiging ending. Niyakap ko ang katabi ko' ang malambing kong unan sa kwarto. Ang unan na alam kong narito lang parati at naghihintay sa aking pagdating. Handa akong lambingin, at paliparin ang isipan anumang oras na ako'y antukin, at handang maging akapan ko araw man o gabi. Amoy parin rito ang mabangong buhok ni Yuniece dahilan para palalo ko pa siyang maalala at mamiss.

_____________________________


Naputol ang aking panaginip dahil sa pagtalon ni Yuniece papasok sa aking kama. "Gising na Mallows!!" Tinatapik tapik pa ang pisngi ko at idinidikit pa ang ilong niya sa ilong ko, tumatawa tawa pa siya. Hinalikan ko siya at biniro siya "Para ka talagang bata Mallows".

"Kamusta naman ang pahinga mo Mallows?" Tanong niya kasabay ng pagtawa.

"Masama nanaginip ako eh. Iniwan mo daw ako?"

Tumabi siya sa akin at niyakap ako. "Ikaw pala ang parang bata dyan eh. Nandito lang ako para sa'yo palagi Mallows. Kahit anung mangyari hindi kita iiwan promise! Asahan mo nandito lang ako palagi. Palagi kang may mauuwian na mabait, malambing, at kyut na kyut na future asawa. Hindi ako magbabago sana ganon karin sakin ha?"

"Talaga Mallows? Para ka rin palang unan ko"

"Ha?"

"Wala halika Mallows almusal na tayo"

~~ o ~~

Pahalagahan mo ang taong indi sumusuko na mahalin ka ~Yuniece


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin