Thursday, December 8, 2011

Pintuan



Ang pinto na dinadaanan, pintuan na hindi mawawala sa bawat tahanan, dito nagdaan ang sa atin ay maraming ala-ala na lumipas, mga ala-alang nais na malimutan, o kaya'y nais balik-balikan. Marami na kasi ang mga pangyayari na nagdaan rito, isip mo palang kung nakatira ka sa sarili n'yong tahanan, yung hindi rumerenta, o nangungupahan sigurado akong mas matanda pa sayo ang pintuan na 'yan. Maaari rin na mas may edad pa sa mga magulang mo kung pamana pa sa kanila ang bahay na tinitirahan niyo ngayon, posibleng nag-iba ng kulay at itsura pero ang totoo, sila parin 'yan.

Isang halimbawa na d'yan ang aming pintuan na halos taun-taon bago ang inaanyong kulay at marami na rin ang pinagdaanan, este dumaan. Hindi ko na kasi alam kung gaano na ba ito katagal, kwento sa akin ni Nanay bata pa lamang daw siya dito na talaga s'ya nakatira, noong una hindi ko siya naintindihan, ang ibig sabihin ba non si Lola't Lolo ang bumukod ng tirahan? Pero kalaunan naintindihan ko rin na ang bahay pala ay ipinamana sa aking mga magulang.

Naitanong ko kay Nanay noong ako ay nasa elementarya. "Squater po ba tayo? Dikit na dikit kasi ang bahay natin kila Tito." Kung titignan mo nga sa unahan ay aakalain mong iisang bahay lang, ngunit magbabago ang isip mo kapag na kilatis mong dalawa ang pintuan. Sabi kasi nila isang palatandaan ng pagiging squater ang dikit-dikit na mga bahay.

Sinubukan ni Nanay ang utak ko nang araw na iyon, tinanong niya sa akin, ano kaya ang posibleng dahilan kung bakit isang playwud lang ang naghahati sa mga kwarto namin, at mga kwarto nila Tito? Bakit kaya halos magka-talikuran lang ang banyo namin at banyo nila, na walang pinagka-iba sa hugis, pati na sa itsura? At ang huli bakit kaya nasa ilalim kami ng iisang bubong, kahit magkamaganak lang naman kami't hindi naman iisang pamilya.

Siguro alam n'yo na ang sagot, o may naisip na kayong posibleng sagot? Ako kasi wala akong naisagot kay Nanay ng araw na iyon, 'di nyo naman ako masisisi, anim o pitong taon palang yata ako nang itinanong niya 'yon at isa pa, ako naman talaga ang naunang magtanong, imbis na sagutin ang tanong ko lalo lang piangulo ni Nanay ang isipan ko. Kay Tito ko na nalaman ang kasagutan, sinabi niya sa akin agad-agad na pinaghatian nilang magkapatid ang mana, dahilan para mahati ang dating iisang bahay sa dalawa, at magkaroon ng mga pagkakapareha ang dalawang dimensyon, isang pala-isipan at 'di maintindihang bahay ang resulta. Parang pancit canton rin sa aming hapag-kainan, kailangan hatiin para walang away, walang lamangan.

Kung nagkataon palang hindi pinaghatian ang bahay, nakatira ako sa isang malaking tahanan na kahit puro kahoy lang ang materyales masasabi mong masarap uwian, bakit naman hindi? Kahit mahihirap naman ay may karapatan din bigkasin kahit sa isipan lang ang katagang "Home sweet home" with matching unat ng mga paa at kamay. Pero dapat kunteto lang tayo sa kung ano ang meron tayo, magsikap at balang-araw ikaw rin ang magsasa-katuparan sa mga pangarap mo, bagay na itinuro sa akin ni Tatay. Kaya kahit kailan hindi ako nakaramdam ng inggit sa kahit kanino.

Sampung taon ang lumipas, mayroon na akong malawak na pag-iisip, sabihin nalang nating matured na ako. Sa kasalukuyan kung ihahambing ang dating itsura ng pintuan namin sa nakaraang postura nito, napaka laki ng pinagka iba, nakaisip kasi magtayo ng maliit na tindahan si Nanay para pang dagdag narin sa araw-araw na pangangailangan namin, nasa kolehiyo na kasi ako at hindi pwedeng sa kikitaan lang kami ni Tatay aasa. Kung alam lang nila sobrang inis ko sa tindahang 'to ako kasi palagi ang nagiging obligadong magbenta, abala kasi si Nanay sa mga gawaing bahay, hatid sundo pa nya ang mga bata kong kapatid, alam ko hindi naman ako dapat magreklamo dahil ito nalang ang paraan ko para makatulong sa kaniya.

Ilang minuto na sigurong sumisigaw ang bata at nagkakakataok sa pintuan, tila galit na ang paghampas ng barya sa pinto dahil kanina pa siyang hindi mapagbigyan o mabentahan, tinatamad naman akong bumangon sa higaan kaya kanina ko pa siya hindi pinapansin kahit naririnig ko. Nagulat at nagising ang katabi ko, si Nanay dahil bigla nalang akong bumalikwas sa higaan at nagmadaling bumaba, akala niya siguro mayroong masamang nangyari kaya agad siyang sumonod sa pag-baba ko. Hindi na niya ako naabutan sa salas dahil nasa banyona agad ako at naliligo. Nabasa ko kasi ang text ng tigre na si Sam at mukhang papunta na siya dito , kainis! Bakit ngayon ko lang naalala na monthsary pala namin? Usually kasi palagi akong aware na papalapit na ang ika-walong araw ng bawat buwan. Siguradong hindi lang tigre na Sam ang papunta rito, malamang jaguar na ang maka ingkwentro ko. Masyado kasing nabaling ang atensyon ko sa mga drawing competitions na 'yan , si ma'am kasi ako pa ang pinilit na sumali, nadagdagan pa ang balakid sa oras ko para kay Sam, hindi ko nga s'ya natawagan, o kahit naitext man lang sa nagdaang tatlong araw, kaya habang nagshashampoo, naghuhukay na rin ako ng mga pwedeng idahilan sa utak ko. Sigurado kahit ilang beses pa akong maligo ay sasabunin niya 'ko, this time baka with matulis na pangkuskos pa.

Siguro dahil napansin n'yong puro pinto, o pintuan nalang ang tinutumbok ko, iniisip niyo na ang girlfriend ko ay si Sam Pinto, yung "Uy! Pwede nga" sa commercial ng beer, at si neneng bakit ng isang gag show. Hindi siya ang girlfriend ko, siya si Samantha Gillega, fourth year high school na siya ngayon. Sam lang talaga ang tawag ko sa kanya, wala na nung mga tsetseburetche pang tawagan na iniimbento, hindi naman sa pagmamayabang pero, kaya ko naman isalin ang sweetness sa mga salita, at sinasabi ko, that way mas maipapakita ko pang seryoso ako sa mga sinasabi ko, iba naman kasi 'yon sa modernong kakornihan na sumasakop sa utak ng mga pinoy. Hindi ko sigurado kung meron na, pero wala akong maalala na tinawag ko siya sa kumpleto niyang pangalan, parang may masama kasing tunog sa akin 'yon, kaya ever since Sam na talaga ang tinawag ko sa kanya, tungkol dun sa Tiger Sam, atin-atin nalang 'yon ah?

Kaya ko lang naman kasi siya tinawag na tigre, dahil simula nang makapag kolehiyo ako at maiwan siya sa hayskul, palagi nalang mainit ang ulo niya kapag kausap ako at katext. Palagi s'yang bad mood sa akin, para nga s'yang araw-araw meron. Kung sa bagay, simula kasi non halos apat na beses sa isang buwan nalang kami magkita at lumalabas na magkasama, kaya kahit mga kaibigan ko lang naman ang mga nakakasama ko, itong mga kaibigan niyang kunwari ay mabait sa'yo, mga ecchoserang at sumbungerang palaka, ang lagay sa kanila, kapag may kasama affair na, malamang sila ang dahilan kaya meron nanaman pinagseselosan si Sam.

Hindi biro ang pinagdaanan ko kay Sam, halos buong taon ko sa hayskul ay manliligaw niya ako, maniniwala ba kayo sa pangalawang taon ng panliligaw ko, doon palang niya sinabi na may pag-asa ako, dapat maging masaya ako, pero dapat mas pursigido pa sa panliligaw. Nagbukas lang ang pintuan ng puso niya para sa akin, pero hindi ibig sabihin non na pwede ko nang kapalan ang mukha ko at dali-dali nalang pumasok, baka masayang lang ang lahat ng pinaghirapan ko kapag ginawa ko 'yon, sabi nga ni Tatay "Magsikap ka" , kahit sawa na akong marinig 'yon dahil pati sa videoke ay nabibigkas ng labi niya, nagsikap ako, inabot pa nga ng anim na buwan, in toltal dalawang taon, at siyam na buwan ang panliligaw ko sa kanya.

Hindi nasayang ang pinaghirapan ko, fantasy made reality naman ang naganap, noong una kasi hanggang pangarap lang, napaka imposibleng magka gusto rin sa akin ang isang Sam, kahit ganon i got this feeling na hindi ko naramdaman sa ibang babae. Ako yung tipo na hindi manliligaw hanggat hindi pa tumataas sa sisenta pursyento ang pag-asang sagutin ako ng babae. Naungusan 'yon kay Sam, nakaklungkot man sabihin na , dumating ang oras na pinatigil na niya ako sa panunuyo sa kanya pero hindi ako tumigil, at ipinangako ko sa kaniya. " Kahit dumating yung oras na tayo na, ako parin yung makulit na Aldrin, ako parin ang makulit mong manliligaw, na palaging nand'yan para sa'yo, at nag-aalala para sa'yo, hindi ako magbabago."

Kailangan maging totoo ako sa sarili ko, hindi ko maikakaila na hindi ko na natutupad ang pangako ko sa kanya, kaya nga palagi niyang pinapaalala sa akin 'yon, hindi naman yung mismong sinabi ko pero parang ganon narin 'yon kasi palagi n'yang sinasabi "May boyfriend pa ba ako? Parang wala naman""Kailan kaya magpaparamdam yung isa d'yan? Parang wala lang". Ipinamumuka niya sa akin na, ang nangyayari sa amin ay ang kaparehong nangyari sa bahay, dating iisa lang, nahati sa dalawa at may kaniya-kanya na ngayon. Oo kung mayroon mang may kasalanan ako 'yon wala nang iba, ang ayoko lang na isipin ni Sam, puro babae, at pag-sama sa mga kaibigan lang ang dahilan kung bakit nawawalan ako ng oras sa kanya, pero mukhang ganon na nga ang iniisip niya, balita kong nag inquire siya sa school na pinpasukan ko, dito yata siya magkokolehiyo, siguro para mabantayan ang mga kilos ko.

Kahit may halong kaba, excited na rin akong makita si Sam, sigurado kasi akong nakita niya ang art work ko sa hallway ng school, tuwing may nakikita siyang gawa ko, pinipilit niyang ipaliwanag ko sa kaniya kung ano meaning ng nilalaman non. Oo nga pala malamang alam na niya, dahil lahat naman ng naka-paskil doon ay para sa anti-drugs campaign, pero at least meron na pala akong pwedeng idahilan sa kanya tungkol sa kung anong pinagkakaabalahan ko, hindi naman kasi maniniwala 'yon kung sabihin ko lang na mas marami na ang kinukuha kong unit ngayon. 

Tapos nang maligo, nakabihis, at handa na akong umalis non, hindi pa ako tapos kumbinsihin si Nanay na ilabas ang wallet niya at bigyan ako ng pera, lalo ko pa siyang minadali dahil narinig ko na ang boses ni Sam, mukhang kasama niya ang mga kaibigan niya ngayon, pumunta ako ng sala para silipin sila sa maliit na butas sa screen ng pintuan, kung saan inaabot ng mga nabili ang kanilang bayad. Nakakapag taka, lahat silang nandoon sa terrace namin ay puro babae maliban sa isa, katabi niya si Sam at pansin kong uniporme ng kolehiyo na pinapasukan ko rin ang suot niya, Bumigat ang pakiramdam ko ng lahat sila ay tumayo, at umalis, nagpaiwan ang lalaki at umalis rin matapos halikan si Sam sa pisngi. Maraming masasayang ala-ala ang pintuan na habang buhay ko nang dadalhin, pero 'yon ang pinaka masakit na nangyari sa akin at ayoko nang maalala pa, sabi ko nga diba? "Dito nagdaan ang sa atin ay maraming ala-ala na lumipas, mga ala-alang nais na malimutan, o kaya'y nais balik-balikan."

Inilabas ng naiwan na si Sam ang kanyang telepono at nagsimulang magtext. "Aldrin, labas ka ng pintuan niyo. May ipagtatapat ako sa'yo."


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin