Saturday, October 8, 2016

Katuigan

credits: elke & isabel matthaus
Araw (Si Sunsihine)

Tirik sana ang araw ‘sabay sa oras ng ‘yong paguwi ngunit kulimlim ang sayo’y bumulaga. Biglang itutumba ka ng inakalang mong maayos na hakbang. Niyayanig na pala ang tinatapakan mong lupa bilang ganti sa kasalanang ‘di namalayang nagawa. Hahagupitin ng kalamidad na akala mo‘y normal lang at agad ding lilipas, unos na palang idinulot ng masarap na pagkakamaling namamahay sa kamalayan ng lahat, sayo’y inisp mong sumpa ng pangangailangan.Magbabagsakan sa’yo ang mga batong nagaapoy, nagliliyab, at mapanira, maiwasan ma’y pandinig at damdamin ang higit na pinapasakitan. Doon mo pa lang pa lang mapapansin, dumi at pagkawasak na pala ang imaheng tinataglay ng mundo mo sa sarili nitong lusak. Iiyak, magsisisi, mangangako ng pagbabago bago ihiga ang bigat ng isang araw sayo’ng pamumuhay. At gigising sa gabing kailangan nang muling magkasala, sa pagmamadali ang nagawa na lang punasan ay ang humabol na luha.

Buwan (Si Mon)

Ilang buwan na ba ang lumipas, hindi ka pa rin tumutugon sa mga liham ko at sa ibanalitang maaari ka nang umuwi at hindi na kakailanganing umalis pa dahil may trabaho na akong bubuhay sa atin. Tinatanaw na lang ang magagandang alaala natin habang malayo ka sa akin. Walang negatibong iisipin dahil alam kong magbabalik ka akin. Dahil tulad ng araw at ng buwan habang umiikot ang uniberso ay magtatagpo ang mga landas natin. Kung totoo mang may katapusan ang lahat, matatapos din itong masasamang balitang naririnig, at siguradong magliliwanag din ang lahat kapag narinig mismo sa iyong mga labi. Ako ang buwan na hanggang ngayo’y pilit pa ring humihila sa iyo. Huwag sanang mangyaring babalikan mo lang ako kapag tuluyan nang nawasak ang bagong pamumuhay at bagong mundong niyakap mo. Ako ang buwan na magliliwanag lang sa oras na harapin mo. Kung masasanay na lang tayo sa dilim na ganito, papaano mo mapapansing wala na pala ako’t hinanap sa iba ang liwanag ko.

~~ o ~~


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

2 comments:

  1. napadaan po :D nacutan kasi ako sa header mo :D

    Myxilog

    ReplyDelete
    Replies
    1. nacutan din ako sa'yo haha . salamat po sa pagbisita :D

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin