Saturday, September 30, 2017

Prom Premonition

savas
credits: ~majood
Huli na nga ako ngunit mas huli pa daw makakarating ang kasintahan kong si Ely. Malamang ay dahil sa walang kamatayang pagpapaganda. Matagal din kasi niyang hinintay at pinaghandaan ito, lahat para masiguradong sa gabing ito ay siya ang makokoronahang Prom Queen. Habang sa malalim niyang balatkayo, kamuntikan kong hindi makilala ang dati kong kasintahang si Jenna. Pero bakit pa nga ba ako nanibago? Ganito naman talaga siya ka weirdo, isang babaeng mahirap basahin, at tila may sampung pagkatao na kaya niyang iharap sa mga makakahalubilo.


Kung may bagay sa kaniyang titulo sa masquerade ball na tulad nito, hindi 'yon columbina kundi' shapeshifter.

Kahit takip na ng maskara ang kaniyang mga mata. Nakakapangilabot pa ring isipin na sa gawi ko siya nakatingin. Yung tingin niyang magpapabatid sa'yo kung gaano kasing itim ng mga balahibo sa suot niyang feather skirt ang mga bagay na tumtakbo sa kaniyang isipan. Kung may alam rin sana akong dasal na pangontra ay inawit ko na, para lang lumihis ang mga hakbang niya na mukhang sa akin papunta. Kung bakit kasi ubos na ang maskara sa entrance, nakapagsuot sana ako para hindi niya agad nakilala, parang mangangagat pa ang receptionist. Pinagbihis bampira ng dean para patok sa madilim na Masquerade Prom theme.

Bakit nga ba kami naghiwalay ni Jenna? O' ang tanong ba dapat ay paano naging kami?. Sa totoo lang maganda naman si Jenna, matagal din akong nanuyo sa kaniya, pero noong naging kami - doon ko unti-unting napansin at hindi maipagkakaila na may ugali siya. Sabihin na lang nating 'yon ang may pinaka malaking take sa kung bakit namin kinailangan' maghiwalay. May bait at kabutihan naman sa kaniya at saksi ako doon. Pero kahit ilang beses akong pangaralan at pilitin ni Rico sa harap ng pulang kabayo ay may mga tao talagang mahirap baguhin kahit pilitin, lalo pa't salin na sa pagkatao natin.

Naalala ko tuloy kung bakit masakit ang ulo't hirap akong makabangon kanina. Napasarap nga pala ang dapat ay pampatulog namin ni Rico kagabi. Ngunit ang pawis na nagsimulang mag world war 2 sa balat ko ay hindi dahil sa hangover. 'Yon ay dahil naalala ko rin ang aking premonisyon, ang masalimuot na pangyayari sa aking panaginip kagabi. Eksakto pang nakarating na si Jenna sa aking harapan para masabi ko sa kaniyang "Nakita ko kung paano ako namatay sa panaginip. Ikaw ang nakita kong nakadagan at sumasakal sa akin."

Naghihintay ako ng tugon mula kay Jenna habang hindi ipinapahalatang unti-unti ay umaatras akong papalayo sa kaniya. At sa pagbaba niya ng maskara ay doon ko napansin ang maluha-luha at halatang natatakot niyang mga mata. Mabilis kong naisip, marahil ay natakot siya sa mga nasabi ko. Hihingi na sana ako ng tawad at aakto ng normal ng bigla ay ipinakta niya sa akin ang papel na nasa kaniyang palad. Tila ayaw niyang may makakita na iaabot niya ito sa akin kaya ba ihinarap niya na lang ito sa kinatatayuan ko para ipabasa sa akin.

"Kung hindi sa akin. Hindi ako papayag na maging sa'yo!!"

Madali ko namang nabasa ang nakasulat sa papel na 'yon ngunit pareho naming alam na dapat niyang sundan 'yon ng paliwanag. Habang sa likuran niya, napansin kong naghubad na rin ng maskara ang isang babae. Doon ko naisip masyado na palang huli ang pagdating ko, kasinungalingan pala ang sinabi niyang wala pa siya dito. Marami na palang naganap bago ang pagdating ko. At ang huling bagay na narinig ko mula kay Jenna ay ang pangalang, "Si El..." Na pinutol ng pagsaksak sa kaniya ng patalim mula sa kaniyang likuran.

Ikinagulat ng lahat 'yon. Marami ang tumakbo, marami ang naghiyawan, habang ako, hindi pa rin makapaniwalang tulad nga ito ng naganap sa aking panaginip. Ang pagdagan sa akin ni Jenna, ang pagkakagulo ng mga tao sa paligid, at ang presensya ni Ely na siya palang dahilan ng lahat. Ang mali lang ay hindi pala ako ang napahamak, at hindi niya ako sinakal. Inaabot niya ang koronang tumalsik malapit sa akin. Koronang nagpaliwanag sa akin ng sulat at kung bakit ito nagawa ni Ely, sa noon ay dati pa naman niyang matalik na kaibigan.


~~ o ~~


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin