Madali lang naman daw ang magtago ng kalungkutan, madali lang ang magpanggap na ikaw ay masaya, ngingiti ka lang at ipapakita sa lahat na walang kahit anong problema kang dinadala o pinagdaraanan. Isa lang ang problema, 'yon ay kung paano aalisin ni Nina sa isip niya ang mga pangamba, at paano niya makukumbinsi ang sarili na magiging maayos naman ang lahat. Ang tanaw mula sa bintana ng bus, sa mata niya ay maaaring maging maganda at masayang tanaw, ngunit sa pagpasok ng reyalidad, ang tanging natanaw lang naman mula sa bintana ay ang natatakot at naghahandang pamayanan dahil sa nagaambang sama ng panahon na tatama at gugulo na naman sa kanilang mga normal na pamumuhay sa araw-araw.
Katabi ni Nina ang kaniyang Ama at Ina ngunit hindi niya sigurado kung naroon nga ba talaga ang mga ito. Hindi man lang siya inaalok ng tubig, at hindi tinatanong kung may nais ba s'yang kainin kahit pa ilang tindero na ang umalok sa kanila ng panindang mais, mani, buko pie, chicharon, tinapay, at kung anu-ano pa mula sa kanilang kinauupuan. Hahawiin niyang muli ang takip na tela ng bintana, bumagsak na nga ng tuluyan ang ulan kasabay ang malungkot na tugtuging biglang nagsimula sa kaniyang kamalayan. Takot rin ang hatid sa kaniya ng ulan. Takot na maaaring sa pagdating nila sa kanilang destinasyon, sa kanilang tahanan ay magisa na naman siyang hihiga sa loob ng kaniyang kwarto, ang kaniyang kwarto na walang nakaisip kumatok upang kamustahin siya at alamin kung ano ang ginahawa niya. Takot na magisa na naman siya roon, nilalabanan ang lamig na dulot ng panahon, yakap ang unan at taklob siya ng kumot.
Ngunit kahit ganon, mayroon pa ring mga dahilan upang mapangiti siya sa kabila ng lungkot niyang nararamdaman. Natanaw kasi niya ang maraming larawan ng masasayang pamilya mula sa bintana, 'yon ay kahit pa hindi maganda ang pakikisama sa kanila ng panahon sa araw na iyon. May mga walang takot na naliligo sa ulan ang iba pa nga ay ginawang paliguan ang baha. May nagmamadaling tumatakbo papunta sa mga silong at sakayan, kahit nababasa sa pagtakbo ay nagagawa pa ang tumawa. Tumingin siyang pataas sa mga dikit-dikit na bahay, may mag-inang nagtutulungan sa paghango ng kanilang mga sinampay. Ang dalawang dalaga sa tapat ng tindahan, nagtatawanan dahil nasira na ang payong nilang dala sa lakas ng hangin sa labas. Napangiti rin si Nina at napasandal, kahit papaano'y gumaan ang kaniyang pakiramdam. At dahil sa matagal na pagtanaw mula sa bintana, hindi na namalayan ng munting anghel na nakaidlip na pala siya sa kaniyang pagkakasandal.
Malayo pa ang kanilang destinasyon, matagal pa ang kanilang biyahe, at marahil sa mga oras na 'yon ay umaandar at lumilipad na rin ang imahinasyon ni Nina, nananaginip na siya at napadpad na naman sa paborito niyang lugar, ang kanilang tahanan. Yung masayang tahanan, tahanan na napapalooban ng wagas na kaligayahan, walang kailangang umalis, walang kailangang tawagan sa telepono ang kaniyang Ama, walang pinubroblemang bayarin at gawain ang kaniyang Ina, ang kaniyang Ate Mailyn, walang inaasikasong sulatin at mga proyekto. Ang lahat ay mayroong oras para makinig sa mga nais niyang sabihin, ang buong pamilya ay may oras para pakinggan ang uwing kuwento ni Nina sa mga pangyayari at mga natutunan niya sa paaralan. Matapos ang hapunan, manood siya ng paborito n'yang palabas sa telebisyon. Ang buong pamilya ay naroon at sinasamahan siya, katabi niya ang kaniyang Ate na hinihigaan niya ang balikat, at malabing na magkahawak-kamay ang kaniyang Ama't Ina habang silang lahat ay nasa iisang mahabang sofa. Bulong ni Nina; Sana'y palaging ganito, masaya tayo't walang problema-
Walang kaalam-alam si Nina na napapangiti pala siya sa kaniyang pananaginip. Wala rin siyang alam na may halong lungkot at sayang sinulyapan ng kaniyang Ama't Ina ang ngiting 'yon ni Nina. Gaano katagal na nga ba mula noong huling beses na nakita nilang ngumiti ang kanilang Anak, gaano katagal na nga ba mula noong huling beses na nakita nilang masaya ang kanilang anghel na si Nina? Matagal na, at alam nilang malaki ang kanilang pagkukulang kay Nina. Kahit ang pagbisita sa mga kamaganak at pamamasyal na rin nila sa Bicol ay hindi sapat upang makabawi sa mga oras na naipagkait nila sa kaniya. Hahalikan siya ng kaniyang Ina sa buhok, iisiping darating din ang araw na magiging maluwag silang magasawa mula sa mga pinagkakaabalahang gawain at mga trabaho. Ang totoo, ang panaginip ni Nina ay siya ring pangarap ng kaniyang mga magulang, ngunit sadyang may mga kailangang gawin, may mga kailangang silang gampanan, at lahat ng 'yon ay para sa ikabubuti rin ni Nina, para sa kaniyang kinabukasan, para sa ikaaayos ng kanilang pamilya.
_____________________________
Ang paggising ni Nina ay tila pagusbong rin ng mga bulaklak sa hardin, pagsikat ng araw mula sa isang magandang tanawin, at pagagos ng tubig sa ilog na kasing linis ng walang nararamdamang galit na puso't damdamin. Wala na ang ulan, maaliwalas na ang kapaligiran, nakangiti siya at masayang tinanaw muli ang mga nangyayari sa labas mula sa bintanang iyon ng bus. Para bang sa isang iglap lang ay bago ang lahat, ang mga kalungkutan ay napalitan na ng kasiyahan. Mula sa kaniyang likuran ay kinulbit pa siya ng kaniyang Ate Mailyn upang alukin ng Buko Pie at yayain na ring lumipat ng upuan, bumaba na kasi ang ibang pasahero ng bus na kanilang nasakyan. Nakiusap naman si Nina sa kaniyang Ate Mailyn na doon siya uupo sa 'tabi ng bintana at pinagbigyan naman siya nito. Masayang-masaya si Nina hindi dahil sa kagat-kagat pa niyang Buko Pie kun'di dahil sa katotohanang namiss niya ang kaniyang Ate Mailyn dahil matagal na rin silang hindi nagkausap nito.
"Magaral ka nang mabuti ha" tangin nabanggit na lang ng kaniyang Ate Mailyn sa kaniya matapos niya itong yakapin ng mahigpit, alam niya kasing naglalambing ang nakababatang kapatid at kahit medyo nahihiya ay niyakap niya na rin ito at kinulit. Idolo ni Nina ang kaniyang Ate, dahil bukod sa pagiging maarte ay may angkin itong talino. Mayroon ding mataas na pagtanaw at respeto sa kanilang magulang. Palaging nagmamano paguwi, nagpapaalam kung aalis, at hindi nawawala ang paggalang; Mga bagay na hinahangaan niya sa kaniyang nakakatandang kapatid. Samantala ay biglaan namang napatitig si Nina sa kaniyang nakatatandang kapatid, nagtatanong na mga mata naman ang sukli sa kaniya nito. Doon ay may naisipang itanong si Nina sa kaniyang Ate.
"Ate Lyn gaano ba kahalaga sa'yo ang ating Pamilya?" tanong niya sa kaniyang Ate. Nalungkot si Nina dahil sa hindi agad pagsagot ng kaniyang Ate sa tanong niya. Sumandal siya sa balikat nito tulad rin ng ginawa niya sa kaniyang masayang panaginip. Hindi niya inasahan na bigla pala siyang yayakapin ng kaniyang Ate, hahaplusin at pagkatapos ay kukurut-kurotin ang malaman niyang pisngi. Kahit ganon ang ipinapakitang paglalambing ay mayroon ding lungkot na ipinakita ang kaniyang Ate sa kaniya dahil naiintindihan niya ang nararamdaman ni Nina. Hindi na kasi gaanong napagtutuunan ng pansin si Nina ng kanilang mga magulang. Napagdaanan din ng kaniyang Ate Mailyn 'yon kaya alam niyang hindi ito madali. Ipapaliwanag na lamang niya ang lahat sa kapatid at umasang maiintindihan nito ang bawat sasabihin niya.
"Mahalaga sa akin ang Pamilya Nina. Ganon ka rin 'diba? At sigurado akong ganon din sila Mama at Papa. Huwag mong iisipin na pinapabayaan ka na nila dahil hindi ka na nila napapansin, hindi nakakamusta, hindi nakakausap, at 'di nalalambing. Madalas kasi ay abala sila, pero para sa atin naman kaya nila 'yon ginagawa, 'diba nga ayaw mong lumipat ng paaralan? Ayaw mo ring lumipat tayo ng bahay. Kaya sila nagsisikap para hindi mawala sa atin 'yon, tsaka ayaw ka nilang mamayat."
"Si Ate naman eh." singit ni Nina
"Kaya 'wag mong isipin na hindi kana nila mahal. Ikaw pa rin ang paboritong kyut na baby Nina nila. Imbes na magtampo ka sa kanila, ipakita mo sa kanilang mahal mo sila, alam mo ba yung isang yakap mo lang kay Papa eh mawawala na ang pagod niya?"
"Madyik!?" si Nina
"Hindi.. Mawawala ang pagod niya dahil sa paguwi niya, nandoon at naglalambing ang kyut n'yang bunso. Ang dahilan kung bakit kinakaya niya ang kahit na anong mabibigat na trabaho. Kaya magaaral kang mabuti ha, huwag mong sayangin ang sakripisyo nila sa atin. Masyado ka pang bata para maintindihan pero balang araw tayo naman ang tutulong sa kanila, susuklian natin ang lahat ng paghihirap nila." nakangiti si Mailyn sa nakababata niyang kapatid
Niyakap muli si Nina ng kaniyang Ate, masaya si Nina dahil sa narinig mula sa kapatid at masaya rin si Mailyn dahil naisipan itanong 'yon ni Nina dahil nagkaroon ng daan upang siya'y mapaliwanagan. Matapos 'yon ay agad na tumakbo si Nina sa kanilang Ama't Ina, niyakap niya ang mga ito ng mahigpit, bagay na ikinagulat at ikinatuwa rin nila. Matapos 'yon ay bumalik na siya sa kaniyang kinauupuan kanina, at sa pagtanaw niyang muli sa bintana'y naisip niyang marami pa pala siyang hindi nauunawaan. Pero isang bagay ang sigurado, na ang araw na iyon ay muli niyang tatanawin bilang isang araw na puno ng ligaya.
~~ o ~~
Ang kwentong pambata na ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Wow galing! good luck sa entry mo kaibigan..
ReplyDeletesalamat much kaibigan.. ang inaabangan ko eh yung tulain na ilalahok mo. husay mo dyan eh ^__^
ReplyDeletehahaha sa totoo lang hindi ko pa nababasa ang contest ng SBA eh ehehe. pero sana maligay ako ng malaman kung paano lalahok...
ReplyDeletekeribells mo yan hehehe. basta sumulat ka, tsaka na yung kaalaman kung pano ipasa ^__^
Deletenaks!! galing!! goodluck sa laban!!!
ReplyDeletesalamat kapanalig, goodluck din po sa iyong lahok ^__^
Deletegoodluck dito kabayan! mahusay talaga.
ReplyDeletesalamat idol.. goodluck din sa ilalahok mo ^__^
ReplyDeleteyehey! i want you to win!
ReplyDeletenaku malabo kaibigan pero maraming salamat. goodluck din ^__^
ReplyDeletesabi ko na nga ba't makakalaban uli kita.. ^_^ goodluck pre! :D
ReplyDeletearuy wala pong laban-laban. pero salamat at goodluck din trops ^___^
ReplyDelete