Linggo, Hulyo 29, 2012

Inaabangan ko na ang Ber Months



Ano nga bang espesyal ngayong agosto? Ninoy Aquino day? Araw ng mga Bayani? Bertdey ni Annie, ano pa ba? Ah basta sana maging kasing bilis ng kisapmata ang agosto, sunod kasi sa buwang 'to ang simula ng Ber months na pinaka inaabang-abangan ko.

Ber months, magsisimula na ulit lumamig ang kapanahunan at magiging exciting ang bawat buhos ng tubig sa katawan tuwing madaling araw. Mas hahaba raw ang gabi sa araw, kaya mas makakausap kita ng matagal sa linya't mas mapapahaba ang kulitan.
Pwede ko naring gawing palusot ang lamig ng panahon na alam kong nadadama mo rin para masabing "Payakap nga". Hindi ako magtutunog korni at may tyansa pa ngang ikaw pa ang maunang magsabi sa akin n'yan.

Sa ngayon malambot kong unan muna ang magpapainit sa aking tiyan. Busy ka pa kasi sa kinakarir mong office job, hindi naman ako tutol eh, alam ko namang matagal mo nang pinangarap ang maupo lang kaharap ng laptop habang kumikita ng pera at nagpapaputi sa airconditioned na opisina. Isa sa dahilan kung bakit inaabangan ko na ang Ber months ay dahil mahaba-habang bakasyon kasi ang mabibigay sa atin upang muli magkasama. Mga titig lang mula sa mga mata mo'y makukumpleto na ang mga gabi't araw ko. Ano pa kaya yung mahawakan ko rin ang mapagarugang mga kamay mo.

Huwag kang magalala, hindi ako magbabaon ng gin para sa mga kaibigan, alam ko kasing magagalit ka lang. Kahit sa darating na undas puro deds ang dadalawin, bubuhayin natin ang bawat segundo at susulitin. Magandang pagkakataon din sa paguwi ay maipakilala kita sa aking mga magulang, mga tito, tita, at kay lola. 'Wag kang mahihiya ah? Mababait naman sila. Nakakahiya nga't ako ang lalaki pero ako pa ang mas nauna mong sa pamilya mo ipakilala.

Masyadong advance kung sasabihin ko pero kumpletuhin natin ang simbang gabi ngayong taon ah? Ipagpapasalamat ko ang mas nagtitibay pa nating pagsasama, at ipagdarasal ang buong ikakabuti mo, natin, at ng mga kapamilya natin.

Busy ka parin ba? Malamang ganon na nga. Pasensya ka na kung dito ko pa pinadaan ah? Friendster lang kasi ang meron ako't Facebook lang ang meron ka. Mabuti nalang kahit Yahoo ako't Gmail ka mai-email parin kita. Gusto ko lang naman bumati at kamustahin ka. Wala lang, namiss lang kita. Ako? Ayus lang, heto't nakapagsulat dahil excited at masaya. Pagkatapos kasi ng mahabang nobena totoo ngang tayo na. At ngayong taon hindi malamig ang magiging pasko't sa SMP hindi ako makikiisa.

Ingat ka palagi ha!? Huwag ka sana magsawang marinig mula sa aking mahal na mahal kita. Dahil alam ko, alam kong ikaw na.



Hula



Marapat nga bang pangunahan
Kapalarang sa atin nakaabang
Dapat bang alamin kalalabasan
Hindi pa man nagagawan ng hakbang


Maikling Payo



Kailan nga ba dapat umibig? O handa ka na bang umibig? Mga katanungan na ikaw lamang ang makakasagot, base sa mga karanasan na dumaan sa 'yong buhay 'o kung paano ka nito pinalungkot, pinakilig, pinaluha, at pinasaya.

Ang pagibig ay hindi lamang isang laro, ang pagibig ay hindi dapat ginagawang laro at lahat naman tayo alam natin 'yan. However (ehem), may mga tao parin na hindi natin maintindihan kung bakit ba naging hobby na nila ang pananakit ng damdamin ng iba, umiimbento ng mga pangako na sa Payatas din naman ang punta, basura! Pangakong nabubulok at hindi maaaring magtagal.

Ako, ako, hindi ako yung tipong manloloko. Sa kabilang side po ako, ako yung madalas ay naloloko. Patunay d'yan ay kung bakit puro sawi ang tema at ending ng mababasa mong mga akda ko dito sa blog ko. Oo nga't umibig ako, hindi lang dahil naloko ako sa kagandahan ng mga binibining ito na minsa'y naging part ng buhay ko, naging kabiyak ng puso ko. Tunay po ang naramdaman ko, 'yun nga lang never humantong sa happy ending ang mga tambalang napabilang ako.

Ikaw saang side ka ba? Sa manloloko, o sa niloloko? Sigurado naman akong walang tao na gustong maloko. Kung may nanloko man sa inyo hindi ko sila masisisi sa ginawa nila, nagpaloko ka naman 'diba? Oo nga't ayaw mong maloko, pero dapat kasi maingat tayo sa bawat desisyon na ginagawa. Kapal ng mukha kong sabihin 'yon eh ako nga itong may world record na sa ganitong katangahan. Ang sa akin lang naman ay may mapulot kang aral sa mumunti kong salaysay.

"Ready na ba ako?" Dapat una palang ay naitanong mo na ito sa sarili mo. Kung oo ang sagot, ibig sabihin ay handa ka na hindi lang na umibig kundi handa ka nang tanggapin kung ano ang mga gagawin nitong pagbabago sa'yo, dapat ay handa ka nang malaman ang katotohanang hindi lahat ng relasyon forever happy ang tuloy. Magiging masaya ka, at masasaktan rin. Ngingiti ka, ngunit siguradong luluha rin. Imposibleng hindi 'diba? Mahirap ngang tanggapin ang katotohanan.  

Kung malungkot ka lamang at nais mo'y may makasama, may magalaga, may makinig sa mga nais mong sabihin, at may yumakap sa buo mong pagkatao't mahalin ka ng totoo. Itext mo lang ako, este huwag mong isiping pagibig na agad ang sulusyon at kasagutan dito. Hindi dahil lang malungkot ka, pagibig na ang sasalba sa nararamdaman mong lumbay, baka mas masaktan ka lang at sa huli ang lahat pagsisihan.

Isang payo mula sa akin na laging puso ay sugatan kaibigan. Mula sa akin na palaging luhaan, haha. Magmahal ka kung handa ka na, hindi kung nalulungkot ka lamang at nangailangan ng pagmamahal. Nakapaghihintay naman 'yan, lumingon ka lang sa paligid, mahalin mo at tanggapin kung ano ang meron ka sa tabi mo. Pamilya, mga kaibigan, mga taong nariyan para sa'yo. Huwag tanawin ang pait ng nakaraan, huwag magpadalus-dalos sa mga desisyon na alam mo namang walang kasiguruhan.

Narinig ko lang rin mula sa isang kaibigan. "Love when you're ready. Not when you're lonely."



Linggo, Hulyo 22, 2012

Matayog na Pangarap



Matayog na pangarap nagdala sa ibabaw
Panaginip na akala'y 'di makakamit kailanman
Napasakamay nang lahat at nahawakan
Lahat sa mata'y naging makatotohanan


Huwebes, Hulyo 12, 2012

Why I Hate PAGASA and mga Paasa


Sa malikot na mundo na ating tinatapakan, maraming tao ang umaasa, marami rin namang tao na nagpapaasa. Paminsan maaaring legal ang pagpapaasa na ginagawa nila sa isa o ilang tao halimbawa sa pagaaply natin ng trabaho, 'diba nga? Mula pa lang nang umahon sa printer ang resume mo ay umaasa ka nang matatanggap, wala ka pang napiling kumpanya dahil nga choosy ka kaya wala pang sa'yo ay nagpapaasa, magsisimula lang magkaroon ng koneksyon kapag ikinabit na ang applicant's i.d sa damit mong suot, tatagal ka sa ilang oras ng paghihintay, ayan at nagsisimula na silang magpaasa. Ayos kung matatanggap ka! Hindi ka nagkamali ng napiling kumpanya. Masakit-sakit namang tanggapin kung sa huli nalaman mong pinaasa ka lang pala nila. Pinaka hate kong portion dito eh yung sabihin nilang "Tatawagan ka nalang namin ah" Ngiting aso pa iyan.

Dahil sa ibabahagi kong karanasan. Napagisip-isip kong ganito rin pala sa panliligaw, i-flashback muna natin sa panahon na ito palang ay paghanga. Na lab-at-pers sayt kasi ako sa kaniya. Unang kita palang ay mahal ko na s'ya, araw-arawin pa't hiniling ko nang dumating ang araw na magiging kami na. Kitams!? Umaasa na agad ako kahit nga hindi pa nanliligaw, kahit nga ipaalam ang nararamdaman eh dehins ko pa nagawa. Walang signs, walang go-signal, basta-basta nalang ako umasa. Siraulo, ambisyoso, hibang, mamili ka lang yan ang mga pwede mong itawag sa akin nung mga oras na sinarili ko ang mga advance thinking ko tungkol sa aming kapalaran. Malamang, kahit sino namang nangangarap ay umaasang makamtan ang katuparan ng kanilang mga hinahangad. Yun lang, wala pang koneksyon kaya mahirap hulaan kung papalarin ba 'o blagadag at laglag, mananatili lamang na pangarap.

Inis ako dito sa PAGASA. Kung bakit kailangan pa nilang ikansela ang pasok non sa eskwela. Hayan tuloy at nabawasan pa ang araw na si Crush hindi ko siya makikita, malay natin, eksaktong araw pala na 'yon naisipan ding lumikas ng mga pesteng namuhay sa puso ko't lumakas ang loob na magtapat ng pagibig sa kaniya, sayang lang dahil inanunsyo na ang malakas na bagyo, huwag maliitin signal no. 2 po ito, pero bakit hinintay ko at inasahan rin ng lahat na may paparating ngang bagyo, malaking question mark ang nasa ulo ng bawat tao na nakakasalubong kong ko, nanatiling mainit ang ulo ng mga yero, miski ang pusang gala sa kanto ay hindi natakot mabasa at nanatiling abala sa pagdila sa kaniyang mga balahibo.

Dinig ko ang isang ale na nagreklamo. Bakit raw late kung maganunsyo. Full effort na't lahat malalaman lang na suspended pala ang pasok ng kaniyang anak, pansin kong tila nahawa at nakasimangot din ang mukha ng ineng na bitbit niya. "Oo nga naman" Bulong ko sa sarili. Parehas kami ng nararamdaman. Bakit kasi kailangan pang paasahin kami ng PAGASA na may darating ngang unos gayong hindi man lang umambon at umulan. Nasabik rin siguro ang mga puno't halaman kung makakapagsalita lamang. Ang tanong bakit tayo naniwala? Bakit agad-agaran tayong umasa sa sinabi ng PAGASA? Ang sagot, hindi dahil sa namesung nila na PAGASA, kundi dahil sila ang mas nakakaalam nito at normal nang sa kanila natin marinig kung may papalapit bang sakuna. Kung sabihin nilang mabuting ipasok na ang mga sampay na salawal tayo'y magkakandarapa pa. Ngayon na alam nilang mali ang prediksyon nila, wala man lang tayong narinig na kahit pagpapaumanhin at patawad. Palpak! Pinaasa lang tayo ng PAGASA. Kaya naman hate ko ang PAGASA at mula non ay hindi na rin inintindi ang mga flash report nila, maigi pang tingalain nalang ang langit at pakiramdaman.

Sumikat na muli ang araw. Hindi naman nagdilim eh, mas nagliwanag lang kasi ang nararamdaman ko para kay Shane, at alam kong pansin na rin niya. Salamat at hindi dinedma lang ang aking nararamdaman, nagpalit-palit pa ang mga araw na mas lalo kaming napalapit sa isa't-isa. May koneksyon na, bagay na ikinagalak ng puso't damdamin ko. Mabait si Shane, anghel siya na napagbigyang makatapak sa kalupaan, at sigurado akong sasangayon ka kung ibinulong ko 'yon sa'yo habang siya ay nasa ating harapan. Normal na ang kiligin kapag umiibig, pero ang mga matatamis niyang salita kahit sa text lamang ay halos magpatalon sa akin mula sa kinauupuang silya kahit pa kalagitnaan iyon ng lecture ni ma'am. Sa wakas napapalapit ako sa aking pangarap. Tama si Globe! Posible nga.

Mataas ang thrill level na dala-dala ko non sa pagpasok. Manliligaw na nga pala niya ako non at sagot nalang niya ang hinihintay para mabuo ang aming official na tambalan. Para akong si Pacquiao non na sasabak sa matinding labanan, nakaantabay pa ang mga kaibigan sa magiging resulta. Sa wakas kasi, magkikita kami ni Shane sa isang lugar at doon ay makapagusap na kami lamang dalawa. Alam na naman niya, kaya meron pa ba akong dapat ipagtapat? Nasabi ko na ang lahat sa pamamagitan ng text at tawag, kaya ang kailangan ngayon ay patunayan lahat ng pinangako ko na sa keypad ay itinayp. Kailangan kong patunayan sa kaniya ang wagas kong paghanga, yun bang tipong hindi torpe side ko ang dapat na lumitaw sa aming pagkikita. Kaya naman hindi normal ang heartbeat ko non habang tinutungo ang lugar na aming napagusapan.

Bakit nga ba ako umasa? Dahil sinabi niyang meron naman akong pagasa. So sa mga oras nga na 'yon pinapaasa na niya akong may posibilidad na sagutin niya nga ako't kami'y maging magkasintahan. Koneksyon, nandun na, at matagal-tagal na panahon rin ang aking ipinaghintay. Umasa ako, bagay na hindi ko maikakaila sa lahat ng nakaalam ng tungkol sa aking paghanga. Ito rin ang dahilan kung bakit galit ako sa mga taong Paasa. Tinungo ko ang lugar na 'yon na may excitement at takot na nadarama. Bakit may takot? Sabi ko nga, maaari kasing mapalad, maaari ring sawing palad ang bagsak. Tinungo ko ang lugar na 'yon at umasa, ipagtatapat kong pagibig hindi sana mapunta sa wala lamang. Bakit ako umasang meron? Na meron nga akong pagasa sa kaniya. Ang sagot, Kanino pa ba ako magtitiwala kundi sa kaniya, hindi naman pwedeng sa ibang tao pa ako maniwala. Sa kaniya ang pagibig ko kaya sa kaniya ako nagtiwala. Hindi ako nakinig sa mga sabi-sabi na naririnig sa mga mapanirang labi na nagkalat sa eskwelahan. Tinungo ko ang lugar na 'yon, umaasang tulad ko ay tapat rin naman siya sa mga sinabi niya sa akin. Bakit hindi lang siya? Usapan naming kami lang ang magkikita, pero inabutan ko doon ang buong party list nila. Tumabi pa ako sa kaniya't nilabanan ang takot at hiya, hindi dapat masayang ang aking pagpunta, kaya naman itong mga kaibigan niya napakulot ang kilay sa aking ginawa.

"Pasensya ka na ah? Biglaan dumating sila eh." Mahinang sabi ni Shane

"Ok lang yun." Bulong pabalik ko naman

"Boyfriend mo siya?" Usisang tanong ng isa kay Shane, 'di ko siya kilala at ngayon lang rin naman kami nagkita ngunit tila sa akin may malaking galit siya.

"Hindi. Boyfriend ko si Manuel diba? Textmate ko lang siya."

Sa malikot na mundo na ating tinatapakan, maraming tao ang umaasa, marami rin namang tao na nagpapaasa. Paminsan maaaring legal ang pagpapaasa na ginagawa nila sa isa o ilang tao. Kasalanan ko bang umasa? Nagmahal kasi ako ng totoo eh, malay ko bang paasa lang pala siya. Walang puso't walang awa. Nadurog ang puso ko, kaya naman galit ako sa mga taong Paasa. Nakatingala ako't inisip, hindi sana magbukas ang pinto ng langit para sa mga taong tulad nila.



Linggo, Hulyo 8, 2012

Perslab



At nakita nga kita 'di malayo sa aking kinatatayuan, nakayuko't pikit ang mga mata halatang malalim ang iniisip. Hindi ko tuloy magawang tignan ng mabuti ang maganda mong mukha at alamin kung anu-ano pa ba ang mga nagbago sa'yo matapos ang ilang taon ay lumipas. Pansinin mo kaya ako kung sakaling sa akin mapalingon ka? 'Di kaya irapan mo pa ako, tulad noong ginagawa mo tuwing bumabati lang ako 'pag napapadaan ka.

Masungit ka noon, hindi ko rin alam kung papano ko napalambot ang puso mo, sinabi pa nilang anlupit ko dahil sa dami ng manliligaw mo ako pa ang pinalad na pagsayangan ng oras mo. Malay ko ba? Ako naman ay na adik lang sa kagandahan mo. Hindi ko pinagsawaang titigan ka kahit madalas nang lumipad papunta sa akin ang mapulbos na pambura ni Ma'am, kaunting pagpag lang ng buhok at sa'yo ako'y nakatunganga nanaman, abay adik nga. Lalu na kung nakatali ang buhok mo't litaw ang maputi mong batok.

Malikot ang aking kaisipan sabi ni Jaymark. Hindi raw kailanman magugustuhan mo rin ako, suntok sa buwan ang kahit magkaroon lang sa'yo ng kaunting pagasa. Kaya naman hindi nakapagtataka na siya'y mapanganga nung sabihin kong tayo na.

Perslab natin ang isa't-isa. Bagay na pareho nating inamin sa ating mga sarili. Isa lang ang sigurado, hindi lang puppy love ang namagitan sa ating dalawa. Minahal kasi kita ng tunay at hindi biro ang eyebags na naipon ko sa mga gabing nilaman ka ng isipan ko. Patunay ang pimples na lumitaw sa ilong ko pa na ako nga ay inlove at alam ko ring ganon ka.

Masyadong mahaba, masyadong marami kung iisa-isahin pa. Nga oras na naramdaman ko ang kasiyahan syempre na makasama ka, kahit nga sa akin nagtatampo ka't masungit side mo nanaman ang aking pinuproblema, hindi ko parin makakalimutang kumupit ng sulyap at tingin. Masyado ba akong naging kampante? Hindi, hindi ko naman pinabayaan ang sa atin ay namamagitan. Ginusto ko lang na mas unahin mo, natin ang pagaaral, masyado pa tayong bata, ikinatatayo pa nga ng balahibo ko na baka mabasa ng magulang mo ang aking mga sulat kaya sabi kong huwag mo nang itago, ilukot at iitsa nalang sa bintana. Nakakapaghintay naman ang pagmamahal, bagay na sa huli ay salita ng pagpapaalam na mula sa'yo ko narinig. Huwag na tayong magsayang ng luha, life must go on sabi nga. Masaya ako na minsan naging parte ka ng aking buhay binata.

Maganda ka parin katulad ng inasahan ko, tila may humihila sa akin upang mas mapalapit pa sa'yo. Lumipad kasi ang isip ko kaya muntik nang makalimutan ko na sa simbahan pala tayo nakatayo. Lalapit na ba ako sa'yo? Parang gusto kong lakasan ang loob at sumingit kay manong para sa pagdasal ng Ama namin kamay mo ang aking aabutin, sorpresa kunwari ang ating paglalapit. May kung anong nagpatigil naman sa aking paglapit, huwag ka munang lilingon sa akin, dahil hindi ko pa alam ang sasabihin. Kaba, at saya ang naghalong nadama sa aking dibdib. Matagal ko nang idinasal, hindi lang pala dininig ang aking panalangin, nagprovide pa ng senyales ang langit sa akin. Nakita kong suot mo parin ang porselas na kapares nitong sa akin.



Linggo, Hulyo 1, 2012

Pulang Payong


Mabilis ang panahon. Hindi pa ako natutong bumili ng sariling papel ay iiwan na pala natin non ang buhay hayskul. Paano nga ba tayo nagkakilala? Mabilis rin kasi ang mga pangyayari, ang hindi ko malilimutan ay ang araw-araw nating pinagsamahan at mga pinagdaanan.

Ilang beses nga ba? Ilang beses na nagtapang-tapangan akong hindi natatakot sa mga bumabanta sa akin para layuan at iwan ka? Palibhasa mga desperado't pangit. Hindi ko rin naman maikakaila na hindi talaga ako bagay sa'yo, kahit pa napapanganga ang iba kapag nalamang ako ang boyfriend mo hindi ko nalang sila iniisp, pinagpalagay ko nalang na hindi naman sila ikaw. Alam ko ring maswerte ako sa isang katulad mo, at hindi ko nasabi 'yon dahilan sa maganda ka kundi dahil sa'yo ko lang naramdaman ang ganito, na parang hindi ko yata mapapatawad ang sarili kung lilipas ang isang petsa sa kalendaryo na hindi nagkita tayo gaya na rin ng hiling mo. Hindi rin ako makakatulog kung kaninang may araw pa'y hindi ako nagkaroon ng pagkakataon marinig ang malambing na tinig mo.

Naalala ko na! Umuulan non 'diba? Nagulat nalang ako sa paglalakad ko may kumapit sa aking braso. Alam ko nang ikaw 'yon pero 'di naman ako makatingin sa'yo, abay malamig at umuulan na pinagpapawisan parin ako, salamat sa aking pulang payong, kundi dahil sa kaniya ay hindi nagkaroon ng pagkakataon magkapagusap at sa wakas ay magbangga ang tadhana ng dalawang teenager na matagal na palang lihim na nararamdaman para sa isa't-isa. Para akong si Ely Buendia non na hindi na ginustong tumigil pa ang ulan dahil sa naguumapaw na kaligayahang nararamdaman habang naka silong, naghihintay, at nagpapalitan ng katanungan. Tila tayo dati nang magkakilala na ngayon lang muli nagkita, malamang dahil ikaw ang crush ng buong paaralan, ako naman si slightly known fraternity guy na kasalukuyang sinusubok ang sarili sa pagbabagong buhay.

Kung hindi siguro dahil sa'yo ay naghari na sa akin ang katamaran. Nadala kasi ako noong minsan nahuli mong nagliwaliw at lumiban, isang buwan mahigit rin kitang sinuyo para mapatawad sa aking kasalanan. Hindi na siguro dahil don lang, naging inspirasyon ka na kasi sa akin, isa pa kung uuwi ako ng maaga paano kita makakasama? Uwian time parin talaga ang kasabikan kong inaabangan, lalu pa kung espesyal ang ang araw tulad ng monthsary at valentines.  

Ginulat mo ako noong isang araw na pauwi tayo. Alam ko nang may ibig sabihin ang pagyakap mo ng mahigpit sa braso at malungkot na sandal sa balikat ko, ang magulo lang ay kung bakit hindi mo masabi ito.

"May problema ba?" Hindi natinag ang pagiging tulala mo ng katanungan kong 'yon. Anlakas ng loob kong tanungin ka, hindi naman pala ako handang marinig ang sasabihin mo. Kahit tila nagunaw ang mundo ko ng araw na 'yon, walang galit na namuhay sa aking nararamdaman. Alam kong para sa ikabubuti't ikaliligaya mo ang naging pasya. Ipinagpasalamat ko na lang ang ilang araw pa na makakasama kita gaya ng gawain natin, pupunuin natin ng ala-ala ang bawat oras na magkasama.  

Isang taon na pala ang lumipas. Ginulat mo nanaman ako, wala pa nga akong malay na ikaw humabol sa likod ko namalo ka kaagad. Masasabi kong mas lalo ka pang gumanda ngayon, kamusta ang pagaaral mo ng kolehiyo sa maynila? Muling nagkita ang dalawang puso na noon ay s'yang nagpapaligaya sa isa't-isa. Sa tagal ng panahon na hindi nagkita tumila na ang ulan bago matapos ang tanungan at masayang kwentuhan. Sa pagkakataong 'yon isinara ko na ang pulang payong na halos sumuko na at tila ayaw nang magpagamit pa. Salamat at muli kitang nakasama kahit sandali lang, hindi mo man alam, binalik non sa akin ang mga masasayang ala-ala.

Babalik ka na pala kinabukasan, gustuhin mang pahabain pa ang oras na kasama ka'y wala na akong nagawa. Ipinagpasalamat ko parin ang sandaling oras na nakasama ka. Salamat hindi lang dahil sa muli tayong nagkita, salamat dahil minsang dumating sa buhay ko ang isang ikaw. Salamat, hanggang sa muling pagsusukob ng ating tadhana. Hanggang sa muling pagkikita.



S'yang Dahilan



S'yang sa akin ay gumabay
S'yang hindi tumigil sa pagaalala
S'yang hindi nangiwan sa oras ng lumbay
S'yang nariyan para pahupain mabigat kong akay

S'yang naging sandalan ng damdamin
S'yang nakinig sa bawat saloobin
S'yang napili kong mahalin
S'yang sa anumang bagay 'di maihahambing

S'yang inalayan ng pagibig
S'yang akala ko'y makakapiling lang sa panaginip
S'yang palaging laman ng aking isip
S'yang sa akin ay mukha ng pagibig

S'yang sa akin biglang nanlamig
S'yang naglaho pagiging malambing
S'yang parang tula sa tema ay lumihis
S'yang dahilan ba't sa buwan ako'y nakatitig

S'yang akala ko'y magtatagal
S'yang dahilan ng aking pagkalumbay
S'yang pumutla ang pagiging makulay
S'yang dahilan bakit ako ngayon nagiisa

S'yang ngayon ay naglaho na
S'yang inaasahan kong sana'y magbalik pa
S'yang minsan sa akin ay nagmahal
S'yang hiling minsan pa muling makasama




All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.