Inaamin ko naman ang kaguluhan sa aking isip. Lahat ng parinig ko sa kaniya ay mayroong totoong pagtingin na kalakip. Kung bakit kasi kailangan ko pa siyang maging kaibigan? hindi ba pwedeng ka-ibigan na agad-agad? Sabagay, kahit nga ngayon ay hindi pa namin lubos na kilala ang isa't-isa. Pero alam ko sa aking puso na gusto ko siya, gusto ko siyang maging kasintahan at maranasan ang mahalin niya din ng lubusan.
Alam kong hindi madaling makalimot at makawala sa lungkot ng mga pangyayaring hindi naman natin ninais pero darating at darating ito. Hindi ko masabing tama na ang pagluha, hindi ko din naman masabing huwag kang lumuha dahil kailangan itong gawin para mailabas ang lungkot na nararamdaman. Gusto ko ding sabihin na nandito naman ako, pwede niyang kausapin at sa balikat ko ang mga mata ay patuyuin.