credits: ernst haas |
"Tumalon ka kung gusto mong habulin." Masungit na sabi ng dalaga ngunit mahinahon pa rin nitong hinawi ang palda para maupo ng maayos doon 'tabi kay Jess.
Ang pinta sa mukha ni Keisha ay tulad rin kapag "Sagutin mo muna" ang tugon sa kaniya ng kaniyang Inay sa tuwing hihingi siya ng school allowance. Habang si Jess, kulang na lang ay maihi, halatang kinakabahan ngunit hindi na ang cellphone ang nasa isip kun'di kung papaano haharapin, at kakausapin si Keisha oras na maglabas na ito ng galit.
Lilipas ang mga minuto ay wala pa rin silang imikan at patuloy lang na magpapakiramdaman. Ilang mga ulap, sasakyan, at tao na rin ang nagdaan sa sa kanilang harapan kung saan doon lang nakakagala ang kanilang mga paningin dahil 'di malingon ang isa't-isa.
Nakailang tunog na rin ang makinaryang nagsasalin ng tubig sa water tank kung saan sila nakaupo. Ang tila every 15minutes alarm nila na nagpapanginig sa kanilang mga puwit dahil sa vibration na madalas ay pagtawanan nila pero hindi sa pagkakataong iyon. Sa pagkakataong 'yon ang bawat tunog ng makina ay tila nagsasabing kibuin naman sana ang isa't-isa.
Kung bakit kasi naipahiram ni Jess ang cellphone kay Keisha na hindi pa nabubura ang mga draf notes tungkol sa tunay niyang nararamdaman sa dalaga. Ngayon tuloy ay panay paglunok ng laway na lang ang nagagawa niya.
"Ganon ba 'yon kaimportante?" si Jess na rin ang bumasag ng katahimikan kahit nauutal. Maikling linya ngunit kung iisipin nasigurado pa ring maihahatid silang dalawa sa dapat lang nila na pagusapan. "Hindi ka pa nakakapagbihis, nakauniporme ka pa rin." dagdag niya
"Kung hindi ko pa nabasa hindi ko pa rin alam hanggang ngayon." hindi galit ang tinig ni Keisha kun'di nagtatampo.
Napayuko na lang si Jess, hindi alam ang ibabatong salita dahil na rin sa hiya. Dinig niya ang mga yabag ni Keisha na inakala niyang aalis na lang dahil sa pinapakita niyang katorpehan. Pero tumayo lang pala ito sa kaniyang harapan at sinabing, "Bakit hindi mo ngayon patunayan?"
Si Jess. Ilang segundong nagmukhang estudyanteng 'di makatayo at hinihintay lang magsalita ng maestra dahil hindi naman talaga alam ang isasagot sa tanong. Kung ang estudyante ay kunwaring maghahanap ng isasagot sa kwaderno, siya naman ay akmang ilalabas ang cellphone pero wala siyang nadukot.
Sa isip niya, hindi lang naman siya ang torpe dito. Hindi lang naman siya ang dapat sisihin dahil obvious na naman ang lahat. Hindi naman sila naging magbestfriend para ikubli ang nararamdaman nila at lokohin ang mga sarili. Sa simula pa lang, hindi lang sila nandoon palagi para sa isa't-isa, alam nila sa mga sariling mahal nila ang isa't-isa.
Biglaan na lamang tulad sa pagbasag niya ng katahimikan kanina'y muling nakahugot ng lakas ng loob si Jess mula sa kawalan. Inabot niya ang mga kamay ni Keisha para ayaing umupo muli sa kaniyang tabi. Napakunot naman ang kilay ng dalaga dahil sa naging sunod na hakbang ni Jess. Talaga ngang sinulit na niyang napahiwalay pansamantala ang espiritu ng katorpehan sa kaniya dahil nakapikit niyang nilalapit ang mukha kay Keisha, nakanguso't tila naghahabol ng halik.
Agad namang humarang sa mga labi niya ang daliri ni Keisha. Inis ang mga mata ni Keisha pero sa loob niya'y natatawa na talaga siya. Gusto niyang kurutin sa inis si Jess pero hindi niya magawa sa pagiisip niyang dapat ay manatiling seryoso ang mga sandaling 'yon.
"Sa kiss lang ba pwedeng patunayan?" paliwanag niya
"Ano pa bang gusto mong sabihin ko? Nabasa mo na'ng lahat 'di ba?"
Hindi nagustuhan ni Keisha ang sagot ni Jess. Madali niyang dinampot ang mga gamit at tatayo na sana para umalis pero pinigilan at niyakap siya ni Jess. Sa mga sandaling 'yon ramdam siguro ni Keisha ang panginginig ng katawan ni Jess na nakayakap sa kaniya. May hiya kasing pilit na nilalabanan ang binata at 'yon mismo ang patunay na hinahanap ni Keisha, ang paglaban sa takot. Kung kaya nga hindi man nakikita ni si Jess ay abot langit na ang ngiti at kilig sa mukha ni Keisha.
"Mahal kita Keisha, noon pa." literal na magkalapit lang naman sila, kulang na lang ay mahimbing sila sa balikat ng isa't-isa pero halos isigaw pa ni Jess ang sinabi niyang 'yon na parang ang papalubog nang araw ay ang pagkakataong hindi niya maaaring palagpasin para masabing mahal niya si Keisha.
Sapat na sanang sagot kay Jess na nahikap niya ang luha ng dalaga sa kaniyang balikat pero sandaling kumawala sa pagkakayakap si Keisha para suklian ng maaliwalas na ngiti ang pagharap sa takot ni Jess kahit bakas pa rin sa kaniya ang gusto nang umagos na luha. Haplos sa pisngi at unti-unting maglalapat sana ang kanilang mga labi nang biglang mag vibrate at nanginig ang kanilang mga puwit na nagsimulang magpuno ng tawanan at kilig sa mga sandali.
~~ o ~~
Nanghihinayang ako sa cellphone lolz. Ano unit nun?
ReplyDeletehaha oo nga nuh.. MyPhone lang tol Rix kung sana NotYourPhone ang tatak makukunsensya sana si Keisha hahah.
DeleteNyahahaha
Delete