credits: cartoon stock |
~ Pagtatagpo
Hindi masama ang maniwala sa pag-ibig sa unang pagkikita. Ngunit kailangan mo ring isipin, ilang beses mo na bang nasabi sa sariling umiibig ka na nga dahil lang mayroong maganda o gwapong nakasalubong sa daan o' 'di kaya'y nakasabay sa pampublikong sasakyan. Natural na ang humanga sa kagandahan ng panlabas na anyo ng iba, ngunit ang ating puso ay mayroong sariling mata na walang nakakaalam kung kailan, saan, at papaanong mamumulat. Basta mo na lamang 'yong mararamdaman, na parang isang pangyayaring sa talambuhay mo'y 'di mo inasahang magaganap. Kaakibat ang takot. Papaano kang mapapalapit sa kaniya? Sa papaanong paraan mo ipapaalam ang pag-ibig mo sa kaniya? At ang malaking tanong pa'y ano kayang iisipin at magiging reaksyon niya?
~ Pagharap
Gawin mo ang nararapat na gawin. Harapin ang takot. 'Wag kang magalala. Kailanman ay 'di dapat na ikahiya ang tapang ng isang tao. Ayaw mo rin namang pagsisihan ito balang araw kung saan tanong mo pa rin sa sarili-Ano kayang nangyari kung naipagtapat ko sa kaniya? Naging kami kaya? Nainip kaya ako sa tagal ng matamis niyang Oo? Naging matam-is kaya ang aming pagtitinginan? Mga tanong na alam mo naman ang kasagutan, dahil alam mong sa piling niya, ikaw ay magiging maligaya.
Sawi ka sa pag-ibig? Hindi ka n'ya gusto kahit ipinagtapat mo ang pag-ibig mo sa kaniya? Hindi yan katapusan ng mundo, at mali kung sasabihin ko sa'yong hindi lang siya ang babae/lalaki sa mundo. Ang masasabi ko lang ay hindi lahat ng iibigin mo'y mauunawaan ang tunay na hangarin ng iyong puso. Kailanman ay huwag kang maghintay ng kapalit, umiibig ka hindi para ibigin kang pabalik, umiibig ka upang makamtan ng 'yong puso ang tunay na kaligayahan. Maaaring sa ngayon ang tingin mo sa sarili mo'y sawi, maniwala ka sa akin kaibigan, darating ang tamang oras para sa pusong tunay kung magmahal.
~ Padayon
Tumingin ka sa iyong paligid. Kahit saan lumingon ay may makikitang magkasintahan. Ngunit wala kang kakayahan upang malaman, tunay na pag-ibig kaya ang sa kanila'y umiiral? Sila kaya'y itinadhana para sa isa't-isa? At sa huli, sila kaya ang magkakatuluyan? Ano'ng malay natin? Pinagulo ko pa ngunit ang ibig ko lang namang sabihin ay bakit 'di mo ulit subukan? Naniniwala ka rin lang naman sa tadhana, bakit mo gugustuhing tumigil na sa isang yugto nito kung saan ikaw ay nasaktan? Mayroon ngang kasabihan, susubukin tayo ng tadhana ngunit 'di dapat mawala ang paniniwala. Ipagpatuloy mo ang pag-ibig, ngunit hindi ibig sabihin nito'y paabutin mong 'di na mabilang sa 'yong mga daliri.
~ Pagkaligaw
Maaaring ikaw ay 'sang tipo ng taong hindi na mabilang kung nakailang ulit nang umibig. Hindi na bago sa'yo ang ganitong mga bagay at ang mga payo ko sayo'y tila wala lang. Pero masaya ka ba? O' hanggang sa ngayon ay ligaw ka pa rin sa mundo ng tadhana na palabo ng palabo habang ika'y tumatanda? Marahil nga ay ligaw ka na dahil hindi na tunay na pag-ibig ang hanap mo kun'di kapareha na pasok ang estado sa buhay, personalidad, at kagandahang anyo sa mga tipo mo. Mali ka na nga ng tinatahak na landas. Para kang bida sa isang pelikula na kahit kailan ay 'di dumating ang hinhintay na perpektong kapareha. Wala naman kasing perpektong tao, may kapintasan o' may hindi kayang gawin, kung totoong nagmamahal ka, matututunan mo itong tanggapin
~ Pagtanggap
'Wag kang maghimutok kung hanggang kaibigan lang ang kayang ibigay sa'yo ng isang taong inibig mo. Imbes na ngumalngal, at magpaka lasing, kausapin mo siya't intindihin ang kaniyang kadahilanan. Siguradong hindi dahil sa itsura o' porma mo, may ibang dahilan. Malay mo, strikto lang pala ang kaniyang mga magulang, at pagdating ng tamang oras ay kayo rin pala ang sa isa't-isa, kaunting hintay lang naman pa lang ang hiling niya. Maari rin namang hindi nga s'ya. Gusto ko lang din sabihing iba ang paglimot sa pagtanggap. Hindi ka umiibig kung pait ang naiiwan mong bakas sa bawat mong hakbang.
~ Pagkahibang
Isa itong yugto ng pag-ibig na dapat lamang iwasan at laktawan. Huwag kang baliw sa pag-ibig. Hindi 'yan patunay na lubos kang magmahal. Huwag na sanang ipagpilitan ang sarili sa taong 'sing tigas ng bato ang puso. Para mong pilit tinawid ang isang marupok na tulay, ikaw rin ang mapapahamak. 'Wag na wag mong sabihing siya ang buhay mo kung hamak na tagasuyo/tagahanga lang naman ang tingin niya sa'yo. Oo nga't hindi ka madaling sumuko at gagawin mo ang lahat, aabot pa sa puntong masasabi mong siya ang lahat sa'yo, pero huwag mo sanang iisang tabi na lamang ang 'yong kapalaluan.
~ Pagdating
Hindi ko rin alam kung bakit sa dulo ko na naisip ang Pagdating. Pero ang pagpasok sa buhay ng isang tao ay hindi lang isang biro. Huwag kang magbibitaw ng mga pangakong iipisin lang naman. Hanggat maaari ay isipin muna ang iyong mga sasabihin. Hindi ibig sabihin nitong matuto kang magsinungaling, o' maging tuso magisip na parang matsing. Maging totoo ka, para maging totoo din ang pagtanggap sa'yo, at wala kang pagsisisihan na kahit ano pagdating sa dulo.
~ Pagtatalo
Hindi ba kayo magkasundo ng kasintahan mo? Hindi niyo kailangang magbatuhan ng pinggan at badehado. O' kung bagets naman ay hindi magpansinan, magteks, at magtawagan ng isang linggo. 'Wag palaging unahin ang galit. Unawain n'yo ang isa't-isa. Hindi ba't dapat kaligayahan ng isa't-isa ang hangad n'yo? Huwag ka ring matakot kung sa tingin mo'y sinusubok ng 'yong kapareha na baguhin ang iyong ugali at pagkatao. 'Wag kang magmatigas at mabuting amining may mali ka rin naman. Sigurado namang para sa ikabubuti mo rin at ng inyong pag-iibigan ang gusto niyang mangyari, dinadala ka n'ya sa tamang daan. Kung para sa ikasasama mo yan, ewan ko na lang.
~ Paninigurado
Siya na nga kaya ang itinadhanang pag-ibig mo? Kayo na nga ba ang para sa isa't-isa? Hindi yan tanong na kaya kong sagutin, hindi rin kayang sagutin ng mga kaibigan mo, lalong hindi sasagutin ng mga hinihiling mong senyales mula sa langit tulad ng paglaglag ng buko. Bakit hindi mo subukang siya ang tanungin? Tanungin mo siya kung pag-ibig ba ang naramdaman niya sa una niyong pagkikita at hindi tukso. Tanungin mo siya kung anu-ano ang nakikita niyang larawan kung susulyap sa mahabang panahon n'yo pang pagsasamahan. Ikaw? Subukan mo ring sumulyap sa hinaharap kasama s'ya. Kung ang mga larawang tanaw ay masaya at mapayapa, bakit ka pa nag aalinlangan?
______________________
Ilan kaya ang magiging maligaya kapag ang bawat umiibig ay marunong pumulot na aral sa kanilang mga pagkakamali sa pag-ibig?
Hindi po ako eksperto, at hindi rin malawig ang karanasan 'pag dating sa pag-ibig. Payo lang po, na sana ay nakatulong sa inyo.
Hindi lang sampu ang yugto ng pag-ibig, sobrang dami pa kung iisipin. Pero sa kasamaang palad, tulad sa prablem solbing ng eat bulaga ay mauubusan din ako ng oras sa pagbibigay ng payo. Tao lang po, umiibig, at natutulog din. May natutunan po kayo o' wala. Sa huli nasa kamay niyo pa rin ang pagdedesisyon kung kayo ba ay lalaban o' babawi sa pag-ibig.
~~ o ~~
No comments:
Post a Comment