Friday, November 13, 2015

Ha Ha Ha



credits: lucy paton
Ginawa ko ang lahat ng sinabi ko. Na handa akong hamakin ang lahat. Handa akong lumakad gaano man kahirap. Na handa akong lumublob, umakyat, at magtiis gaano pa man kahirap para lang marating ang lupang kasing taas mo. Baon lang ay ang pangako sa sariling huli na iyon.

Pagtataka naman na sa pagdating ko'y nabuhay ang mundo ngunit kadiliman ang sa kinatatayuan ko. At kung bakit ikaw ang sumagi sa isip nang matanaw ang mga ilaw ng tahimik sa malayo ngunit nagkakasala at nagdiriwang na kapatagan.

Kung ilang ulit pang sasaktan at papagurin ang sarili ay hindi ko alam. Marahil nga'y magkaiba na ngayon ang mga espasyo na ating ginagalawan. Sabi mo pa, may mga bagay na mawawala at hindi na maaaring ibalik gaano man ipagpilitan. Kung iisipin, matagal na rin mula noong tayo'y pinagtagpo ng noon ay pareho nating kinahihiligan.

Ilang sandali pa ba akong magpapanggap na saya ang naidudulot sa'kin na maabot ang tuktok? Sana'y masaya ka kung nasaan ka man ngayon. Wala nang isang tulad ko na mangungulit sa'yo, na ang tanging hiling lang naman ay ibigin mo rin. Hindi ko rin inakala na isang araw ay susuko din pala ako.

Pababa na ako noong baliw kong tinawanan ang sarili nang maalala ang sinabi mong kinausap at nakipagkilala ka lang naman sakin noon para pagdating sa taas ay may kumuha ng larawan mo. Salitang kahit alam kong pantaboy lamang ay bakit may hatid ding aray.

Inaamin ko naman. Nahumaling ako sa kagandahang natuklas mula sa itaas kung kaya nagawang ulit-ulitin ang sakit at paghihirap na makaakyat. Oo, umukit sa puso ko ang larawang iyon, 'di nabatid ang mapagpanggap na kulay sa likod ng magandang mukha na minsan kong hinangaan.

Sabi nila, buti naman daw at natauhan na ako. Ganon din kaya ang sasabihin mo kung mapansing tumigil na ako? Malamang nga'y tila dumi akong sa wakas ay naglaho sa katayuan mo. Basta't ang alam ko lang. Tanggap ko nang hindi ko maabot, at hindi ko kailangan abutin ang 'sang tulad mo.

Sa wakas. Hindi tulad ng sa pagakyat ay magiging madali na lang ang aking pagbaba. Kasing dali ng pagbitaw sa isang taong inakala ko noo'y totoo.


~~ o ~~

#somedraftfrom2012


posted from Bloggeroid

Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin