Tuesday, January 5, 2016

Kaltok


credits: jeremy mann
Kahit matagal na, sariwa pa rin sa alaala kung sino't kailan ang unang pag-ibig, unang halik, at unang pananabik na ibigin ring pabalik. Hindi pa naman pala ako ganoong katanda, dahil may mga una pa rin palang maaaring mangyari. Tulad nitong unang pagsalubong sa bagong taon sa gitna ng ulan. Unang pagkakataong ang ulan ay nasaksihang bumuhos sa dulo't mitsa ng magbubuklod na mga taon.

Kaya mo rin ba nasabing hindi na tayo tulad ng noon? Para ilapat sa'king balat ang lamig na matagal ng naroon ngunit 'di batid? Hindi naman ako sumuko sa atin, at alam kong ganoon ka rin ngunit palagi pa ring sinungaling ng labi mo'y hanapin ko ang ligaya't sa iba'y umibig.

Masaya naman ako. Alam mong ikaw ang aking unang sinuyo, unang halik, unang pag-ibig at ikaw na ang huli, at ang mga sandaling kasama ka ang pinakamasasayang sandali sa akin. Ikaw na nga at ikaw lang, hindi ako magsasawang ipangako sa'yo yan.

Naalala mo ba? Umaambon noong unang nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ka. Sinadya ka yatang iwan ng mga kaibigan mo sa shed, see through kasi ang daga ko sa dibdib, idagdag pa ang pagpapawis ko sa malamig na panahon no'n. Matapos kang makausap, gusto ko nang lumundag sa tuwa kahit alam kong tanaw mo pa rin akong papaalis. Si Nanay naman, may naperfect daw ba akong test dahil nayakap ko siya paguwi.

Hindi na ako makapaghintay ipaalala sa'yo ang mga alaala na'tin dahil alam kong 'yon ang susi para masilayan ang iyong ngiti. Pero sa isang shed rin ako dinala ng aking mga paa dahil sa mas umigting na buhos ng ulan na tila ayaw magpadaig sa ingay ng putukan. Ilang segundo na lang pala ay magpapalit na ang mga taon.

Nandoon ka sa bintana't kumaway pa sa akin. Pabirong simangot naman dahil ang naikaway ko sayo'y ang mga bulaklak kong dala na pinayuko na ng tubig. Mabuti na lang kahit nandoon ako sa labas ay matutupad ang pangakong sabay nating pagmamasdan ang mga pailaw na mabilis namang natapos, hindi tulad noong mga nakaraang taon. Ayokong isipin na ibig sabihin non ay hindi magiging makulay ang taon, lumingon at ngumiti na lang sa'yo, at sinabi sa'king sarili, "pupunuin natin ng ligaya itong taon, ang bago nating taon" saka tumakbo patungo sa'yo, at doon napansing tumila na pala ang ulan.

Sa labas pa lang ng kwarto mo'y sinalubong na ako ng kapatid mong si Ate Grace. Nakapanlalambot ang luhang nakita ko sa kaniyang mga mata. Tumtakbo siyang papalapit sa akin ngunit tila libong segundo iyon kung saan ilang beses kong hiniling na sana'y hindi para sa'yo ang mga luhang 'yon. Niyakap niya ako at sinabing "Wala na siya sa kwartong yan Ralph. Bakit ngayon ka lang. Hindi mo ba nabasa ang mga text ko sa'yo."

Ralph iniwan na tayo ni Macy :(
Ate Grace 11:31 PM

Advance Happy 8th Anniversry Mhal !! :) 2hr pa hehe axcited lng :P Hindi ko sinisisi si God na hnd tyo biniyayaan ng baby, o kung bkt aq pa ang tinamaan ng gn2ng skit. Ngppaslmat aq sakanya kc binigay ka nya skn na nagalaga, ngmahal, at nagpasaya skn ng sobra. Kung mwwla aq icpin mo nlng ibinalik kita kay God ha, kc alam ko marami pa siyang plano sau, at gus2 nya mging msaya ka. un din ang gus2 ko ;)
Macy =) 10:02 PM

Ralph sn kn? Pnta kna d2 kc nmimilit tong si kulet na twgan ka bbati dw sya ng happy anniversary sau. E alm mo nmn bka mksma pa sa knya, wait ka nmin ha ^^ tnx
Ate Grace 09:21 PM

Doon ko naisip. Totoo ngang ang ambon ay biyaya, ang ulan ay luha, at ang pangako ay pangako.

At ang unang unang ulan na 'yon, ang unang dagok na 'yon sa akin ng taon ang habang buhay sa aking magpapasakit. Ngunit hindi nito kailanman mahuhugasan ang kulay ng mga alaala natin sa aking puso't isip.


~~ o ~~

posted from Bloggeroid

Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

2 comments:

  1. At ang pangako ay pangako.

    Ang lungkot nito..

    ReplyDelete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin