Friday, April 13, 2012

Muli



Tinungo ko ang dating kwarto na may halong galak, una kong tinungo roon ang bintana. Apat na taon rin mula noong nilisan ko ang bahay namin sa probinsya kung saan na rin ako lumaki at nagka-isip. Lumabas ako ng bintana at sumampa sa marupok na bubong, itinaas ang dalawang kamay at sininghot ng malalim ang namiss kong hangin ng probinsya "Finally i'm back!" Ansama! Amoy dumi ng pusa.

Bakit nga ba kinailangan pang sa maynila ako magkolehiyo gayung meron naman dito? Hindi ko rin naintindihan noon. Pero sa huli inamin rin sa akin ng kinilala kong Tiyo at Tiya na sila ang tunay kong mga magulang. Hindi ko na sinubukan itanong pa kung bakit ako napunta kay Tatay at Nanay, alam ko naman sa sarili ko kung bakit. Masaya ako sa piling nila at ganon din sila sa akin, bagay na hindi ko naramdaman sa mga panahong nasa piling ako ng mga tunay kong magulang.

Mahirap sa simula pero malaki na ako at kayang desisyunan ang sarili. Kaya heto't mas pinili kong mga kinagisnan kong magulang na kahit kailan ay hinding-hindi ko magagawang talikuran. Mas pagsisisihan ko ang hindi tumanaw ng utang na loob at pagsukli ng pagmamahal sa maraming taon na kalinga at pag-aalagang natamo, kesa sa naging desisyon kong hindi pagyakap sa katotohanan. Salamat rin at tanggap nila ng buo ang aking naging pasya.

Galing ako sa inyo kanina. Si aling Liza ang nanay mo ang aking naabutan at mukhang hindi na niya ako kilala. Sino daw ba ako!? galit pang parang ako ang kaaway, wala nanaman kasi sa mood na mapaliguan ang bunso mong kapatid na si John-John. Tumatakbo pa't yumakap sa binti ko sa takot maabutan ng pamalong tabo. Mabuti pa siya nakilala parin ang dati-rati'y supplier ng pang stick-o niya.

Tinungo ko ang ating tambayan. Sa ilalim ng punong mangga kung saan nagsimula ang lahat-lahat. Ang puno na siya ring saksi sa lahat ng ating pinagdaanan.

"Kamusta?" Tanong ko sa puno kahit alam na hindi naman ito magsasalita. Gusto ko lang naman malaman kung bakit ngayon ay hindi siya namumunga.

Naisip ko tulad ko rin pala ang punong mangga noong umalis ako. Sa matagal na panahon ay titigil sa pamimigay ngunit darating ang araw na bubusugin ka sa pagmamahal at hanggang sa huli mananatiling matibay.

Hinintay mo pa kaya ako? Hindi ka kaya nakalimot sa pangako natin sa isa't-isa? Labis pa akong kinabahan nang makitang burado na ang inukit kong pangalan natin sa katawan ng punong mangga. Naalala ko tuloy matagal ko rin 'yong tinakpan nakakahiya kasi, hindi pa naman tayo bestfriend palang kita. Malay ko bang maiinlab ako sa isang makulit na Jessica? At malay ko bang nasa likod lang pala kita? Wala na akong lusot kaya sumuko rin at umamin na.

Akala ko magagalit ka. Akala ko magbabago ka na dahil sa nalaman. Pero mas lalo mo pang pinahalagaha ang magandang pagsasama natin, at inalagaan ang pagtingin ko sa'yo. Masyado mo nga lang akong matagal pinaghintay pero masaya ako na sa huli ay tinanggap mo ang pagmamahal ko.

Siguradong naalala mo pa, noong araw sinabi kong 'di magtatagal ay aalis ako. Ginawa ko lang biro ang sinabing hindi na ako babalik pa. Itinapat mo nga sa mukha ko ang kamao mo at sinabing "Subukan mu lang!". Parang iiyak ka na, sambakol ang mukha at nakanguso mo pang pinagmasdan ang pulseras na pinagpuyatan ko na sinabing magpapa ala-ala na narito lang ako para sa'yo malayo man o malapit.

"Kala ko ba walang iwanan?" Nag-aalalang tanong mo habang naka sandal ang ulo sa balikat ko. Kung alam mo lang sa mismong tambayan na ako nakatulog non sa kakaisip kung papano magpapaalam sa'yo.

Mahirap ang naging dagok ng buhay sa akin. Marami akong bagay na kinailangan tanggapin. Papaano ba ako magsisimula muli? Sana nandito ka para samahan ako.

Pinawi ng saglit kong pananatili sa tambayan ang pananabik na muling makabalik at maramdaman ito. Kahit saglit lang lahat ng ala-ala mo'y madaling nagbalik, mga masasayang gabi't araw na kasama kita. Ikaw kasi nangiwan ka kaagad. Babalik at babalikan ko ang ating tambayan, sa ilalim ng punong mangga kung saan nagsimula ang lahat-lahat. Sa lugar kung saan malaya kong aalalahanin ang lahat ng bagay tungkol sa'yo at hindi makakalimot hanggang hindi natutupad ang pangako sa isa't-isa na magsasamang muli.


Muli, binalikan ko ang ating tambayan. Ang ating tagpuan sa ilalim ng punong mangga. Ang pinaka malapit na lugar sa langit kung saan naroon ka.

Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin