Thursday, December 8, 2011

Pintuan



Ang pinto na dinadaanan, pintuan na hindi mawawala sa bawat tahanan, dito nagdaan ang sa atin ay maraming ala-ala na lumipas, mga ala-alang nais na malimutan, o kaya'y nais balik-balikan. Marami na kasi ang mga pangyayari na nagdaan rito, isip mo palang kung nakatira ka sa sarili n'yong tahanan, yung hindi rumerenta, o nangungupahan sigurado akong mas matanda pa sayo ang pintuan na 'yan. Maaari rin na mas may edad pa sa mga magulang mo kung pamana pa sa kanila ang bahay na tinitirahan niyo ngayon, posibleng nag-iba ng kulay at itsura pero ang totoo, sila parin 'yan.

Isang halimbawa na d'yan ang aming pintuan na halos taun-taon bago ang inaanyong kulay at marami na rin ang pinagdaanan, este dumaan. Hindi ko na kasi alam kung gaano na ba ito katagal, kwento sa akin ni Nanay bata pa lamang daw siya dito na talaga s'ya nakatira, noong una hindi ko siya naintindihan, ang ibig sabihin ba non si Lola't Lolo ang bumukod ng tirahan? Pero kalaunan naintindihan ko rin na ang bahay pala ay ipinamana sa aking mga magulang.

Naitanong ko kay Nanay noong ako ay nasa elementarya. "Squater po ba tayo? Dikit na dikit kasi ang bahay natin kila Tito." Kung titignan mo nga sa unahan ay aakalain mong iisang bahay lang, ngunit magbabago ang isip mo kapag na kilatis mong dalawa ang pintuan. Sabi kasi nila isang palatandaan ng pagiging squater ang dikit-dikit na mga bahay.

Sinubukan ni Nanay ang utak ko nang araw na iyon, tinanong niya sa akin, ano kaya ang posibleng dahilan kung bakit isang playwud lang ang naghahati sa mga kwarto namin, at mga kwarto nila Tito? Bakit kaya halos magka-talikuran lang ang banyo namin at banyo nila, na walang pinagka-iba sa hugis, pati na sa itsura? At ang huli bakit kaya nasa ilalim kami ng iisang bubong, kahit magkamaganak lang naman kami't hindi naman iisang pamilya.

Siguro alam n'yo na ang sagot, o may naisip na kayong posibleng sagot? Ako kasi wala akong naisagot kay Nanay ng araw na iyon, 'di nyo naman ako masisisi, anim o pitong taon palang yata ako nang itinanong niya 'yon at isa pa, ako naman talaga ang naunang magtanong, imbis na sagutin ang tanong ko lalo lang piangulo ni Nanay ang isipan ko. Kay Tito ko na nalaman ang kasagutan, sinabi niya sa akin agad-agad na pinaghatian nilang magkapatid ang mana, dahilan para mahati ang dating iisang bahay sa dalawa, at magkaroon ng mga pagkakapareha ang dalawang dimensyon, isang pala-isipan at 'di maintindihang bahay ang resulta. Parang pancit canton rin sa aming hapag-kainan, kailangan hatiin para walang away, walang lamangan.

Kung nagkataon palang hindi pinaghatian ang bahay, nakatira ako sa isang malaking tahanan na kahit puro kahoy lang ang materyales masasabi mong masarap uwian, bakit naman hindi? Kahit mahihirap naman ay may karapatan din bigkasin kahit sa isipan lang ang katagang "Home sweet home" with matching unat ng mga paa at kamay. Pero dapat kunteto lang tayo sa kung ano ang meron tayo, magsikap at balang-araw ikaw rin ang magsasa-katuparan sa mga pangarap mo, bagay na itinuro sa akin ni Tatay. Kaya kahit kailan hindi ako nakaramdam ng inggit sa kahit kanino.

Sampung taon ang lumipas, mayroon na akong malawak na pag-iisip, sabihin nalang nating matured na ako. Sa kasalukuyan kung ihahambing ang dating itsura ng pintuan namin sa nakaraang postura nito, napaka laki ng pinagka iba, nakaisip kasi magtayo ng maliit na tindahan si Nanay para pang dagdag narin sa araw-araw na pangangailangan namin, nasa kolehiyo na kasi ako at hindi pwedeng sa kikitaan lang kami ni Tatay aasa. Kung alam lang nila sobrang inis ko sa tindahang 'to ako kasi palagi ang nagiging obligadong magbenta, abala kasi si Nanay sa mga gawaing bahay, hatid sundo pa nya ang mga bata kong kapatid, alam ko hindi naman ako dapat magreklamo dahil ito nalang ang paraan ko para makatulong sa kaniya.

Ilang minuto na sigurong sumisigaw ang bata at nagkakakataok sa pintuan, tila galit na ang paghampas ng barya sa pinto dahil kanina pa siyang hindi mapagbigyan o mabentahan, tinatamad naman akong bumangon sa higaan kaya kanina ko pa siya hindi pinapansin kahit naririnig ko. Nagulat at nagising ang katabi ko, si Nanay dahil bigla nalang akong bumalikwas sa higaan at nagmadaling bumaba, akala niya siguro mayroong masamang nangyari kaya agad siyang sumonod sa pag-baba ko. Hindi na niya ako naabutan sa salas dahil nasa banyona agad ako at naliligo. Nabasa ko kasi ang text ng tigre na si Sam at mukhang papunta na siya dito , kainis! Bakit ngayon ko lang naalala na monthsary pala namin? Usually kasi palagi akong aware na papalapit na ang ika-walong araw ng bawat buwan. Siguradong hindi lang tigre na Sam ang papunta rito, malamang jaguar na ang maka ingkwentro ko. Masyado kasing nabaling ang atensyon ko sa mga drawing competitions na 'yan , si ma'am kasi ako pa ang pinilit na sumali, nadagdagan pa ang balakid sa oras ko para kay Sam, hindi ko nga s'ya natawagan, o kahit naitext man lang sa nagdaang tatlong araw, kaya habang nagshashampoo, naghuhukay na rin ako ng mga pwedeng idahilan sa utak ko. Sigurado kahit ilang beses pa akong maligo ay sasabunin niya 'ko, this time baka with matulis na pangkuskos pa.

Siguro dahil napansin n'yong puro pinto, o pintuan nalang ang tinutumbok ko, iniisip niyo na ang girlfriend ko ay si Sam Pinto, yung "Uy! Pwede nga" sa commercial ng beer, at si neneng bakit ng isang gag show. Hindi siya ang girlfriend ko, siya si Samantha Gillega, fourth year high school na siya ngayon. Sam lang talaga ang tawag ko sa kanya, wala na nung mga tsetseburetche pang tawagan na iniimbento, hindi naman sa pagmamayabang pero, kaya ko naman isalin ang sweetness sa mga salita, at sinasabi ko, that way mas maipapakita ko pang seryoso ako sa mga sinasabi ko, iba naman kasi 'yon sa modernong kakornihan na sumasakop sa utak ng mga pinoy. Hindi ko sigurado kung meron na, pero wala akong maalala na tinawag ko siya sa kumpleto niyang pangalan, parang may masama kasing tunog sa akin 'yon, kaya ever since Sam na talaga ang tinawag ko sa kanya, tungkol dun sa Tiger Sam, atin-atin nalang 'yon ah?

Kaya ko lang naman kasi siya tinawag na tigre, dahil simula nang makapag kolehiyo ako at maiwan siya sa hayskul, palagi nalang mainit ang ulo niya kapag kausap ako at katext. Palagi s'yang bad mood sa akin, para nga s'yang araw-araw meron. Kung sa bagay, simula kasi non halos apat na beses sa isang buwan nalang kami magkita at lumalabas na magkasama, kaya kahit mga kaibigan ko lang naman ang mga nakakasama ko, itong mga kaibigan niyang kunwari ay mabait sa'yo, mga ecchoserang at sumbungerang palaka, ang lagay sa kanila, kapag may kasama affair na, malamang sila ang dahilan kaya meron nanaman pinagseselosan si Sam.

Hindi biro ang pinagdaanan ko kay Sam, halos buong taon ko sa hayskul ay manliligaw niya ako, maniniwala ba kayo sa pangalawang taon ng panliligaw ko, doon palang niya sinabi na may pag-asa ako, dapat maging masaya ako, pero dapat mas pursigido pa sa panliligaw. Nagbukas lang ang pintuan ng puso niya para sa akin, pero hindi ibig sabihin non na pwede ko nang kapalan ang mukha ko at dali-dali nalang pumasok, baka masayang lang ang lahat ng pinaghirapan ko kapag ginawa ko 'yon, sabi nga ni Tatay "Magsikap ka" , kahit sawa na akong marinig 'yon dahil pati sa videoke ay nabibigkas ng labi niya, nagsikap ako, inabot pa nga ng anim na buwan, in toltal dalawang taon, at siyam na buwan ang panliligaw ko sa kanya.

Hindi nasayang ang pinaghirapan ko, fantasy made reality naman ang naganap, noong una kasi hanggang pangarap lang, napaka imposibleng magka gusto rin sa akin ang isang Sam, kahit ganon i got this feeling na hindi ko naramdaman sa ibang babae. Ako yung tipo na hindi manliligaw hanggat hindi pa tumataas sa sisenta pursyento ang pag-asang sagutin ako ng babae. Naungusan 'yon kay Sam, nakaklungkot man sabihin na , dumating ang oras na pinatigil na niya ako sa panunuyo sa kanya pero hindi ako tumigil, at ipinangako ko sa kaniya. " Kahit dumating yung oras na tayo na, ako parin yung makulit na Aldrin, ako parin ang makulit mong manliligaw, na palaging nand'yan para sa'yo, at nag-aalala para sa'yo, hindi ako magbabago."

Kailangan maging totoo ako sa sarili ko, hindi ko maikakaila na hindi ko na natutupad ang pangako ko sa kanya, kaya nga palagi niyang pinapaalala sa akin 'yon, hindi naman yung mismong sinabi ko pero parang ganon narin 'yon kasi palagi n'yang sinasabi "May boyfriend pa ba ako? Parang wala naman""Kailan kaya magpaparamdam yung isa d'yan? Parang wala lang". Ipinamumuka niya sa akin na, ang nangyayari sa amin ay ang kaparehong nangyari sa bahay, dating iisa lang, nahati sa dalawa at may kaniya-kanya na ngayon. Oo kung mayroon mang may kasalanan ako 'yon wala nang iba, ang ayoko lang na isipin ni Sam, puro babae, at pag-sama sa mga kaibigan lang ang dahilan kung bakit nawawalan ako ng oras sa kanya, pero mukhang ganon na nga ang iniisip niya, balita kong nag inquire siya sa school na pinpasukan ko, dito yata siya magkokolehiyo, siguro para mabantayan ang mga kilos ko.

Kahit may halong kaba, excited na rin akong makita si Sam, sigurado kasi akong nakita niya ang art work ko sa hallway ng school, tuwing may nakikita siyang gawa ko, pinipilit niyang ipaliwanag ko sa kaniya kung ano meaning ng nilalaman non. Oo nga pala malamang alam na niya, dahil lahat naman ng naka-paskil doon ay para sa anti-drugs campaign, pero at least meron na pala akong pwedeng idahilan sa kanya tungkol sa kung anong pinagkakaabalahan ko, hindi naman kasi maniniwala 'yon kung sabihin ko lang na mas marami na ang kinukuha kong unit ngayon. 

Tapos nang maligo, nakabihis, at handa na akong umalis non, hindi pa ako tapos kumbinsihin si Nanay na ilabas ang wallet niya at bigyan ako ng pera, lalo ko pa siyang minadali dahil narinig ko na ang boses ni Sam, mukhang kasama niya ang mga kaibigan niya ngayon, pumunta ako ng sala para silipin sila sa maliit na butas sa screen ng pintuan, kung saan inaabot ng mga nabili ang kanilang bayad. Nakakapag taka, lahat silang nandoon sa terrace namin ay puro babae maliban sa isa, katabi niya si Sam at pansin kong uniporme ng kolehiyo na pinapasukan ko rin ang suot niya, Bumigat ang pakiramdam ko ng lahat sila ay tumayo, at umalis, nagpaiwan ang lalaki at umalis rin matapos halikan si Sam sa pisngi. Maraming masasayang ala-ala ang pintuan na habang buhay ko nang dadalhin, pero 'yon ang pinaka masakit na nangyari sa akin at ayoko nang maalala pa, sabi ko nga diba? "Dito nagdaan ang sa atin ay maraming ala-ala na lumipas, mga ala-alang nais na malimutan, o kaya'y nais balik-balikan."

Inilabas ng naiwan na si Sam ang kanyang telepono at nagsimulang magtext. "Aldrin, labas ka ng pintuan niyo. May ipagtatapat ako sa'yo."



Sunday, November 20, 2011

Batingaw


Alas diyes ako nagising dahil sa mga kabataang 'di pa 'man nagpapasko may kaniya-kaniyang nang pakete ng paputok na piccolo. Tila nananadiya pang sa tapat ng bintana ko iniitsa ang bawat masindihan. Sila pa itong mga nagagalit ang hitsura kapag nalamang supot ang inaabangan na pagputok.

Alas diyes y medya nang lumabas ako ng kwarto para alamin kung anong espesyal na putahe ang niluluto ni tatay na nagpabangon sa akin nang malanghap ko ang nakakagutom na amoy. Kaya naman pala ganitong oras nagluto nagiinom na pala agad at ibibida nanaman ang maanghang na itik na nakakapagtakang kailangan pang haluan ng softdrinks para lumitaw ang masarap na lasa.

Alas dose na nang mabaling ang mata ko sa orasan, isa't kalahating oras na pala akong nakaupo rito kahit hindi naman tumatagay. Yan ang mahirap sa mga lasing kahit hindi na nakikinig ang kausap ikukwento't ikukwento parin kung ano ang pumasok sa utak. Kinailangan ko pang i-hold ang kausap na lasing dahil isang lasenggo pa ang kumakalabit sa akin para ipagpatuloy ang naputol n'yang kwento dahil sa pamumulutan.

Ilang minuto rin ang itinagal bago ako makapag desisyon kung ano ang susuotin mamaya. Ngayon ko lang rin kasi napansin andami ko na palang formal get-ups at polo shirt sa tukador ko, tuwing namimili kasi sila kahit hindi naman ako sumasama ay siguradong meron silang dala para sakin. Hindi ko nga lang nagagamit dahil mga skate shirts na talaga ang nakasanayan kong bilihin. Naalala ko tuloy nung nag kick-flip ako sa gym at nagkamali ng landing nangibabaw ang tili mo sa lahat. Akala mo lang siguro hindi ko napansin pero halatang tumatawa kayo nung tumalikod na'ko. Hindi ko alam kung ako ba ang pinagtatawanan niyo, o nagtatawanan kayo dahil napagtanto n'yong ang lakas pala ng tili niyo. Kayo nga ang pinagtinginan hindi ako.

Naloko na hindi ko pa mahanap ang cellphone ko, sigurado naman akong hindi ko 'yon bitbit kanina sa inuman, panonood lang kasi sa replay ng laban ni pacquiao ang pinagkakaabalahan ko kanina at pakikinig sa himutok ng mga lasing, wala naman akong maalala na meron akong kinukutingting. Makakalimutin talaga ako 'buti nalang nagtext ka at nalaman kong natabunan lang pala ng unan. Paano kaya kung magsawa ka na sa pagtetext sa akin? Tumunog pa kaya ang cellphone ko na tanging ikaw lang ang laman ng inbox at puro naudlot na pagtatapat ang drafts.  

Magaalas dos na kaya hinila ko na ang tuwalya sa sampayan. Nakakainis na mga babae parang ngayon lang nakakita ng lalakeng naka boxer shorts, nakuha pang magtawanan. Napatalon pa ako sa gulat nang masigawan, 'di ko kasi namalayang may gumagamit pa pala ng palikuran bakit kasi ayaw pang lagyan ng kandado ang pintuang 'to sa tagal maligo ng kapatid ko siguradong hindi ako aabot ng alas-tres na plano kong pagdating, isang oras na mas maaga.

Alas tres y medya, agad kong tinungo ang direksyon kung saan itinuturo nilang isang babae ang naaksidente. Ayokong isipin na ikaw nga 'yon pero wala ako ngayon sa tabi mo na lagi mong kinakapitan ng mahigpit tuwing tatawid tayo. Bago pa magkumpulan ang mga tao laking pasasalamat kong tanaw kitang papalapit na sa kung saan tayo nakatakdang magtagpo. Agad bumalik ang ngiti ko tinawanan pa nga kita dahil naki-usyoso pa kayo sa naaksidente at halatang takot na takot ka, mabuti nalang ay ligtas at nagalusan lang ang babae. Bawat hakbang mo papalapit siya namang pagbilis ng kabog ko sa dibdib. Mabilis rin kasi ang naging mga pangyayari, parang kailan lang ayaw mong pansinin ang mga biro ko. Hindi ko rin inakala na magkakasundo tayo at magiging matalik na magkaibigan. Matagal ko rin itinago ang nararamdaman ko sa'yo, sa wakas ay nagising narin ako sa katotohanang nagsasayang lang ako ng oras sa paghihintay ng magandang pagkakataon na 'lagi ko rin namang pinapalagpas.  

Tulad ng mga nadaanan kong di-ilaw na parol makulay ang itinatagong mundo ng mga mata mo. Napaka aliwalas at ang amo ng mukha mo habang pasimpleng ngumiti ka at kumaway sa akin. Hanggang ngayon hindi parin ako makapaniwala isang kaibig-ibig at mahiwagang paru-paro tulad mo ang nakasanayan nang dumampi sa akin, natatanging bulaklak na habang buhay kong pahahalagahan. Nakapasok narin kayo sa labas ng simbahan ng cuenca, nagpaalam ka na sa mga magulang mo para sumama muna sakin. Eksaktong naglaho ang maingay na kalembang ng batingaw sa paglapit mo at pag-tabi sa kin. Hudyat na sisimulan na ang pamimigay ng pag-asa sa bawat isa sa simbahang ito. Hudyat rin sa pagsisimula ng unang simbang gabi na kasama kita. Hindi maihahambing sa anumang bagay ang umaapaw na kaligayahang nararamdaman ko. At hindi ako papayag na magtapos ang misa-de-galyo na itong hindi ko nailahad ang tunay na pagtingin ko sa'yo. Bagong ugnayan ang mamamagitan sa dalawang nagmamahalan sa pagsikat ng araw.  

"Ang haba ng sinabi ko, un lang ung naalala ko eh? heheh"

"Ok lang. Akala ko kasi kinalimutan mo na eh, thank you Dhie! advance happy anniversary!"


Friday, November 11, 2011

Abashed By Blunder


"Late nanaman!" Galit na text niya sa akin. Hindi ko naman siya girlfriend ni 'di ko nga siya personal na kilala. Ang alam ko lang isa s'ya sa mga kamag-aral ko, bagay na inamin niya sa akin noong huling gabi na sinipag akong magreply sa mga text niya. Ayos rin 'to nagpaturo pa raw magregister sa smart uzzap para masilip ang contact information ko. Pero mas bibilib sana ako kung personal niyang 'tinanong o, kinuha 'yon sa akin. Wala naman kasi akong nakikita na dahilan para hindi ganon ang gawin niya mas magkaka-kilala pa kami ng maayos sa ganong paraan.


Sigurado ay nasa lab. na sila at magsosorry i'm late nanaman ako bagi pahintulutan pumsok ni Mr. Gatdula. Akala ko sa elementarya ko lang matatamasa ang ganong kahihiyan mas malala pa pala ngayon kinakapalan ko nalang ang mukha ko. Hindi naman sana ako mahuhuli sa klase kung pwede lang pumasok na may' bumubuntot sa akin na plantsa at maaari na'ng magsaing sa eskwela.

Mabuti nalang wala pa si sir ng makarating ako sa bakanteng upuan na sumusunod kay Cyrus na ako naupo. Tiningala ang kisame nagiisang bentilador ang gumagana samantalang isang buwan na ang nakalipas nang singilin kami ng bente pesos bawat isa para sa pagpapaayos ng tatlo pa na hindi gumagana. Ang kinaiinis ko pa nakatutok lang sa kawalan ang nagiisang umaandar.

"Nasaan si sir?" Tanong ko kay Cyrus

"Wala pa boss may inaasikaso sa faculty, relax ka muna d'yan." Sagot niya. Pansin niyang pawis na pawis ako dahil sa init ng panahon

Wala pang gagawin kaya pinasak ko muna ang headset ng compact disc player sa tainga ko. Naramdaman ko nalang ang hangin na parang may nagpapaypay sa akin. Minulat ko ang mga mata ko at isang babae na pala ang katabi namin ni Cyrus, nahihiya ako 'di ko alam kung patitigilin ko ba siya sa ginagawa niya o, lilipat nalang ako sa iba pang bakante na upuan. Ito namang si Cyrus ay tuwang-tuwa pa.

"Oy! Ang sarap..Konting lakas pa nga d'yan Maycee!" Pabirong parinig ni Cyrus

Napatingin ako sa babae at hindi ko narin naiwasang itanong "So ikaw si Maycee, ikaw ba yung nagtetext sa'kin?"

Nakangiti siya sa akin tila masaya na nagkaroon ako ng lakaas ng loob na kausapin siya. Masaya niyang sinabi "Hindi ako yun! Kukunin ko pa nga lang number mo eh." Sabay tapik sa balikat ko na para bang close kami. "Ay, sorry."

Ibibigay ko na sana ang number ko sa kanya, ng isa pang kamag-aral ang lumapit sa amin.

"Ano nanaman 'yon Dianne?! naniningil ka nanaman ba? may babayaran nanaman? naghihirap na kami aa." Reklamo ni Cyrus

"Hindi wala. Si Josh kasi absent na ang record niya, nakapag attendance na kasi ako kanina pa, bago pa siya dumating. Kapag dumating si sir at tinignan 'to at nakitang narito si Josh baka pagalitan lang siya." Mahinahon na paliwanag ni Dianne

Dahil sa sinabi niya ay tumayo na ako para lumabas. Pababa na ako ng hagdan ng makasalubong ko ang maestro "Saan ka pupunta? Palagu ka na ngang late magcucuting ka pa?!"

Diretso sa paglalakad si sir at hindi nagsasalita. Habang sumusunod sa paglalakad niya ay sinabi ko narin ang dahilan kung bakit ako lumabas. "Sir  sabi kasi ni Dianne absent na ako sa attendance nahuli kasi ako ng pasok sir?" Hindi parin siya nagsalita, nagsalita lang siya sa harap ng klase nang makapasok na kami sa silid.

Babalik na sana ako sa kinauupuan ko kanina pero hinarang ng maestro ko ang kanyang braso sa dadaanan ko.

"Dianne?! Pwede mo bang sabihin, kailan pa kita pinahawak ng attendance?!.."

Lahat ng nasa kwarto ay nakatingin at naghihintay kung ano ang magiging paliwanag ng umiiyak na si Dianne.


~END



Sunday, November 6, 2011

Gitara



Una kong makita si April hanga na ako sa kagandahan niya nauubos ang oras ko sa pag-tuktok ng bolpen sa armchair habang iniisip kung paano ako mapapalapit sa kanya. Bakit kasi lahat ng kaibigan ko alam na nila pero mismong siya no idea parin sa nararamdaman ko.

Siguro nga mas maayos na ganon nalang natatakot kasi akong malaman ang magiging reaksyon niya. Nagugulugan na ako alam ko naman kasi dapat kong sabihin sa kaniya kung sa bagay wala namang mawawala kung susubukan sabi nga nila "nobody wins without once trying." Hindi ako torpe naghihintay lang ako ng mas magandang pagkakataon dito kasi hindi applicable ang "Try to propose again" ng The Sims Hot Date kaya nga ayokong gumamit ng cheats doon pruweba lang na hindi ako marunong dumiskarte kasalanan ko bang mangarap ng magandang buhay?.

Narito ang barkada ko na handang tumulong at damayan ako hindi ko naman magamit ang ang mga payo nilang pang Mr. Suave da moves yung tipong alam mong gusto ka ng babae kaya madali lang ang proseso. Araw-araw nalang nakatitig ako sa nakatalikod na si April at matatapos ang araw na wala akong ginawang hakbang para mapalapit sa kanya. Dapat ko bang sisihin ang pagka-basted ko sa huli kong niligawan? Actually hindi ko pa siya niligawan nagpakita ako ng motibo na gusto ko siya nagising nalang ako na iwas na siya sakin at ayaw akong makausap. Ngayon kailangan kong magpaka ayos para naman gumanda ang image ko kay April hindi muna ako sasama sa mga goons kong kaklase kahit mahirap tiisin na tanggalin muna ang bisyo kakayanin ko naman ang anim na oras sa isang araw sampung oras kung whole day ang schedule kaya nga palagi ko nang dala ang gitara ng pinsan ko matutulungan ako nitong umiwas muna sa mga nakasanayang gawain ko. Nag work naman sa palagay ko nalalaman narin ni April na gusto ko siya salamat sa mga klasmeyt ko na kinailangan pang tumulong sakin may maganda rin palang naidulot ang pagsama ko sa kanila hindi ako nahihiya pero natatawa ako sa tuwing sasabihin nila "Si Angelo umiibig." Ngayon ang kinahihiyaan ko naman ay palaging pagka-huli sakin ni April na nakatingn sa kaniya.    

Hindi ko maalala kung papaano ba napunta sa notebook ko ang number niya hindi ko na alam kung sino ang nagbigay o kanino ko kinuha ang alam ko lang ay 'di mismong kay April, siguro dahil narin sa sobrang paka excite na makauwi at itext siya. Hindi paman nakakapag bihis ay naipuslit ko na ang Nokia 3310 agad kong isinave ang number niya sa pangalang Crush.

"Ikaw ang magtetext ikaw ang magpaload." Banat sa akin ni erpats.

Para akong ewan hanggang ala una ay hinihintay ko ang reply ni April hindi ko na naisauli ang cellphone at tulog narin si papa. Siguro katulad ko ay hindi rin si April ang may hawak ng CP kaya hindi siya makapag reply, tama hindi ko naman siya nakikitang may hawak na cellphone o nagtetext.

"Hindi parin kayo?" Sermon sakin ni Richard na nanlibre pa sa akin ng softdrinks sa tambayan para mapagusapan kung ano ang problema ko. Halos lahat sila gustong makatulong sakin kahit kengkoy ang payo ng iba masaya akong kasama sila.

"Gelo yosi." Alok niya sakin.

"Ayoko sige ikaw nalang muna" Sagot ko.

"Hindi pa kayo pero nagiging Good Boy ka na ah?"

"Baka pag tumagaltagal 'di kana sumama samin Girlfriend mo nalang ang inaalala mo?"

Hindi tumagal nagkatotoo nga ang sinabi ni Richard naging kami ni April at naging loyal as it has to be ako sa kaniya kahit maiksing oras lang' bawat gabi na kasama ko siya ang pinaka masasayang gabi na naisulat sa magiging libro ng talambuhay ko. ginawa ko lahat para mapanatili at maingatan ang relasyon na matagal ko nang pinapangarap pero "Nothing is perfect" ika nga madudungisan parin ang relasyon namin ng Break Up at pagtatampuhan. Dumating na sa point na tinawag nila akong under dahil lagi nalang akong sunod sa gusto ng girlfriend ko hindi naman nila ako masisisi dahil mahal ko si April at alam ko naman na para sa ikabubuti ko rin ang dahilan kung bakit siya nagiging mahigpit sa akin.

Hindi ko inakala na darating ang araw na ito magsasawa din pala ako, hindi kay April kundi sa katotohanan na hindi ko na magawa ang mga nakasanayan ko nang gawin. Mga bagay na minsan nang nagpasaya sa akin. Masama ba ako dahil bigla nalang nagbago ang nararamdaman ko sa kaniya? O kasalanan niya dahil binago lang ito ng katotohanan na hindi niya matanggap kung sino ang totoong ako at kailangan pa niyang ibahin 'yon?

Hindi na mahalaga kung ano ba ang tamang sagot, heto ako ngayon dala ang gitara kasama ang tropa. Napapangiti parin tuwing si Mhie ang mapaguusapan.



Saturday, November 5, 2011

Fool Ride



Alas singko y medya ng umaga, sapat naman ang itinulog ko pero gaya ng inaasahan ay nakaidlip parin ako sa bus sa kasagsagan ng biyahe.

Ginising ako ng malakas na busina ng kasabayang trak sa kalsada. Biglang lapit sakin ng konduktor, nag-butas ng papel at inabutan ako ng tiket. Kaya pala nagmamadali ako nalang pala ang hindi pa nag-aabot ng bayad.

Hindi naman ako inimbita ni Jewel na sumama sa kanila ngayong undas. Ewan ko ba kung bakit ngayon ko pa naisip ipagtapat sa kanya na may iba na akong naiibigan at ipaalam ang balak kong pakikipag hiwalay.

Masasabi kong naging tapat, mabait, at matinong boyfriend naman ako kay jewel heto nga't ayoko nang patagalin ang panloloko sa kanya at sa nararamdaman ko. Karapatan niya na malaman ang totoo.

kasalanan niya rin siguro, hindi naman ganito ang mararamdaman ko kung 'di dahil rin sa pagiging abala niya sa trabaho at pamilya dagdag pa roon ang pagiging malayo namin sa isa't-isa. Nawalan na siya ng oras para sakin 'di tulad nung mga araw na nasa kolehiyo pa kami kung saan araw-araw ko siyang nakikita at nakakasama. Siguro nga ay nasanay lang ako pero minsan hindi maiwasan pumasok sa isip ko "May girlfriend pa ba ako na nag-aalala para sakin?".

Muli akong nagising sa pagkaka idlip isang grupo ng mga kababaihan ang hinintuan ng Driver para pasakayin. Tingin ko ay kalalabas lang nila galing sa trabaho, tanaw ko 'di sa kalayuan ang malamang ay ospital na pinapasukan nila. Jackpot naman si manong dahil mukang kabababa palang ng ibang pasahero mula sa huling hinintuan ng bus.

"Bilib rin ako sa mga nurse na yan eh. Biruin mo araw na ng mga patay nagliligtas parin sila ng buhay ng mga pasyente" bigkas ng katabi kong lalaki sabay tingin sa akin na para bang naghihintay na kausapin ko rin siya.

Ibinaling ko rin ang tingin sa mga pasaherong nurse at ngumisi bilang pagpapakita ng atensyon sa sinabi ng lalaking katabi ko. Pakiwari ko ay kaunti lang ang tanda niya sa akin, kahit di ko gawain ay sumagot narin ako at kinausap siya."Hindi naman po nila trabaho yun, trabaho po ng doktor ang sinasabi niyo" sagot ko sa kanya. "Ano kaba ganun narin yon" sagot niya sabay tapik sa balikat ko sa pag-aalala na baka di ako matuwa sa sinabi niya.

"Naaalala ko kasi ang kapatid ko sakanila, nurse din kasi siya katulad nila" pahabiol na sabi niya.

"Ako kuya nagaral din po ako ng nursing pero hindi ko po natapos, nag iba ako ng kurso."

Hindi siya nagbigay ng anumang reaksyon sa sinabi ko, bagkus ay itinuloy niya ang sinasabi tungkol sa kapatid niya.

"Yung kapatid ko na 'yon simula ng makatungtong ng kolehiyo ay nagtrabaho para may pambayad sa tution niya. Hindi naman kasi kami mayaman may mga kapatid pa siyang nagaaral din kaya baka hindi kayanin ng mga magulang namin ang pagpapa-aral sakanila. Ngayon na isa na siyang ganap na nurse at nagtatrabagho, siya na ang nagpapaaral sa mga kapatid namin. Napaka sipag ng kapatid ko kapag walang duty ay sumasama sa mga kaibigan niya na nagvovolunteer sa iba't-ibang lugar. Higit sa lahat ng kinabibiliban ko sa kanya ay pagiging maalalahaning kaibigan, responsableng anak at mabuting kapatid niya.."

"Nagsisimula narin po akong bumilib sa kapatid mo kuya, matanong ko lang po may asawa na po ba siya?" Singit kong tanong sa kausap.

"Wala pa siyang asawa, hindi ko alam kung may boyfriend na siya. Pero sana kung meron man siyang boyfriend, sana ay yung marunong umintindi yung tipong mauunawaan kung para saan ang ginagawa niya at palaging nandiyan para sa kanya. Ayokong masasaktan ang kapatid ko pisikal 'man o emosyonal ng kung sinu-sinong lalaki lang na hindi naman deserving sa pagmamahal niya."

"Ikaw ba may girlfriend ka?" Pausisang tanong niya sa akin. "Meron po" agad kong sagot.

Matagal kaming hindi nag imikan, sikat narin ang araw tumayo na si Kuya at inabot ang dala-dala niyang bag dahil malapit na ang huling bababaan ng mga pasahero. Humabol ako ng isa pang tanong sa kanya bago pa magbabaan "Ikaw kuya ano nga pala ang trabaho mo?"

Umayos siya ng upo at pagkatapos ay lumayo ang tingin tila nag-isip pa ng isasagot sa tanong ko. Tumigil na ang bus ng masagot niya ang tanong ko, nakatayo na siya handa nang umalis at sinabing "Wala binabantayan ko lang ang pamilya ko".

Nagsimula ng magsiksikan sa gitnang bahagi ng bus dahil marami ang bababa. Nanatili naman ako sa aking kinauupuan at pinauna na ang mga nasa likuran kaya ng bumaba ako ay hindi ko na nakita ang kausap nakalayo na siguro siya o nakasakay na ng tricycle.

Nakarating na ako kila Jewel nasa terrace lang siya nakaupo at may binabasa. Malaki ang naging epekto sakin ng mga sinabi ng lalaking nakausap ko, hindi lang nawala ang antok ko nakatulong din yon para malamang nagiging unreasonable pala ako sa mga ginagawa at iniisip ko. Napagisip-isip kong wag nang ituloy ang dahilan kung bakit ko sinadya si Jewel.

"Mhine"

"Oh Mhine bakit ang aga mo akala ko mamaya kapa". Masayang pag salubong sakin ni Jewel hinawakan niya ang kamay ko at tinitigan ko naman ang mga mata niya. "May problema ba Mhine? bakit ayaw mong magsalita dyan?".

"Hindi wala Mhine dahil sa biyahe lang siguro" ang totoo ay masaya lang ako, ngayon ang di ko naman masabi sakanya ang katotohanan mahal na mahal ko siya.

"Wait Mhine ah ikukuha kita ng juice" kahit tumanggi ako ay pumasok parin siya ng bahay para kumuha ng maiinom. Dahil mga ilang oras rin akong di nakapanigarilyo, lumabas muna ako ng gate nila at nagyosi.

Tinungo ako sa labas ni Jewel at inabot sakin ang isang baso ng juice "Sunod ka nalang sa loob Mhine ha? wala namang tao dito nauna na sila doon sa sementeryo marami kasing bitbitin mahihirapan kung makikipagsabayan pa mamaya, nagpaiwan lang ako kasi sinabi mo ngang pupunta ka."

"I love you Mhine" di ko maintindihan ang naging facial reaction ni Jewel sa sinabi kong 'yon. "Kakaiba ka ngayon Mhine ha may sakit ka ba? sige na nga I Love You Too! ubusin mo na yan ha tapos pasok ka na."

Papasok na sana ako, ipapatong ko lang saglit ang baso na ginamit ko sa lamesa kung saan may binabasa si Jewel kanina, doon niya kasi iniwan yung sa kanya kaya doon ko na rin iiwan 'ang baso ko. Pag lapit ko doon nalaman ko hindi pala nagbabasa si Jewel kanina picture album pala ang kaharap niya. Naisip kong umupo muna at tignan ang mga litratong nilalaman nito. Pinagpawisan ako, hindi ako makapaniwala sa natuklasan ko.

Pagdating namin sa sementeryo ay nag mano agad ako sa mga magulang ni Jewel naka kwentuhan ko rin sila kilalang kilala nila ako kahit ngayon lang naman kami nagkita-kita. Habang si Jewel ay nagdadasal sa loob sa tapat ng nitso ng kanyang lolo at kuya lumapit ako at nag tirik ng kandila.

"Kamusta kuya? pasensya ka na kuya kung kinailangan pa nating magkakilala para marealize ko kung gaano kahalaga si Jewel. Kinailangan mo pang magpakita sakin para malaman kong ako pala ang nagkukulang at hindi siya. Kinailangan pang makilala kita para maisip na maswerte ako na magkaroon ng kasintahan na tulad niya. Maraming salamat kuya pangako aalagaan at babantayan ko siya."

"Mhine? Sayang 'di mo nakilala si kuya siguradong magkakasundo kayo kung nagkataon."




All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.