"Mahal kong Sheila hindi ko pa nasusulit ang pagiging mag-on natin kinailangan mo nang umalis. Isang taon mo rin akong pinaghintay sa matamis mong oo pero wala naman sa akin 'yon, doon ko naman kasi napatunayan na mahal kita at sincere ako sa matamis kong hangarin. Nakakapanghina lang isipin paghihintay nanaman ang akma kong gagawin. Kulang nalang sa facebook info idagdag ko sa hobbies ko ang waiting.
Simula noong umalis once in a blue moon ko nang matanggap ang simpleng pangangamusta mula sa iyo. Pagpasensyahan mo sana ako, kabisado mo naman ang ugali kong mabilis mainis. Ikaw kasi 'yan at 'yan lang ba talaga ang mga gusto mong sabihin? Hindi naman nadagdagan ang rate kaya bakit mo ako tinitipid? Hindi mo naman maidahilan ang pag-aaral na ipinunta d'yan dahil bakasyon naman. Imbis na maibsan ang pangungulila lalo lang tuloy kitang namimiss.
Sinabi mo "Hindi naman ako aalis para kalimutan ka" Pero sa lagay natin parang ganon na nga ang nagiging tema. Mahina ba ako? Hindi naman ako naging mahina pagdating sa'yo diba? Sabi mo hindi ka naman umalis para limutin ako pero sa iniwan mong kalagayan ko na araw-araw ay pareho, parang oras at sitwasyon na ang tumutulak sa akin para subukan limutin ang isang katulad mo."
Nasanay na ba akong wala ka? Ito na ba ang araw na kailangan kong lumabas at hanapin sa iba ang kaunting pagmamahal na inaasam ng puso ko't ngayo'y hindi mo mapunan? Ilang pasko at araw ng mga puso na rin akong single. Hindi na rin matulis at nag-aamba nang lumago ang bigote ko. Malapit-lapit na nga akong magpaalam sa pagiging teenager ko eh. Ang mahirap isipin baka ang naglalaro palang sa isipan ko na paglimot sa iyo ay nauna mo nang gawin sa akin~ Mga katanungan ko sa sarili habang nag-iisip at naka harap sa salamin.
Akala ko rin kakayanin ko. Inakala ko ring hindi magbabago ang nararamdaman ko. Nakita ko kay Rachelle ang hanap-hanap kong pagmamahal at kalinga. Naging malapit kami sa isa't-isa. May kasalanan ako sa'yo, mahal ko na kasi siya. Hindi ko siya ginagamit para lang maibsan ang pangungulila sa mga araw na wala ka. Mahal ko si Rachelle at alam kong ganon rin siya. Masama ba ako? Masisisi mo ba ako kung naging mahina ako at isinuko kita pati na ang pangako natin sa isa't-isa? Mail ba ako dahil nagawa kong ipagpalit ka sa kaniya?..
_____________________________
Hanggang doon lang ang nakayanang basahin ni Sheila sa kwadernong itinagu-tago ng mahal niyang si Alvin. Kung saan isinulat niya ang mga katanungan sa sarili at mga saloobin niya sa mga oras na hindi kapiling ang mahal niya' si Sheila. Hindi na napigilan ni Sheila ang luha. Nanlalambot, nanghihina, at mukhang babagsak anumang oras. Inalalayan siya ng awang-awa sa kaniya na inay ni Alvin. Iniupo siya nito sa silya't binigyan ng maiinom na tubig.
Umuulan noong gabing 'yon. Pinapasayaw ng malakas na hangin ang mga kurtina sa salas kung saan naroon si Sheila at ang magulang ng mahal niyang si Alvin. Mahigit apat na taon na rin ang nakalipas mula noong umalis si Sheila rito, at mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas mula noong mangyari ang aksidente sa motorsiklo kung saan magkasama ang mahal niyang si Alvin at si Rachelle.
May galit sa puso ni Sheila. Sisi niya ang sarili sa lahat ng nangyari. Ilang oras din ang itinagal ng pag-iyak niya sa balikat ng inay ni Alvin. Muli kahit na nasasaktan at alam na dudurugin nito ang puso niya, inilabas ni Sheila ang kwaderno ng kanyang mahal mula sa pagkakayakap niya ng mahigpit rito. Sisimulan na sana niyang buklatin ito nang mahulog mula sa mga pahina ang dalawang larawan. Ang graduation picture niya at ang larawan ni Rachelle. Hindi makapaniwala si Sheila non sa kaniyang nakita.
"Hindi mo lang siya kamukha hija. Palaging banggit sa akin ng anak ko bago pa niya tayo iwan kung gaano kalaki ang pagkakapareha niyo kaya siya ang napili niyang mahalin."
"Palagi niyang banggit sa akin. Si Rachelle salamin siya ng dating ikaw."