Linggo, Nobyembre 25, 2012

Talikuran


Maaliwalas pa naman ang ngiti ng gwardyang si Mang Nards, sayang at hindi hahaba ngayon ang isasalubong n'yang bati sa akin na tutuluyan ng seryosong kwentuhan. Kahit ano siguro ang gawin 'di ako maeentertain ng kahit pa mga bagong kwento niya tungkol sa mga nangyayari sa loob ng maliit lamang na Immaculate Heart Institute tuwing tatalikod na ang mga mapagmasid na mata ng institusyon. Pangit ang mood kaya panigurado ay takip tenga akong makikinig sa mga nais ikwento ni Mang Nards; ang happy going at tsismosong gwardya ng Immaculate Heart.

Nilagpasan ko lang si Mang Nards na tila napansin 'din ang hindi normal kong aura ngayon kaya hindi na lamang ako pinuna. Nagwowork nga ang dasal lalu na't sa oras ng matinding pangangailangan, ilang hakbang lang papalapit ng kan'yang kinatatayuan ay ilang santo rin ang aking natawag upang hindi matalsikan ng nagaalok ng tsismisan n'yang laway. Ilang hakbang rin ng malampasan siya ay parang panibagong mundo na ang aking kinapadparan, doon kung saan mas malakas ang bulungan, tsismisan, tawanan, at kulitan ng iba't-ibang grupo ng mga studyante. Hindi na rin nakakapanibago ang mga seryosong eksena na umookupa sa bawat ilalim ng punong ginagawang tambayan, mga seryosong hitsura ng mga magkasintahan, katahimikan ang nananaig sa kanila na malamang ay dahil sa tampuhan, misunderstanding, o kung anuman, kulang nalang ay mahulugan ng bunga para kumibo naman at masabing may natitira pa namang buhay, sitwasyon na sa paglipas ng ilang tagbunga ay akin naring pinagsawaan.


Tignan mo nga naman, mayroon silang bagong pinagkakaguluhan, ang patok na mini clip entitled Amalayer na ngayon ay available narin sa iba't-ibang format, meron pang isang studyante ginagaya ang asta ng babae sa nasabing Amalayer bidyo. Kung sa orihinal na umarte nga eh hindi bumagay, sa kan'ya pa kaya na mala-TheBigShow ang timbang. You Think Amalayer? hindi na rin bago sa pandinig ko ang linya, katunayan ay dala ko pa ang maraming patunay narito't nagpaparty sa aking inbox. Paano ko nga ba kasi iiwasan ang hindi magduda at hindi paniwalaan ang mga sinasabi ni Brenda? mag dadalawang taon na kami ngunit imbes na nagtitibay ang samahan ay mas papalabo ng papalabong daan ang ibinibigay sa amin ng sarili naming larawan.


Kasalanan ko; bakit kailangan ko pang maghinala kung meron naman daw ako ng tinatawag na tiwala? Kasalanan n'ya; bakit sa ibang tao ko pa maririnig at malalaman, may tinig naman s'ya na kung ginagamit lang sana ay hindi ko na kailangan pang magduda. Ang reasoning ba ay kakailanganin lang kapag buko na at kailangan nang malinawan ang mga hindi nakaalam? isang tanong pa, masisira ba ng basta-basta ang tiwala kung talaga namang walang dapat ipaghinala. Sinong mali, sinong tama? isa lang ang alam ko, ikagagalit niya kung magpapatuloy ako sa pagdududa. Pinanghahawakan ko nalang ang sinabi ni Brenda, wala akong dapat na ikabahala.


Tumunog ang bell na hudyat ng panibagong simula, simula na matatapos bilang isa ring normal na araw. Ano ba ang abnormal? ang abalang pagkutingting ni Brenda sa cellphone niya sa gitna ng klase?, o ang hindi niya pagkibo nung dumaan ako sa harapan n'ya?. Tanaw ko ang lahat mula sa likod kung saan ako tinapon ng proper arrangement na sinasabi ni Ma'am Roda, doon ko parang pinapanood na pelikula ang maraming kadramahan sa buhay ni Brenda, kita kahit mula sa likod ang pinipinta ng bawat kilos n'ya, na kung kinikilig sa mga katextmate niya, masaya, namumula, kinikilig dahil may dumaan na cute sa bintana. may ikinalulungkot, natatakot, o bagot na bagot na siya. Parang absent ako at wala doon para makita ang mga ginagawa niya, at malamang ay ganon din ang nasa isip niya.


Pungay pa nga ang aking mga mata, matapos ang apat na oras na pakikipag away at pakikipag sigawan sa mga kahera at crew ng aming hell's kitchen samahan ay dapat kong namnamin pa ang limang oras pa ng aking araw para naman sa pagaaral. Gagawin ko nanaman daw unan ang mesa sa laboratory ni Ma'am Roda kaya maaga palang ay agad na niya akong binalaan. Ilang beses na rin niya akong binalaan tungkol kay Brenda, me kasama daw lalake paminsan na ang sigurado daw ay hindi ako dahil kalbo. Baka kaibigan naman po–sabi ko, pero ang hulma ng kilay niya ang nagsasabing 30% lang ang posibilidad na friend nga, 70% naman na may affair.


Hindi naman isa sa mga tsismackers na parang virus kung kumalat si Ma'am, sa pagkakakilala ko sa kaniya hindi, hindi talaga. Lumalabas na concern lang kaya nasasabi niya ang mga bagay na tulad nito sa akin, palibhasa ay iniwan ng kinakasama kaya muli ay araw-araw humahalimuyak sa kan'ya ang mamahaling perfume at sampung oras kung magpaganda s'ya, tumatanggap na rin siya ng mga gifts nung ibang teacher sa faculty nila, puno nga ng tsokolate ang mesa pagdadating s'ya, pero sa student teachers parin ng mga high school nakatingin ang apat na mata niya.


 Sabi ni Ma'am, bulag daw ba ako, wala daw ba akong mata, niloloko na raw ako eh nagtatangatangahan pa. Kung pwede nga lang eh kahit magmukha pa akong kwago sa pagbabantay tututukan at tututukan ko si Brenda. Wala naman kasing ebidensya, kaya hindi nawawalan ng alas si Brenda, isa pa, meron pang pagasa para sa akin na maibalik ang dati naming masayang tambalan. 'Di tulad ngayon, hindi pa man kumukulubot ang aming balat ay nawawala na ang tamis, bata pa naman kami, gagradweyt kami at mas marami pang hamon ng buhay ang darating matapos 'yon, pinagpapalagay ko nalang na ang mga ito ay pagsubok, pagsubok na malalagpasan din at matatapos.


Nagpatuloy rin ang walang pansinan namin hanggang uwian, swerte pang maituturing na lumingon s'ya sa akin sa pagtayo niya bago pa ihakbang ang kanang paa sa perimiter ng lab., ngumiti at para akong kinawayan na sanggol ni Brenda, iiwan saglit at babalikan rin naman. Ilang minuto rin akong naiwan na nakaupo parin sa loob ng lab., hindi pa nga maiwasan ni Ma'am na kaawaan ang hitsura ko, patingin-tingin sa akin habang may isinusulat. Ano pa nga bang hinihintay ko? pasko? o ang pagvibrate ng cellphone ko dahil siguradong magtetext si Brenda? Doon kasi ay parang ibang nilalang siya, nasasabi ang lahat at siya pa nga itong magagalit kapag wala akong load para mareplyan s'ya, ibang-iba sa Brenda kanina na parang hindi ako kilala, katulad ngayon na nagtext siya–pgud aq, uwi na ako, ingat k ah? text mo rin ako pag nsa bhay kn :)


Sa totoo lang mas nanaisin ko pang matalsikan ng laway niya, maamoy ang paminsan ay may pagka-unwanted na hininga niya, at pagtiisan ang view ng may brace na ngipin n'ya habang sasabihin sa akin 'yon kesa itext lang sa akin. May mga bagay kasi na pwedeng sabihin sa text kahit hindi naman talaga 'yon ang nararamdaman o ginagawa natin, katulad rin ng pagsasabi natin ng "lol" sa ating facebook kachat, pero ang totoo sa harap ng monitor eh nakasalumbaba ka at hindi man lang napangiti at the moment. Para akong naka talikod na inaalam ang mga ginagawa ni Brenda at ang mga updates sa everyday n'yang pamumuhay niya, kung hindi naman pala totoo ang mga sinasabi eh talikuran akong niloloko ni Brenda. Gusto pa ngang tumawa ni Ma'am sa joke ng isang teacher na biglang nagtext sa kaniya pero pinipigilan lang dahil naroon ako't nageemote sa tabi ng bintana. Minabuti ko na rin lumabas para umuwi at magpahiga naman, sayang ang oras, sakto lang ang walong oras na tulog, at gigising ako para ulitin ang scenariong ito bukas.


Panibagong araw nanaman ang sisimulan ngayon na may scheduled replay para bukas. Hindi bukas kundi kagabi ang bukambibig ni Mang Nards sa pagpasok ko sa gate ng Campus. Maaga pa naman kaya nahatak ako ng kaniyang panghahalina. Pabulong siya kung magsalita, may milagrong nangyari daw bandang alas-otso sa loob ng Immaculate Heart, kitang-kita daw ng dalawang mata niya ang mga pangyayari, at ungol ng babae daw ang nagdala sa kaniya sa palikuran sa labas ng faculty, turo-turo pa niya ang malayong daan papunta roon kung saan daw naganap ang kababalaghan dahil nandon pa daw ang mga patay na pumatak sa tiles bilang ebidensya, Parang madaldal na nilagyan ng tape sa bunganga si Mang Nards, nagsisimula palang akong maginit sa na rin sa kwento niya ay tumigil siya sa pagsasalita ng biglaan. Dalawang lunok ng laway rin ang napagmasdan ko mula sa kaniya at nagsimula siyang pagpawisan. Saktong tumunog ang bell kaya kumilos na ako't tinalikuran siya. Nagulat ako sa pagharap ko, hindi man lang kasi nagsasalita, nakatayo lang pala sa likuran ko si Brenda.





Linggo, Nobyembre 18, 2012

Minsang Umulan



Minsang umulan ako'y nasa tahanan
Iniisip ko kung ikaw ba'y nasaan
Sana ay nasa maayos ka lamang
Malayo sa unos na itong nagpaparamdam



WWE, Game Over?


Bata palang ako noong una kong masilayan ang wrestling sa telebisyon ay nahumaling na ako dito, nandoon pa silang lahat (The WWE Legends), ang mga nagbigay buhay sa wrestling noong nakaraang mga dekada tulad ni Undertaker, The Rock, Stone Cold, Shawn Michaels, Edge, Bret Hart, at marami pang iba. Nakakalugmok na katotohanan na sa mga replay ko nalang sila napapanood ngayon, ewan ko ba kung inenjoy na nila ang buhay may asawa, o nagtatago lang sila sa mga tanod kaya ayaw magpakita. Namiss ko ang dating era ng wrestling, hindi yung tulad ngayon na 'di masyadong makatotohanan ang bawat episodes, talagang yung dating wrestling ang hanap ko eh. Sabi nga din ni The Rock eh anu ba ang nangyari sa WWE? from "Stone Cold 3:16", to "Can you Smell what The Rock is Cooking?", abay biglang napunta sa kasabihan na "You Can't See Me" mula sa lalaking kamukha ni Simsimi.

Tama rin ang tinuran ni The Rock sa sinabi n'yang "I Bring It", sila naman talagang mga WWE Superstars noon ang dahilan kung bakit madami ang naadilk sa panonood ng wrestling. Nakakabagot isipin na ngayon kahit special episodes/matches (WWE PPV Events) na ang ipalabas nila wala parin sa bewang ng entertainment na ibinigay sa atin ng mga labanang Ultimate Warrior vs Undertaker, Shawn (HBK) Michaels vs Bret (Hitman) Hart, at Stone Cold Steve Austin vs The Rock. Kaya naman ang wrestling ngayon ay sa Youtube nalang nakakakuha ng maraming views, sa telebisyon kung bumaba ang ratings eh babaguhin nila ang storyline para manatili ang mga tagapanood. Kaya nga WWE Champion parin si CM Punk hanggang ngayon, dahil s'ya nalang yata ang natitirang may dating pa para sa mga wrestling fans na noon pa man ay nakatutok na sa bawat episodes.

 May nakita akong article sa DF Blog, ang pamagat ay "What Happened to Wresting?", pareho kami nung author non na naghahanap ng real wrestling whereabouts (lol), ibig ko lang sabihin ay pareho kami hanap-hanap namin ay yung dating wrestling, real wrestling. (Paanong real? eh 'diba scripted naman yan?) Noong grade 4 ako akala ko rin eh totoo, pero hindi na po kami mga bata, alam po namin na scripted ang wrestling, entertainment naman po ang hanap namin, yun bang ikasisiya ng mga manonood, entertainment na hindi maibigay ng makabagong wrestling, at marami ang disappointed sa bagay na 'yon.

Matagal rin na huminto ako sa panonood ng wrestling, hindi dahil nahuli na ang jumper naming cable kun'di dahil hindi na ako nagagandahan sa mga episodes ng SmackDown at RAW. Pero noong sinubukan kong manood ulit, tila ba ilaw na muling nagbigay ng liwanag ang napanood kong pagbabalik ni HHH (Triple H) sa WWE. Linggo-linggo nanaman akong nakatutok sa panonood kahit galing pa sa trabahong nakakapagod. Nakakatuwang isipin non nagbalik ang isa sa nga idolo ko, maging si Brock Lesnar na gumawa na ng pangalan sa UFC ay nagbalik rin sa wrestling. Nagkaroon pa ng special night kung saan nagbalik ang mga WWE Legends at Hall of Famers gaya ng Degeneration X (DX), at The Destruction Brothers. Ganon pa man, hindi pa gaanong nagiigting ang thrill level ko sa panonood ay pumangit nanaman ang stroryline ng WWE at muli ay tinamad ako, ganon din siguro ang maraming WWE fans sa loob ng globo.

Opisyal na nagretire si Triple H (The Game) sa wrestling, patunay doon ang sa wakas ay pagbisita niya sa barberya para magpagupit. Simula palang noong nagsimula s'ya sa wrestling ay palaging mahaba ang buhok niya, kung wala naman sa loob ng ring ay nakatali lang ito para hindi naman mukhang mananakit kapag nasalubong siya sa kalsada. Ipinaalam ng sa wakas ay pagpapagupit niya ang katotohanan na huling pagkakataon na pala ng WWE fans na makita s'yang sumabak sa wrestling ang natapos n'yang laban kung saan tinalo s'ya ni Brock Lesnar. Nasagot ang katanungan ng WWE Universe na "The Game is over na nga ba?". Ganon pa man ay hindi malilimutan ang naiambag niya sa wrestling, isa s'yang legend at alam kong mapupunta siya sa WWE Hall of Fame ano man ang mangyari. Pero meron pang isang katanungan na naiwan, "Game Over na nga ba ang Wrestling?" may pagasa pa bang bumalik ang dating WWE? o mabubulok nalang ito sa mga makabagong kakornihan? May mga bagong wrestler ngayon na hindi pa malaman kung magaangat ba o' magpapalubog lamang sa imahe ng Pro Wrestling kaya ang sagot sa katanungan ay hindi parin malaman, malaking question mark sa ulo ng mga wrestling fans tulad ko.



Linggo, Nobyembre 11, 2012

Insomya



Binilang ko na ang makikinang na tala
Muntik pa nga akong mahulog sa bintana
Sumaydbyu na rin ako na parang tilapia
Ngunit paghimbing ay madulas sa aking mata



novum ascendes 2


Isang gabi palang na hindi ka nakita ay parang hindi ko kaya, ano kayang ginagawa mo? kumain ka na kaya? naiisip mo din kaya ako?. Tulala pa nga ako sa cellphone kong ang silbi lang ay para marinig ang boses mo kung sa malayo. Tumunog kaya ang pagasang ikaw naman ang unang makaalala? mag ring kaya akong bigla sa isip mo para masabing may nakakamiss din naman pala sa akin kahit paminsan. Ganito pala ang pakiramdam kapag nagiisa ka't iniwan. Ganito pala kapag ang mga naisin mo ay siya nang lumalayo sa'yo, dahil minsan napatunayang hindi nararapat sa kamay mo ang tulad nito.



Sabado, Nobyembre 3, 2012

Sino si Noel?


Sino po si Noel?–Matapos ang tatlong araw na katahimikan ni Aileen sa ospital ito ang narinig mula sa kaniyang mga labi ng pamilya't mga kamaganak na nakaantabay lang sa kaniya sa loob ng silid. Nagtatanong ang kaniyang mga matang nakatitig sa kaniyang braso kung saan doon nakabigkis ang pulseras na Noel ang sinasabing ngalan. Bilin sa kaniyang hindi s'ya dapat magisip ng kung anu-anong bagay, unti-unti naman raw babalik ang alaala niya't hindi kailangan pilitin ipaalala ang mga bagay-bagay sa kaniya, ngunit maraming tanong ang naglalaro sa kaniyang isipan kaya hindi maiwasan ang magkaroon ng maraming tanong mula sa kaniya.

Lipad ang isip ni Aileen malapit sa bintana kung saan siya nakahiga, pinipilit niyang tanawing makulay ang kahit puro ilaw at mga sasakyan sa kalsada lang niyang nakikita, iniisip kung ano ba ang buhay na naghihintay sa kaniya kung sakaling maging malaya siya sa kinahihigaan. Haplus-haplos ng kaniyang ina ang buhok niya, ang kaniyang ina na walang pinalagpas na oras na hindi niyakap ang kaniyang unica jija. Ang mga bulaklak sa mesa na kanina pang umaagaw sa pansin ni Aileen, marahan niyang niyang inabot kahit pa umaakyat ang dugo sa suero ay kapansinpansin ang kagustuhan ni Aileen na makuha ang kahit isa lamang sa mga ito.

Nakapikit niyang ipinamalas sa kaniyang pangamoy ang taglay na bango ng nakuhang bulaklak. Kita sa kaniya ang kaginhawahan mula sa ginawang 'yon, tila humaplos sa kaniyang damdamin ang ginawa sa oras ng pangungulila ng pusong naliligaw, wari'y malaking pagasa ang dala upang mas makilala pa niya ang sarili at nakaraan ng ginawa niyang pagyakap sa kaniyang dibdib sa bulaklak na 'yon hanggang sa kaniyang pagtulog.

Mahimbing ang tulog ni Aileen, sa likod ng maamo niyang mukha ay ang katotohanang itinago ng kaniyang pamilya sa kaniya, ang trahedya na nagdulot ng lahat ng ito sa kaniya, ang trahedya na naghiwalay sa kaniya sa tunay na nilalaman ng puso n'ya. Hindi rin naman nila kagustuhan nangyari, oo nga't hindi sila boto kay Noel ngunit mahal nila si Aileen at ayaw nila na may mangyaring masama rito, ganon din ay ayaw nilang magtanim ito ng sama ng loob sa kanila kung tututulan pa ang pagmamahalan nila ng binata.

Mas makakabuti kung itatago nalang ang lahat–pangungumbinsing wika ng kaniyang Ina sa kaniyang Ama. Ngunit nagpakita parin ng awa ang kaniyang Ama na hindi malaman ang gagawin, inuubos niya ang bawat oras sa pagiisip at pagtatanong sa sarili. Marahil ay minsang sumalamin din sa kaniya ang naging posisyon ni Noel kay Aileen kung kaya't hindi ganon kadali para sa kaniya na isawalang bahala na lamang ang mga bagay na tulad nito. Ginawa na nila ang tumulong sa pamilya ni Noel ngunit mas maswerte parin sila kung tutuusin, habang buhay na utang na loob niyang tatanawin kay Noel ang tila himalang ikalawang buhay ng kanilang nagiisang anak na si Aileen.

_____________________________

"Mahal kita Aileen"

"Mahal din kita Noel, pero paano kung lahat ay tutol sa atin? Siguro mas makakabuti nalang na itigil muna natin ito."

Nakasayad sa lupa ang dalawang tuhod ni Noel sa gilid ng basang kalsada ng Almanza, tanging kahilingan ay hindi tuluyang pakawalan ng mahal n'yang si Aileen ang pagibig para sa kaniya, kaya naman daw niyang gawin ang lahat, ang ipaglaban si Aileen, at patunayan sa lahat ang pagmamahal niya dito. Ngunit tila batong nanatiling matigas ang puso ni Aileen kahit pa ang totoo ay sobra na s'yang nasasaktan dahil ayaw rin naman niyang gawin ang pagiwan sa kaniyang mahal. Wari ay buo na ang desisyon ng dalaga sa kaniyang ipinakita, ngunit ninais ni Noel na siya'y mapakinggan bago siya tuluyan nitong iwan.

"Mahal kita Aileen at mananatili ka sa puso ko. Sana ay ganon ka din sa akin."

Hindi mapigilan ng dalaga ang damdamin, tila nais nang umagos ng luha mula sa kaniyang mga mata. Bawat hakbang niya papalayo ay pinagmasdan ng basangbbasa sa ulan na si Noel. Bawat hakbang ni Aileen ay kasing bigat ng ginawa niyang pagiwan sa kaniyang iniibig. Nakasisilaw na liwanag at malakas na busina ang gumulat sa napapalayo niyang kamalayan, ipinikit niya ang kaniyang mga mata sa mga sandaling 'yon sa pagaalam na 'yon nalang ang tanging magagawa niya.

Nahihilo at malabo ang kaniyang paningin sa pagmulat niya ng kaniyang mga mata, Noel ang una niyang binaggit na pangalan, pangalan ng kaniyang mahal na nakita n'yang nakadagan sa kaniya at walang malay, si Noel na isinugal ang sariling buhay para mailigtas ang kaniyang minamahal. Doon ay naintindihan ni Aileen ang lahat, nakilala niya kung sino ba si Noel, hiling niya sana'y maaaring ibalik ang oras para maitama ang lahat. Ngunit 'yon ay isang panaginip, panaginip na gumunita ng mga pangyayaring hindi naman nila inasahan.

Nakapalibot ang buong pamilya't maganak ni Aileen sa kaniya. Noel ang unang narinig mula sa mga labi ng dalaga. Kahit sinasaktan pa ng sikat ng araw ang kaniyang mga mata dahilan para lumabo ang paningin niya sa pagmulat ng mga mata, Noel ang unang binanggit niyang ngalan habang tanaw-tanaw ang nalantang bulaklak na akap-akap n'ya sa puso niya. Dumating na ang bagong umaga, ngunit luha na lamang ang kapalit ng katotohanang huli na ang lahat, hindi na n'ya muling makakapiling ang kaniyang mahal, naglaho na ang pagasang at pagkakataon para mas mahalin at mas kilalanin pa niya ang isang Noel. Wala na siya.




All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.