Sunday, October 13, 2013

Damuhan


Ako man ay walang kasiguraduhan kung mainit pa ba ang aking kape at kung ilang minuto ko na bang hinahalu-halo't tinititigan lamang ito, hirit pa ni Elsa, kung himala at swerte lang din naman daw ang hinihintay ko'y mali ang lugar na napuntahan ko, mula pa daw kasi kaninang umaga ay walang nagkamaling magbigay ng tip sa kaniya. Ang lungkot sa wangis ni Elsa, para bang nagsasabing sasakyan na lamang niya ang katotohanang nawala na ang kaligayahang bumabalot sa lugar na ito. Mahirap daw ang magpangap kaya kahit ako'y hindi na niya magawang ngitian, liliparin pa ang dalang dyaryo ng isang lalaki, dyarong puno ng nakakadismayang balita, pagsisiwalat, pagamin, at paghingi ng paumanhin.
Mayroon pang mga mahalagang impormasyon na isisikreto na lang daw muna sa taumbayan. Ewan ko ba, maraming taon na ang lumipas, nagkaroon na ng bombahan, barilan, sakupan ng mga lupain, maging ng mga bansa para sa isang salita, ang Kalayaan. Ngunit bakit wala tayong kalayaan at karapatan na malaman ang mga nangyayari sa Bansa? At bakit pa nga ba ipinagdiriwang ang kalayaan sa ating kalendaryo kung sisigawan lang naman si Elsa ng kaniyang amo't ipapamukhang wala siyang karapatan na kahit isang araw ay iwan ang kaniyang trabaho.

Ano pa nga ba ang maaari kong gawin? Hahanap ulit ng mapapasukang trabaho, magiging abala ako at matapos ang limang buwan ay abalang muli sa paghahanap ng panibago. Pareho kami ng katanungan ni Elsa, ito na nga ba ang tadhana ko? Ito na nga ba ang habangbuhay na gagawin ko? Kung walang trabaho, sisimulan ko ang bawat araw na hindi alam kung saan dadalahin ng sarili kong mga paa, kung mayroon naman ay gigising ako ng maaga upang gampanan ang aking tungkulinuuwin na makarating sa tamang oras at magpapaiwan sa gabi dahil sayang ang ilang oras na kikitain. Uuwing pagod, hindi na magagawang kumain dahil ang katawan ay kusang didikit sa higaan, mabuti pa nga kung mayroon makakain, minsan ay wala pa. Sanay naman ako sa hirap, alam kong wala naman talaga akong dapat na ireklamo dahil nabibigyan ako ng trabaho na siyang ikinabubuhay ko, sana lang ang buwis ng mga manggagawang tulad ko'y nakakarating din sa mga dapat na paglaanan nito, sa ikaaayos, sa ikagiginhawa, at sa ikauunlad. Hindi ko na rin kakaawaan ang sarili ko, pitong taon na rin mula noong iniwan ko ang probinsya at nakipagsapalaran dito, ang awa ko'y mapupunta na lamang sa mga bagong luwas, mga tulad kong ring lumuwas para dito makipagsapalaran, mga wala pang nahanap na trabaho, hindi sanay sa pamumuhay dito, at walang sariling tahanan na matutuluyan. Tulad ko rin sila noon na tanging dala lang ay mga pangarap, pangarap na isang araw ay maiaahon ang pamilya sa hirap at giginhawa ang pamumuhay.

Si Inay ang s'yang tanging nagpalaki sa amin ni Kuya, siya ang nagsabi sa aming hindi masama ang mangarap at walang masama kung magkaroon ka ng malaking pangarap lalo pa kung para ito sa pamilya. Sabi ko pa noon kay Inay, bibilihan ko s'ya ng malaking bahay 'pag yumaman ako, inasahan kong tatawanan niya ako ngunit niyakap pa ako ni Inay at ipinasok ang mga bitbit kong libro sa bahay. Hindi alam ni Inay na sa pangyayaring 'yon nabuo ang pangarap ko, pangarap na mabigyan siya ng maginhawang buhay kapalit ng lahat ng isinakripisyo niya para sa akin, para sa amin ni Kuya, para sa amin na kaniyang Pamilya. Sabi ko sa sarili ko, maaaring hindi nga ako yumaman pagdating ng araw ngunit gagawin ko ang lahat upang maisakatuparan ang mga binitawang kong salita kay Inay. Hindi ko naman alam na darating ang araw na lulusawin lamang ng isang balita ang aking mga pangarap. Huli na ako, nakaluwas at nagkaroon nga ako ng ipon ngunit hindi ito umabot sa amin. Naunang dumating ang telegrama ni Kuya na nagsasabing wala na si Inay. Noong matanggap ko ang telegrama na iyon ni Kuya ay ginusto kong makabalik agad sa aming tahanan, gusto kong malaman kung anong nangyari, wala namang kaming alam na sakit ni Inay, gusto ko siyang makita, gusto kong maniwalang hindi totoo ang mga sinabi ni Kuya sa kaniyang liham. Gusto kong umalis na ng trabaho at agad-agad bumalik sa amin, ngunit hindi raw maaari dahil mayroon akong pinirmahang kontrata. "Nawalan po ako ng magulang" paulit-ulit kong pakiusap sa kanila ngunit nagsasalita lamang ako sa batong walang nadarama kaya napilitan pa rin akong manatili dito ngunit matapos ang ilang liggo ay tatanggalin din pala nila ako dahil wala raw ang isip ko sa aking trabaho. Tapos na ang lahat, naihatid na sa kaniyang huling hantungan si Inay, nagiba na ang mga pangarap ko sa kaniya, nawalan na rin ako ng trabaho at lahat-lahat. Gusto ko na ring planuhin kung saan ba ang aking magiging huling hantungan, ngunit naalala ko ang sabi ni Inay noong iniwan kami ni Itay, na ano mang problema ang dumating sa atin, kaylangang magpatuloy ang buhay.

_____________________________


"Huy! Ano na naman bang iniisip mo at tulala ka d'yan!?" panggugulat sa akin ni Elsa dahil ako na lang pala ang kostumer na naiwan. Kung malaya ko lang sana na masasabi sa kaniya at hindi ako magiging katawa-tawa, sasabihin kong ang isip ko'y nasa aming tahanan, ang isip ko'y nasa probinsya. Nasa taimtim na agos ng ilog, nasa huni ng ibon sa umaga. Nasa mga araw na inakyat namin ni kuya ang puno ng alatiris, atis, at mangga. Nasa mga araw na tinulungan ko si Inay na pitasin ang bunga ng mga pananim niya. Nasa mga araw na nabasag namin ni Kuya ang ilang itlog sa limliman. Nasa mga araw na naglalakad kaming lahat papunta sa eskwelahan, nasa aming mga biruan at tawanan. Nasa gabing nakilala ko ang dalagang aking iibigin, ang aking pag-ibig. Nasa bawat araw na unti-unti ko siyang nakilala. Nasa gabing ginawan ko siya ng duyan sa puno ng mangga, nasa mga gabing ginawan ko siya ng liham. Nasa gabing sinuyo ko siya, at sa gabing tinanggap niya ako't kami'y naging magkasintahan. Sa mga gabing palagi kaming magkasama. Sa mga araw na nagkakaroon kami ng problema. Nasa mga araw na nagsimula kaming maging mahigpit sa isa't-isa. Nasa araw na sinabi ko sa aking sariling hindi ako gagawa ng kahit anong maaaring makasira sa aming pagmamahalan. Nasa gabing humiga kami sa damuhan, sa ilalim ng mga tala at buwan kung saan namin tinanaw ang kapalaran at kung saan ko rin siya pinangakuang habangbuhay ko siyang mamahalin at sasamahan. Saan man at kailan pa man. 

Hindi ako nakasagot kay Elsa, ang nagawa ko na lang ay hawiin ang kurtinang tumtakip sa bintana. "Anong plano mo?" Dagdag pang tanong niya dahil pareho naming natanaw ang halos tapos nang gawing bahay sa kabilang kalsada. Sa totoo lang ay hindi ko alam ang isasagot o kung anong maaaring isagot sa kaniya, ang araw na iyon kasi ay puno ng pagiisip at pagaalala para sa hinaharap. Ang araw na iyon ay ang puntong may dalawang magkaibang daan kang pagpipiliang tahakin sa kalsada. Siguro nga ay sawi ako sa laban at uuwi ako sa aming tahanan bilang isang talunan ngunit walang karapatan ang sino pa man na sabihing kulang ang dedikasyon ko at wala sa akin ang kasipagan, dahil alam ng lahat, alam ng Diyos na ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Ang sikat ng araw ay biglang napalitan ng kulimlim at ambon, aampyas ang tubig sa salamin ng bintana at papatak sa lupa, aatras ang mga nagkumpulang aktibista na naghahanda para sana sa isang welga. Pakakawayin ng hangin ang mga puno, at ang mga poste ng kuryenye at ilaw ay isa-sang magtutumbahan, dahil ang ambon na iyon ang dulot sa damdamin ko'y bagyo, lumulubog na mga alaala, nagliliparang mga sandali, at inaanod na mga pangarap. Tutulo ang luha sa aking mga mata, bibigat ang puso't pipiliting ikalma ang aking sarili sa aking nararamdaman. Pitong taon na rin ang nagdaan, pitong taon na ako sa Maynila, kung tutuusin ay wala na dapat akong pagaalinlangan at pangamba, ngunit ano pa nga bang dahilan ng pananatili ko? Bakit narito pa rin ako? Hinawakan ko ang mga kamay ni Elsa at sinabing pagdating ng bukas magiging maayos din ang lahat.

Doon sa misong pwesto na 'yon rin ako nadatnan ni Elsa kinaumagahan sa paglabas niya ng kusina para simulan na ang pagkuha sa order ng unti-unting lumalagong bilang na ng mga tao roon. Iba ang araw na 'yon dahil hindi ako magisang nagpunta roon. "Kamusta po kayo?" Nahihiyang sabi pa niya habang nilalagyan ng mainit na kape ang aking tasa, at ang tasa rin ni Kuya. Wala akong masyadong narinig, suklian ng ngiti lang ang namagitan sa aming tatlo, sunod pang dumating sa kapehan ang Asawa ni Kuya na si Maggie at ang kanilang mga Anak na siyang naging hudyat para tumayo na rin ako sa aking kinauupuan. "Paano kuya? Ikaw na ang bahala." marahan ko pang sabi habang minamasdan rin ang ngiti sa mga mata ng Asawa't mga anak ni kuya. Labis ang pasasalamat ni Kuya, nakita kong gusto nang umagos ng luha mula sa kaniyang mga mata habang itinuturo ni Maggie sa kanilang bunsong anak ang kanilang bagong tutuluyan na tahanan mula sa kabilang kalsada. Ako? Napakasaya ko na rin na makitang may ngiti sa kanilang mga labi at may galak sa kanilang mga damdamin. Bayad ko na rin siguro ito kay Kuya sa pagaalaga niya kay Inay, isa pa, ito rin naman ang gugustuhin ni Inay kung narito siya, na ang pangarap kong binuo para sa kaniya ay mapakinabangan ng hindi kung sino lang kundi mapakinabangan ng Pamilya. 

"Saan ka ngayon?" si Kuya

"Uuwi na ako sa atin Kuya."

"Ikaw lang?"

Bigla akong napangiti, isipin pa lang ay malawak na kapanatagan ng loob na ang dulot nito sa akin. Makakabalik na ako sa amin, makakabalik na ako sa lugar kung saan ako isinilang at nakasanayan ang buhay. Kung saan nakilala ko ang maraming kalaro at kaibigan. Doon sa amin kung saan itinuro sa akin ni Inay ang mabubuting asal. Doon sa mga liblib na lugar sa amin kung saan palagi kaming nagtatalo ni Kuya ngunit kinagabihan ay magkakaayos din dahil parehas na takot umuwing walang kasama. Doon sa amin kung saan madali ko lang na mabibisita ang mga Tiyo, doon kung saan ako hinahabol ng mga alaga bibe nila. Totoo pala, hindi mahalaga kung naipanalo mo ang laban, kung natupad mo ang mga pangarap, o napagtagumpayan mo ang buhay. Ang mahalaga ay babalik kang masaya, dala mo ang ligayang dulot din nito sa'yo mula pa noon, walang nagbago, sa puso, isip, at damdamin. Walang kahit sino o kahit anong bagay na makakapagpabago sa ating pagkatao, desisyon natin ang bawat hakbang sa ating buhay. Napatingin ako kay Elsa, ang ngiti niyang isinalubong sa akin ay parang nagsasabing walang alinlangan sa kaniyang puso, tulad pa rin kami ng dati dahil hindi kayang tibagin ng pitong taon na pamamalagi sa Maynila ang pangako namin na paghabangbuhay sa probinsya. Sa paghawak ko sa kaniyang mga kamay, sinabi ng kaniyang mga mata na wala akong dapat na sabihin pa. Babalik kami, unang bibisitahin namin ay si Inay upang ipaalam sa kaniya ang aming mga plano. Muli kaming hihiga sa damuhan, tatakpan niya ang aking bibig dahil nakaamba ko na namang sabihin kung ilang anak ang gusto ko para sa sariling naming Pamilya. Doon, muli kaming magkukulitan, magtatawanan, at magsasabi ng mga nararamdaman. Darating ang dapit-hapon, muli naming isisigaw ang aming pag-big sa malawak na luntian, muling tatanawin ang aming mga pinagdaanan habang nakatanaw sa nagpapaalam na liwanag ng araw. Muli kaming hihiga sa damuhan, muli kaming babalik sa aming kabataan. Babalik kami sa aming paraiso, hihiga doon at itatanong sa aming mga sarili, "bakit pa nga ba natin kinailangang umalis kung dito nakakabit ang mga puso namin, bakit pa nga ba kinailangang umalis, narito ang tunay na tahanan natin, narito ang lahat-lahat sa atin.". 


~~ o ~~


Ang maikling kwentong ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5 







Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin