Sabado, Setyembre 29, 2012

Pagtatapat


Ganon na nga ang kaniyang inaasahan, matao at maingay na lugar ang kaniyang kinapadparan, sa tapat ng isang malumang simbahan sa Rosario na kanila pang sinadya, nakaupo s'ya habang ikinukuyakoy ang magkabilang paa na napagod mula sa mahabang paglalakad.

Kinakapa pa ni Annie ang kaniyang bulsa, inaalam kung hindi ba nalimutan ng kaniyang Ama na baunan siya ng bimpong pamunas sa kanilang pamamasyal. Mabuti nalang at meron, napunasan nga ni Annie ang pawis ngunit pagka irita parin ang mababatid sa kaniyang mukha sa sobrang init na natatanggap ng balat. Hindi siya sanay na ganito ang nararanasan, mabuti pang manatiling nasa bahay at magkulong sa di-aircon niyang silid–ganito ang nasa isip ng walong taon gulang na si Annie habang nakaupo kasama ang Ama sa tapat ng maalamat na simbahan.


Sa panahon ngayon, sino ang magtatangkang lumarga na walang dalang pamaypay, payong, panyo, at kung anu-ano pang pangontra sa pagngiti ni haring araw. Hindi naman agad 'yon naisip ni Annie, malay ba n'yang dito ang punta nila. Ang inaasahan niyang pamamasyal sa mall, nauwi pala sa pakikipagsiksikan, at pagkikihalubilo sa maraming mamimili at namamasyal sa Rosario. Tirik ang araw at maraming tao doon ngunit dalawang imahe lamang ang umiinteres sa kaniyang mga mata sa dami ng makikita roon, ang nagtitinda ng sorbetes na pinagkukumpulan ng mga kabataang tulad niya, at ang tindero ng lobo na ang dala-dalang paninda'y turu-turo ng mga batang akay ng kanilang ama't ina.


_____________________________


"Anak sayang naman ito, ayaw mo ba?." nagpatuloy ang pangaalok ni Ben sa kaniyang anak, sayang naman kasi at matutunaw lang ang sorbetes na binili niya para dito. Patuloy rin na nagmatigas si Annie, bagay na nakasanayan na ng Ama na gawain niya. Kahit pa ang katotohanan naman ay kanina pa gusto ni Annie na matikman ang pinaghalong ube at mangga na lasa nito. Tampo sa Ama parin ang pinairal ni Annie at hindi tinanggap ang inaalok na sorbetes nito.


"Alam mo ba anak, hindi mo dapat na sayangin ang mga bagay na ibinibigay sa'yo." Napatingin si Annie sa Ama matapos biglaang nagseryoso ang boses nito. Katulad mo anak, biyaya ka sa amin ng Diyos kaya aalagaan kita at palalakihin ng maayos sa abot ng makakaya ko–dagdag pa ni Ben sa sinabi.


"Bakit ganon Daddy, 'diba dapat nandito rin si Mommy at inaalagaan ako tulad ng ginagawa mo?." Ang katanungan ng anak ay hindi na bago sa pandinig ni Ben, mula pa kasi noon ay wala siyang naipakilalang ina sa kaniyang anak. Habang nakanguso parin si Annie ay iniisip ni Ben kung ano ang isasagot sa katanungan ng kaniyang anak, tulala siya at tila nilipad sa malayo ang kaisipan. Hindi nasagot ni Ben ang katanungan, bagkus ay naisipan nalamang nito na kwentuhan ang kaniyang munting princessa.


"Alam mo ba anak, ito ang paborito naming pasyalan ng mommy mo. Hindi pa ganito dito noon, dati ay malinis at walang masyadong tao ang nagpupunta rito, maliban sa mga magsing irog tulad namin ni Mommy mo noon, na ang nais mahanap ay ginta ng katahimikan na bubulong at magpapagaan sa pakiramdam ng mga pusong nagmamahalan. Sa hitsura ng lugar ngayon dalawa lamang ang nananatiling sariwa sa alaala ko mula sa dati nitong larawan, ang Simbahan ng San Carlos na noon pa'y nariyan, at ang kakaibang pakiramdam na idinudulot sa akin ng lugar sa tuwing ako'y mapapasyal."


Napaikot din ang paningin ni Annie sa buong kapaligiran, isip-isip niya ang inilalarawan ng ama sa kaniya. Tila patunay pa sa kaniyang mara ang tuyot na dahon sa sahig, nalaglag mula sa hindi tipikal ang laki na puno na sumasagisag rin sa edad ng lugar. ang kinauupuan nga nila ay basag na ang simento dahil sa mga umangat na matatandang ugat nito.


"Aalis na tayo Daddy?." wika ni Annie nang tumayo ang kaniyang ama hawak-hawak ang kaniyang kanang kamay. "Dito muna tayo Daddy, magkwento ka pa."


Halata naman sa walong taon gulang na si Annie na ang pagkadawit ng kaniyang Mommy sa kinukwento ng kaniyang ama ang uminteres sa kaniya, hindi naman s'ya masisisi ni Ben, sa walong taon kasi na pamumuhay ng anak ay siya lang ang kinilalang magulang nito. Siya ang naghahatid-sundo kay Annie sa paaralan, siya ang kinakailangang gumising ng maaga para magising rin ang anak, siya ang nagluluto't naghahanda ng baon nito sa araw-araw, higit sa lahat ay siya ang naging kasama nito sa kaniyang lakbay.


Mula doon sumabit sa isipan ni Ben ang isang katanungan–ito na ba ang tamang oras para ipagtapat ko sa kaniya ang lahat?. Nakatingin siya sa anak na para itong may malalim na iniisip. Musmos na naghahanap ng kasagutan naman ang nakita n'ya mula sa anak. Kumbinsi sa sarili ni Ben–ito na nga ang tamang panahon, kailangan na n'yang malaman.


Dinala ni Ben ang anak papalapit sa mamang nagtitinda ng mga lobo, saglitan niyang binitawan ang kamay ni Annie upang senyasan ang na kukuha siya ng isa mula sa paninda nito. Matapos makuha 'yon ay agad na iniabot ito sa anak. Bakas na ang kalungkutan non kay Ben, at lumuhod siya sa harap ng kaniyang munting princessa upang ipagtapat dito ang lahat.


"Anak 'yang lobo at itong sorbetes ay mayroong pagkakapareho, pareho silang hindi maaaring magtagal sa ating mga kamay, ang lobo sa paglipas ng mga oras ay mauubos ang hangin, liliit at 'di tatagal ay puputok, ito namang sorbetes ay mawawala ang lamig at matutunaw lang kung hindi agad uubusin. Ganito rin si Mommy mo anak, kinailangan kong tanggapin na wala na siya gaya ng dapat mo ring gawin, wala na siya dito sa mundo pero naging masaya kaming magkasama. Kahit hindi ganon katagal kaming nagkasama ay masaya ako na minsan ko siyang nakilala, lalu pa't binuksan niya ang puso niya para sa akin. Wala na s'ya pero masaya ako na minsan akong napagbigyan makapiling ang isang tulad niya. Ganon pa man hindi ko kailanman inisip na madamot ang Diyos sa akin, dahil anak, ibinigay ka ng Diyos sa amin, sayang lang at hindi nagkaroon ng pagkakataon ang Mommy mo na makasama ka pero alam kong masaya siya para sa atin. Nawala siya kapalit ng pagkakataong masilayan mo ang ganda nitong mundo anak. Ako? Masaya na akong balikan ang lugar na ito kasama ka, dito rin tayo magkakasamang tatlo noong sumisipa ka pa lamang sa tiyan niya at kami naman ay sabik na sabik na makita ka."


Magsasalita pa sana si Ben ngunit dumampi ang mga kamay ng anak sa mga pisngi niya para punasan ang hindi niya napansing luha na nagsimula na palang umagos mula sa kaniyang mga mata. Niyakap siya ng anak at hindi niya maipaliwanag ang sayang naramdaman niya noong mga oras na 'yon, tila 'yon oras na nagpalaya at nagpaluwag sa puso niyang nangungulila. Naintindihan ni Annie ang nararamdaman ng ama, naramdaman niya ang awa sa ama, at naunawaan niya ang lahat-lahat. Nabitawan ni Annie ang lobo, na siya namang umagaw sa pansin ng mag-ama.


"Daddy yung lobo.." turu-turo ni Annie ang lobo na malayu-layo narin ang nilipad. "Hayaan mo ibibili nalang kita ulit anak."


Matapos s'yang ibili ng panibago ay itinali ito ni Annie sa kaniyang kanang kamay. Tanong naman ni Ben–bakit mo itinali anak?.


"Ayoko nang masayang ulit, bigay mo sa akin 'to Daddy eh." Pasimpleng inagaw pa ni Annie ang sorbetes na hawak ng ama. Ngiti ang parehong ipinamalas ng mag-ama sa mga oras na iyon. Hawak ang kamay ni Ben, si Annie pa ngayon ang humihila sa kaniya upang ipagpatuloy ang paglalakad. "Mamasyal pa tayo Daddy, kwentuhan mo pa ako tungkol kay Mommy ha."


"Oo naman anak, idedeyt kita sa Rosario, tulad ng dati naming gawain ng Mommy mo. Ikaw ang princessa ko ngayon." Nakangiting sagot ni Ben sa anak.



~~ o ~~

Ang kwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 4



Inilunsad sa pakikipagtulungan ng


Maraming salamat sa ating mga sponsors:





Linggo, Setyembre 23, 2012

Sa Lilim ng Pag-ibig



Taimtim ang kapanahunan sa tanauan
Dinig ang mga ibon na nagdaraan
Sa ilalim ng punong narra na ating tambayan
Tinanaw ko ang makulay nating nakaraan



Linggo, Setyembre 16, 2012

Ang Pagbabalik


"Ang kwento ng aking pagbabalik. Baliktanaw sa alaalang tila dahon sa hangin, makulay at may buhay sa kabila ng katotohanang 'di  na magtatagal ay matutuyot rin."

Libu-libong alaala ang nagbalik sa akin sa aking pagsakay, sinubukan kong umidlip na lamang ngunit kahit pagod kontra ang magagandang tanawing nasisilayan mula sa bintana ng bus na aking sinasakyan. Tulad ko rin sa kanila, tila masaya sila na ako'y muling makita. Sa malayo, kagandahan ang ipinamalas ng papalubog na araw, dahilan para maramdaman ko ang buong kaginhawahan sa aking marahan na pagsandal.




Linggo, Setyembre 9, 2012

Tuloy ang Lakbay


Sa maikling oras lamang na pagsakay
Kaginhawahan ng isip ang aking tinaglay
Pwesto ko'y sa likod ng tsuper na pagod at pawisan
Sa bintana ng kaniyang bus tiningala ko ang mga ulap

Galak ang sa loob ko'y namuhay
Sa muling pagbabalik 'di na makapagantay
Yakap ang isasalubong ko sa bawat kong mahal
Sila na inspirasyon ko sa lakbayin ng buhay



Biyernes, Setyembre 7, 2012

Paano Nga Ulit Sumulat?




Ito na nga ang libreng oras ko upang makasulat ngunit bakit wala akong maisip na pwedeng maisulat?

Teka, paano nga ulit sumulat? May katanungan na pilit kong tinatanong sa aking sarili, dati ay hindi naman ako ganitong hirap para lamang sa kapiranggot na ideya, ideyang maaari kong lapatan ng isang storya na matatawag kong aking obra.


Ngunit bakit tila nawawala yung siklab ko sa pagsulat? Oo nga't hindi naman mahalaga sa akin kung magugustuhan nila ang maisusulat ko o hindi. Ang problema, para bang mismong ako ay hindi na kuntento sa mga nagagawa ko, para itong drawing na walang kulay, tila mundong pinilit kong tinitignan bilang masayang paraiso kahit wala naman ditong namumuhay para makita ang kagandahang taglay nito.


Paano nga ulit sumulat? Kailan ko masasagot ang katanungan? Kailan ako makakasulat ng tulad dati. Kailan dadampi sa isipan kong ang ideyang masarap ihabi.




Linggo, Setyembre 2, 2012

Yosi Break



Biglaang may pagtago pa si Leyah sa likuran kong nalalaman, napadaan kasi ang marami niyang kasamahan sa HR Department na nangaasar pang ang swit-sweet nanaman daw namin. Sa likod ko pa talaga, akala naman ay maitatago siya ng manipis kong pangangatawan. Binati ko nga ang mga kasamahan niya at isinigaw "Musta friends!? Itinigil ko na ulit ang paninigarilyo, ngayun-ngayon lang."

"Para kang ewan.." Ang salitang narinig ko tuloy sa babaeng nasa aking likuran na may halong tunog ng pagtatampo. Bakit nga ba kasi ganito ang inaasal ko, para bang nawala ba sa isip kong hindi naman kami, talong long time manliligaw parin niya ako hanggang sa ngayon, hindi naman pagturn-off ang ginagawa ko, feel ko lang magkulit at maging pasaway, tipong yung dating ako, yung ako na walang nagbabawal, pumupuna, kumokontrol, at nagdidikta sa mga kilos ko, feel ko lang maging Aldrin ulit.

Epic ang takipsilim na iyon, may namamagitan sa aming galit na nagiging sweet, meron pang kulitan na nauuwi sa seryosong usapan. Pabago-bagong mood na dala narin siguro ng malakas na hangin sa mataas na smoking area ng pinapasukan naming kumpanya. Alam ko kasing may panibagong isesermon nanaman siya patungkol sa paghihit ko ng yosi, kaya hindi pa niya nababanggit ay para bang inis na agad ako, wala rin naman kasi akong lusot, hindi ko naman pwedeng idahilan na tinatanaw ko lang ang view ng papalubog na araw mula roon, ano pa bang gagawin ng isang tulad ko sa smoking area? magbebreak dance? malamang nga ay magyoyosi break. Magsasawa lang siya sa paulit-ulit kong pangako "Last smoke na 'yun", kaya para bang wala na sa akin ngayon kung magagalit siya, bahala na si darna at walang makapipigil sa mga nais kong gawin mula ngayon.

Hindi pagiging maka-sarili. Hindi ko rin naman pwedeng sabihing para sa ikabubuti ko rin ang pagyoyosi, kaya wala na rin akong maidahilan, mahabang katahimikan ang resulta, may pagtitig siya sa akin na para bang iniisip kung anong nangyayari sa akin at kung bakit ako nagkaka ganito. Sana lang ay hindi niya pansing gumigilid ang panigin ko't pinapakiramdaman rin ang bawat kilos at ginagawa niya.

"May problema ba tayo?" Pagaalalang tanong ni Leyah sa akin. Gusto ko sanang sabihin; na wala, at mawawalan ka na ng problema, hindi mo na ako kailangang problemahin simula ngayon. Kung pwede lang talaga, ayoko naman kasing biglain siya. Kaya "Wala naman, meron ba?" ang naisagot ko sa kaniya, kalakip ang ngiti na nagsasabing wala siyang dapat na ipagalala.

"Nasasakal ka na sa akin 'no?" Sa tunog ng pananalita ay hindi naman mababatid ang pagiging seryoso niya sa sinabi pero naubo ako sa aking panyo nang marinig 'yon, para bang ubo ko ang nagsilbing ringing bell na nagsabing Correct!, "Oh yan kasi yosi pa" nakahanap pa tuloy ng butas para sa simpleng pagpaparinig si Leyah.

Bigla-bigla ay nagchange topic, iniba niya ang usapan at isa 'yong himala, kadalasan kasing ang sermon ay mahaba, napansin siguro niya na wala na kasi akong kibo kapag tungkol sa pagninigarilyo ko ang binubukambibig niya. Dapat lang, maiba naman paminsan-minsan. Akalain mo 'yun, kanina lang ay gusto ko na siyang iwanan sa ere pero mapupunta pa pala sa sweet at seryosong usapan ang natitira pang 10mins sa 15mins break na ginugol namin para magstay sa smoking area, kami lang.

"May no good material ka nanaman sa report ng line niyo kanina." Napangisi lang ako non sa sinabi niya, hindi naman kasi talaga sa akin kundi inako ko lang ang kamalian ng isang OJT, tama ba naman kasing magpapasok sa kumpanya ng underage? Malamang ay hindi non kayanin ang maririnig na sermon ng mga nakatataas kung sakali baka mag backout pa kaya bilang sabihin na natin ay mas nakatataas kahit papaano ay inako ko na, wala naman kasing nakakita, at sanay na naman ako, noong bago nga ako eh araw-araw kong inalmusal ang may volume na boses nila. Hindi ko naman masabi kay Leyah na hindi 'yon sa akin, wala akong focus–dahilan ko na lamang sa kaniya.

"Pero naalala mo ba ang sinabi ko? Kung isa ka mang pyesa hinding hindi ako magkakamali sa'yo, at aalagaan kita na parang ikaw na ang pinaka maselang bagay na maaaring mahawakan ko." Natuwa si Leyah pero tanong ko parin sa sarili kung bakit ko pa nasabi 'yon, nawawala na ako sa sarili't bumabalik pa ako sa pagka korni, ganon pa man ay katotohanan ang lahat ng sinabi ko sa kaniya at kaya ko 'yong pangatawanan, hindi rin ako nagsisisi na kung bakit hard to get pa ang napili kong ligawan, noon pa ay alam ko nang hindi ako nagkamali, talagang mapaglaro lang siguro ang tadhana. Parang gusto ko na tuloy maniwala sa nabasa ko kamakailan lang; maakit ka man sa isang tao 'o bagay, kung hindi talaga para sa'yo, paghirapan mo man ay zero.

Sabi ko naman sa sarili, "Mahalaga ay sumubok, importante ay alam niyang mahal ko siya." oks na 'yon, mas masakit nga namang mawaka ako sa mundo na hindi ko nasabi ang nararamdaman sa kaniya. Niyakap ako ni Leyah non, at doon ako nagulat, hindi pa kasi niya nagawa 'yon, lalu naman ako dahil sa takot masampal o anuman. "Huwag kang magsasawa't magbabago sa akin ah?"

Ang malambing niyang boses na 'yon ang nagparealize sa akin ng halos lahat-lahat, na kung bakit ba kailangan kong sundin ang mga ayaw niyang gawin ko, na kung bakit kailangan kong maghintay sa araw na tanggapin niya ako bilang kasintahan, alam ko namang mahal niya ako eh, kung tatanungin niya kung bulag o manhid ba ako ay hindi na rin ako magtataka. Kaya non ay binago ko na rin ang isipan, sinabi ko sa sarili na maswerte nga ako't narito katabi ko ang isang Leyah, na hiling ko ay pang habangbuhay na makakasama ko. Saan pa ba ako makakahanap ng tulad niya na tanging para sa ikabubuti namin ang hinahangad. Dapat ko siyang pahalagahan, naniniwala ako na para kami sa isa't-isa, at dapat kong paniwalaan 'yon kung talagang mahal ko siya walang kasabihan ang makakadikta sa tatakbuhin ng aming lovelife, ang maging nasa iisang panig ang dapat na panghawakan ng dalawang nagmamahalan, ito ay ang panig na tinawag ring pagibig, pagibig na nabubuo ng samahang nagpapakilig, nagbibigay saya, at kumukumpleto sa dalawang indibidwal, nasa kamay natin kung papaan ito aalagaan at pahahalagahan.

15mins lang, mabilis lang, tila maraming nangyari at maraming nabago sa nadarama ko. Ngayon, mamaya, bukas aayusin ko na ang lahat para sa aming dalawa, hindi na ako gagawa ng ikagagalit niya, bagkus ay susuklian ng higit na pagmamahal ang pagmamahal na ipinadarama rin niya. Bukas, sana ay marami pang bukas, katulad ngayon tapos na ang ilang minuto na bakante naming oras, sana ay mabigyan pa ako ng maraming oras para makasama siya. Nagpaalam na kami sa isa't-isa non kasabay sa paglubog ng araw, hindi ko malilimutan 'yon, hinalikan pa niya ako na tila may halong pagaalala. Huwag sana siyang magalala na isang araw ay magbago ang pagibig ko, habang buhay kong mamahalin si Leyah. Naka ilang lingon rin siya pabalik sa kinatatayuan ko nang pinagmamasdan ko siyang paalis, sa tuluyang pagtalikod niya ay sunod kong pinagmasdan ang panyo ko na kanina ay aking naubuhan, may dugo sa panyo kong hawak. Tanging paghiling nalang ang mga sunod kong nasabi; sana ay hindi ganon kabilis. Bukas, sisimulan kong sulitin ang bawat minuto at oras na kasama si Leyah.




All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.