Sunday, November 20, 2011

Batingaw


Alas diyes ako nagising dahil sa mga kabataang 'di pa 'man nagpapasko may kaniya-kaniyang nang pakete ng paputok na piccolo. Tila nananadiya pang sa tapat ng bintana ko iniitsa ang bawat masindihan. Sila pa itong mga nagagalit ang hitsura kapag nalamang supot ang inaabangan na pagputok.

Alas diyes y medya nang lumabas ako ng kwarto para alamin kung anong espesyal na putahe ang niluluto ni tatay na nagpabangon sa akin nang malanghap ko ang nakakagutom na amoy. Kaya naman pala ganitong oras nagluto nagiinom na pala agad at ibibida nanaman ang maanghang na itik na nakakapagtakang kailangan pang haluan ng softdrinks para lumitaw ang masarap na lasa.

Alas dose na nang mabaling ang mata ko sa orasan, isa't kalahating oras na pala akong nakaupo rito kahit hindi naman tumatagay. Yan ang mahirap sa mga lasing kahit hindi na nakikinig ang kausap ikukwento't ikukwento parin kung ano ang pumasok sa utak. Kinailangan ko pang i-hold ang kausap na lasing dahil isang lasenggo pa ang kumakalabit sa akin para ipagpatuloy ang naputol n'yang kwento dahil sa pamumulutan.

Ilang minuto rin ang itinagal bago ako makapag desisyon kung ano ang susuotin mamaya. Ngayon ko lang rin kasi napansin andami ko na palang formal get-ups at polo shirt sa tukador ko, tuwing namimili kasi sila kahit hindi naman ako sumasama ay siguradong meron silang dala para sakin. Hindi ko nga lang nagagamit dahil mga skate shirts na talaga ang nakasanayan kong bilihin. Naalala ko tuloy nung nag kick-flip ako sa gym at nagkamali ng landing nangibabaw ang tili mo sa lahat. Akala mo lang siguro hindi ko napansin pero halatang tumatawa kayo nung tumalikod na'ko. Hindi ko alam kung ako ba ang pinagtatawanan niyo, o nagtatawanan kayo dahil napagtanto n'yong ang lakas pala ng tili niyo. Kayo nga ang pinagtinginan hindi ako.

Naloko na hindi ko pa mahanap ang cellphone ko, sigurado naman akong hindi ko 'yon bitbit kanina sa inuman, panonood lang kasi sa replay ng laban ni pacquiao ang pinagkakaabalahan ko kanina at pakikinig sa himutok ng mga lasing, wala naman akong maalala na meron akong kinukutingting. Makakalimutin talaga ako 'buti nalang nagtext ka at nalaman kong natabunan lang pala ng unan. Paano kaya kung magsawa ka na sa pagtetext sa akin? Tumunog pa kaya ang cellphone ko na tanging ikaw lang ang laman ng inbox at puro naudlot na pagtatapat ang drafts.  

Magaalas dos na kaya hinila ko na ang tuwalya sa sampayan. Nakakainis na mga babae parang ngayon lang nakakita ng lalakeng naka boxer shorts, nakuha pang magtawanan. Napatalon pa ako sa gulat nang masigawan, 'di ko kasi namalayang may gumagamit pa pala ng palikuran bakit kasi ayaw pang lagyan ng kandado ang pintuang 'to sa tagal maligo ng kapatid ko siguradong hindi ako aabot ng alas-tres na plano kong pagdating, isang oras na mas maaga.

Alas tres y medya, agad kong tinungo ang direksyon kung saan itinuturo nilang isang babae ang naaksidente. Ayokong isipin na ikaw nga 'yon pero wala ako ngayon sa tabi mo na lagi mong kinakapitan ng mahigpit tuwing tatawid tayo. Bago pa magkumpulan ang mga tao laking pasasalamat kong tanaw kitang papalapit na sa kung saan tayo nakatakdang magtagpo. Agad bumalik ang ngiti ko tinawanan pa nga kita dahil naki-usyoso pa kayo sa naaksidente at halatang takot na takot ka, mabuti nalang ay ligtas at nagalusan lang ang babae. Bawat hakbang mo papalapit siya namang pagbilis ng kabog ko sa dibdib. Mabilis rin kasi ang naging mga pangyayari, parang kailan lang ayaw mong pansinin ang mga biro ko. Hindi ko rin inakala na magkakasundo tayo at magiging matalik na magkaibigan. Matagal ko rin itinago ang nararamdaman ko sa'yo, sa wakas ay nagising narin ako sa katotohanang nagsasayang lang ako ng oras sa paghihintay ng magandang pagkakataon na 'lagi ko rin namang pinapalagpas.  

Tulad ng mga nadaanan kong di-ilaw na parol makulay ang itinatagong mundo ng mga mata mo. Napaka aliwalas at ang amo ng mukha mo habang pasimpleng ngumiti ka at kumaway sa akin. Hanggang ngayon hindi parin ako makapaniwala isang kaibig-ibig at mahiwagang paru-paro tulad mo ang nakasanayan nang dumampi sa akin, natatanging bulaklak na habang buhay kong pahahalagahan. Nakapasok narin kayo sa labas ng simbahan ng cuenca, nagpaalam ka na sa mga magulang mo para sumama muna sakin. Eksaktong naglaho ang maingay na kalembang ng batingaw sa paglapit mo at pag-tabi sa kin. Hudyat na sisimulan na ang pamimigay ng pag-asa sa bawat isa sa simbahang ito. Hudyat rin sa pagsisimula ng unang simbang gabi na kasama kita. Hindi maihahambing sa anumang bagay ang umaapaw na kaligayahang nararamdaman ko. At hindi ako papayag na magtapos ang misa-de-galyo na itong hindi ko nailahad ang tunay na pagtingin ko sa'yo. Bagong ugnayan ang mamamagitan sa dalawang nagmamahalan sa pagsikat ng araw.  

"Ang haba ng sinabi ko, un lang ung naalala ko eh? heheh"

"Ok lang. Akala ko kasi kinalimutan mo na eh, thank you Dhie! advance happy anniversary!"

Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin