Friday, October 20, 2023

Man-yag

credits @muratseyit
"Paano kung kaya kung hayaan muna kita?" Masakit marinig na kaya kang pabayaan ng isang tao lalo pa kung mahal mo. Kabiyak kung ituring ngunit kapag nahirapan ay kayang kayang tiisin. Kung ako ang tatanungin, hindi ko kayang hayaan ka na lang at 'di bigyang pansin.

"Paano kaya kung tigil muna?" Mahirap ang malihis sa nakasanayan. Mahirap magpanggap na hindi nasasaktan at nangungulila. Ano man ang ating pagdaanan, alam kong ang puso ko'y hindi titigil na mahalin ka at alam kong ganon ka din ngunit kung mabigat ang dala ay walang masama kung magpahinga muna.

"Paano kaya kung pahinga muna tayo?" Ikaw ang aking Mahal at Sinisinta, ikaw ang Aking Pahinga. Hindi mo lang pinapawi ang araw-araw kong pagod, pinaghilom mo ang dalawampung taon kong sugat. Alam kong mahirap ang magmahal ng isang katulad ko kaya sa'yo man nanggaling ang masakit na salita ay alam kong dahil sa pagmamahal ito.

"Paano kaya kung hiwalayan muna kita?" Alam mong hindi ko kaya. Alam ko ring hindi mo kaya. Kaya nga iniisip ko na lang na nagbibiro ka ngunit may luha nangingilid sa iyong mga mata. Sa akin mo itinatanong, ngunit sa katunayan ay tanong ito ng Utak mo sa iyong Puso, na ikaw lamang ang siyang makakasagot.

Sa huli. Nakakakilig, nakakatuwa, o nakakasakit man ang mga lumalabas na salita sa ating mga labi. Tanong man ito, utos, o paglalambing, lahat ito ay dahil sa tayo'y umiibig at umaasang ibigin ng buo pabalik. Pagibig na gusto nating masiguro dahil sa sarili nating mga puso'y walang kwestyon, nagmamahal tayo ng wagas at totoo. Walang "paano kaya?" na kailangang tanungin.


~~





Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin