Wednesday, July 22, 2015

Hanggang Kailan


credits: the killers vevo
"Hanggang saan tayo?" simpleng tanong sana na maaaring ibato ng bigla' sa'yo.

"Hanggang kailan tayo ganito?" kung malakas lang sana ang loob ko.

Akap mo ako't angkas ka sa'king motorsiklo. Sa liku-likong mga daan tulad ng mabilis na pagbabago ng 'yong isipan. Salamat na rin, sa tuwing kailangan ng kaibiga'y ako ang tinatawagan.


Walang kasiguraduhan kung saan dadalhin ng mga pusong ligaya'y naguumapaw. Sasamahan kita, ano pa man ang dalang lungkot ng nakaraa't kasalukuyan ay buburahin sa isipan.

Pipiliin ang mga daan na kung saan tayo lang. Mas malayo man, walang kapagurang mga problema mo'y pakikinggan. Sabay tayong tatanaw sa papalubog na araw habang binabaybay ang mundo ng kalayaan.

Sabi mo, sa piling ko lang nararanasan mo ang maging tunay na maligaya. Kung ako nga'y hindi nagsasawa sa mga ngiti mong tila may dalang hiwaga. Handa na akong habang buhay ay magpatangay, lahat 'man sa akin ay mawala na.

"Hanggang kailan tayo ganito?" mga mata na lang ang nangungusap habang pagtanaw na lang sa'yo mula sa 'yong bintana ang aking nagagawa.

"Hanggang saan tayo?" hanggang dito na lang ba? Handa na akong iwanan ang mundo't isama ka kung saan tayo lang, kung saan tayong dalawa'y magiging maligaya.

Ikaw na lang ang s'yang hinihintay.

Sabi mo, kahit kailan ay hindi ka papayag na ipareha ka nila sa hindi mo naman talagang mahal. Patunay pa nga ang luha mong mapapansin kahit mula pa sa malayong pagtanaw.

Hindi mo ako hinanap at pinapunta, pero alam kong kailangan mo ako, diba't ilang ulit na nating pinagdaanan ang ganito?

Pero ang pagkaway mo't pagsara ng kurtina ang nagsabing mali ako, kung inakala kong habangbuhay magiging masaya at habangbuhay kitang makakasama dito sa aking lakbay.

Hanggang dito na lang pala.


~~ o ~~



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

2 comments:

  1. awts. ang lungkot naman. pnilit kong isipin kong may nakatago pang kahulugan... sumakit bangs ko!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hehe ^__^ may isang sabaw na emo kasi sa likod ng kwento kaibigan. Salamat sa oras na nilaan mo para basahin 'to.

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin