Tuesday, April 17, 2012

Galit ka pa ba Cynthia?



Galit ka pa ba Cynthia? Hindi ko naman sinasadya. Lagi ka nalang ganyan kapag ikaw naman palagi kitang pinagbibigyan. Hindi kita sinusumbatan gusto ko lang na maisip mo kung gaano ko iningatan ang mahalagang naguugnay sa ating dalawa, hindi yung tipong gagawa ako ng hakbang na pagsisisihan ko rin dahil ikasisira natin. Nanibago ako. Bakit hindi na lumipad pabalik ang eroplanong papel kung saan inilalakip ko ang damdamin at mga nais kong sabihin sa'yo. Wala ka lang kayang maitugon? O naisip mo na korny na kung ipagpapatuloy pa natin ang nakaugalian nating sulatan habang nasa eskwela?

Hindi naman ako natuwa dahil sa bulaklak na dala mo nung araw ng mga puso. Natuwa ako dahil sa wakas magkakaroon ng pagkakataon makausap ka at maiayos ang di pagkakaintindihan nating dalawa. Alam mo ba gaano kabigat yung naramdaman ko nang iabot mo kay Christopher ang mga bulaklak na 'yon? Maingat ang pa-atras na hakbang ko, tagu-tago sa likod ang tsokolate at bulaklak na ihahandaog sana sa'yo.

Ikaw na rin ang nagsabi. Kung may problema man na dumating magkasama nating aayusin. Kailangan pa bang pasikreto kitang tunguin? Dahil tuwing lalapitan ay pasimpleng lalayo ka lang rin.

Mahal mo pa ba ako? O tuwing nasa mood ka saka ko lang mararamdaman na nakikita mo pa pala ako. Pagsisisihan ko pa paminsan ang pagtingin sa'yo, dahil irap lang ang ipapalit mo. Talagang nakakapanibago. Tila wala na ang dating pag-ibig mo habang ito ako nagmamahal at umaasa parin sa'yo.

Tayo pa ba? Kung ako siguro ang tatanungin mapapa nganga sila kung sabihin kong oo. Sana hindi isang araw magulat nalang ako na may iba ka na. Mahirap kong tatanggapin 'yon, hindi naman ako artista na pwedeng lumipat sa kabilang stasyon para maka move on sa dating karelasyon.

Galit ka pa ba Cynthia? Nagselos ka ba nung nakitang kausap ko si Sheena? Magkaibigan naman kayo 'di ba? Kung wala nga s'ya baka hindi napakawalan ang mga naninirahang daga sa puso ko. Kung wala siya malalaman ko bang may pag-asa naman pala ako sa'yo. Huwag mo sana kaming gawan ng malisya, tinatanong ko lang naman sa kanya non kung ano sa tingin niya ang mas magugustuhan mo tsokolate o rosas. Kaya nga pareha nalang hindi kasi s'ya sigurado sa naisagot.

Sabi nila kung para sa'yo talaga, babalik at babalik yan! Pano kung maliit na bato sa malungkot na siyudad nalang ang pag-asa? Kahit sino siguro susuko na. Pero ako magbabaka-sakali parin, tiwala akong hindi mo rin sasayangin ang matagal na pinagsamahan natin.

Wala na ba akong halaga? Naghihintay lang ba ako sa wala? Mga katanungan na gabi-gabing nagpapanatiling gising sa akin. Kulang nalang butasin ang yero para mula sa kinahihigaan kung saan palagi akong tulala matatanaw ko ang mga tala.

Hindi sana ako tubuan ng balbas sa kahihintay. Hindi sana abutin na hindi na nangingitlog ang mga alagang itik. Dahil malamang matitigil nanaman ako sa pag-aaral.

Tanong ko. Galit ka pa ba Cynthia? Ang simpleng sagot na hinihintay kailan ko pa maririnig mula sa 'yong mga labi. Hindi kaya nagdadalawang isip ka kung bibitawan na ba ako at pagiisipan muna kaya hindi masagot ang katanungan. Ito ba yung sinasabi nilang Cool off? Siguro ganon na nga. Hiling ko lang na hindi mawala ang natitirang pag-asa na manunumbalik muli ang dati nating saya d'yan sa puso mo.

Diba sabi ko naman sa'yo? Wala na para sa akin ang nakaraan, wala kang dapat pagselosan. Ikaw lang ang mahal ko at hindi na ipagpapalit sa iba. Kung nakita mo man kaming masaya, yun ay dahil masaya siya para sa going strong relationship natin na ngayon ay parang telebisiyon na nahugot ang antena.  

Papaano palalambutin ang matigas mong puso? Papano susuyuin ang tulad mo na tila sa pagmamahalan natin na'y sumuko. Mga katanungan na ikaw lang ang nakakaalam ng kasagutan. Sana mapigilan ko pa ang sarili na gawin ang ibinubulong sa akin ng kaibigang hangin, kalimutan ka't sa iba na lamang ay tumingin.

Galit ka pa ba Cynthia? Hindi ko maipapangako na huling beses ko na itong itatanong sa'yo. Sobrang mahal na mahal kasi kita. Kung darating ang araw na isa ka nalang nakaraan. Hindi pa natatapos ang buhay ko masasabi ko na, na ikaw ang pinaka magandang ala-ala. Nakaraan na habang buhay kong ibabalik-tanaw.

Napansin mo ba Cynthia? Tila nawawalan na ako ng pag-asa sa parting ito ng aking liham. Handa na akong tanggapin kung ano man ang ibibigkas ng mga labi mo. Naisip ko kung masaya ka nang wala ako, bakit iiipit ko pa ang sarili ko sa'yo?

Siguradong wala kang tugon. Hindi na ako aasa na gagawin mong eroplano ang papel na ginamit ko at ililipad ito pabalik sa akin. Alam ko rin na hindi man lang ito nabasa sa kahit isang patak ng luha mo. Sana sa pagtiklop mo o pag-punit ng liham na ito dungawin mo ako sa labas ng bahay niyo, kahit isang kaway sa pag-alis ko alam ko na ang ibig sabihin non. I'll always love you. I'm releasing you Cynthia.

Hindi ako makapaniwala sa nakita, namumula ang mga mata ni Cynthia na parang galing sa pag-iyak. Nagpakita lang siya at sinarado agad ang bintana. Doon ko na sinimulan ang paghakbang sa malayo ko pang lakarin. Hindi ko inaasahan ang yakap galing sa likod na gumising sa aking diwa. Hinawakan ko ang kanyang kamay tangan ang mamasa-masang papel. Hinarap ko si Cynthia binigyan siya ng maamong ngiti at pinunasan ang kanyang luha at tinanong siya "Galit ka pa ba Cynthia?".


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin