Lunes, Abril 30, 2012

Salamin



"Mahal kong Sheila hindi ko pa nasusulit ang pagiging mag-on natin kinailangan mo nang umalis. Isang taon mo rin akong pinaghintay sa matamis mong oo pero wala naman sa akin 'yon, doon ko naman kasi napatunayan na mahal kita at sincere ako sa matamis kong hangarin. Nakakapanghina lang isipin paghihintay nanaman ang akma kong gagawin. Kulang nalang sa facebook info idagdag ko sa hobbies ko ang waiting.

Simula noong umalis once in a blue moon ko nang matanggap ang simpleng pangangamusta mula sa iyo. Pagpasensyahan mo sana ako, kabisado mo naman ang ugali kong mabilis mainis. Ikaw kasi 'yan at 'yan lang ba talaga ang mga gusto mong sabihin? Hindi naman nadagdagan ang rate kaya bakit mo ako tinitipid? Hindi mo naman maidahilan ang pag-aaral na ipinunta d'yan dahil bakasyon naman. Imbis na maibsan ang pangungulila lalo lang tuloy kitang namimiss.

Sinabi mo "Hindi naman ako aalis para kalimutan ka" Pero sa lagay natin parang ganon na nga ang nagiging tema. Mahina ba ako? Hindi naman ako naging mahina pagdating sa'yo diba? Sabi mo hindi ka naman umalis para limutin ako pero sa iniwan mong kalagayan ko na araw-araw ay pareho, parang oras at sitwasyon na ang tumutulak sa akin para subukan limutin ang isang katulad mo."

Nasanay na ba akong wala ka? Ito na ba ang araw na kailangan kong lumabas at hanapin sa iba ang kaunting pagmamahal na inaasam ng puso ko't ngayo'y hindi mo mapunan? Ilang pasko at araw ng mga puso na rin akong single. Hindi na rin matulis at nag-aamba nang lumago ang bigote ko. Malapit-lapit na nga akong magpaalam sa pagiging teenager ko eh. Ang mahirap isipin baka ang naglalaro palang sa isipan ko na paglimot sa iyo ay nauna mo nang gawin sa akin~ Mga katanungan ko sa sarili habang nag-iisip at naka harap sa salamin. 

Akala ko rin kakayanin ko. Inakala ko ring hindi magbabago ang nararamdaman ko. Nakita ko kay Rachelle ang hanap-hanap kong pagmamahal at kalinga. Naging malapit kami sa isa't-isa. May kasalanan ako sa'yo, mahal ko na kasi siya. Hindi ko siya ginagamit para lang maibsan ang pangungulila sa mga araw na wala ka. Mahal ko si Rachelle at alam kong ganon rin siya. Masama ba ako? Masisisi mo ba ako kung naging mahina ako at isinuko kita pati na ang pangako natin sa isa't-isa? Mail ba ako dahil nagawa kong ipagpalit ka sa kaniya?..

_____________________________


Hanggang doon lang ang nakayanang basahin ni Sheila sa kwadernong itinagu-tago ng mahal niyang si Alvin. Kung saan isinulat niya ang mga katanungan sa sarili at mga saloobin niya sa mga oras na hindi kapiling ang mahal niya' si Sheila. Hindi na napigilan ni Sheila ang luha. Nanlalambot, nanghihina, at mukhang babagsak anumang oras. Inalalayan siya ng awang-awa sa kaniya na inay ni Alvin. Iniupo siya nito sa silya't binigyan ng maiinom na tubig.

Umuulan noong gabing 'yon. Pinapasayaw ng malakas na hangin ang mga kurtina sa salas kung saan naroon si Sheila at ang magulang ng mahal niyang si Alvin. Mahigit apat na taon na rin ang nakalipas mula noong umalis si Sheila rito, at mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas mula noong mangyari ang aksidente sa motorsiklo kung saan magkasama ang mahal niyang si Alvin at si Rachelle.

May galit sa puso ni Sheila. Sisi niya ang sarili sa lahat ng nangyari. Ilang oras din ang itinagal ng pag-iyak niya sa balikat ng inay ni Alvin. Muli kahit na nasasaktan at alam na dudurugin nito ang puso niya, inilabas ni Sheila ang kwaderno ng kanyang mahal mula sa pagkakayakap niya ng mahigpit rito. Sisimulan na sana niyang buklatin ito nang mahulog mula sa mga pahina ang dalawang larawan. Ang graduation picture niya at ang larawan ni Rachelle. Hindi makapaniwala si Sheila non sa kaniyang nakita.

"Hindi mo lang siya kamukha hija. Palaging banggit sa akin ng anak ko bago pa niya tayo iwan kung gaano kalaki ang pagkakapareha niyo kaya siya ang napili niyang mahalin."

"Palagi niyang banggit sa akin. Si Rachelle salamin siya ng dating ikaw."



Miyerkules, Abril 25, 2012

Scene



A blue blue peaceful sky
Memories projected by every white clouds
Group of birds flying around
Making the beautiful scene more proud

As i lay me on the grass
All my problems suddenly fades out
As i close and re-open my eyes
My heart's brand new, but not ready to start

Shaded by an old oak tree
Not letting temptations to dazzle me
The blue river not far from here
Where countless moments we shared and live

As i stand up and start to leave
Sun spread reddish ambient, almost done setting
I'll be here tommorow again
Reliving memories of you, in our favorite scene



Linggo, Abril 22, 2012

Tula ng Paghanga



Nabusog ako noong sabihing lilimutin ka
Kinain ko lahat ng aking salita
Sisimulan ko sanang limutin ka
Noong maisip ka, ngiti bumalik sa aking mukha

Noong sa harap ko'y dumaan ka
Anghel ay nangalabit, wari'y pinasusundan ka
Noong sa akin pa'y ngumiti ka
Puso kong tuliro ay kakaba-kaba

Sa tuwing makakatabi ka
Parang langit sa akin nagbukas na
Noong binati mo't kinausap pa
Damdamin ay naguumapaw ang sigla

Pag-ibig ang aking nadarama
Malaking paghanga sa 'yong ganda
Sa puso't isipan na'y nakapinta
Darating ang araw para sa'ting dalawa

Sa panaginip ko mananatili ka
Sa pagmamahal ko makakaasa ka
Ito ang aking tula ng paghanga
Para sa iyo lamang nilikha

Kung sana'y may lakas ng loob lang
Matagal nang inamin lihim na pagsinta
Kung hindi pa tayo noon nagkabangga
Hindi makikilalang lubos ang isa't-isa

Pinulot ang nahulog na aklat
Nagpaumanhin sa hindi ko pag-iingat
Pagkakataon ko'y hindi pinalagpas
Puso kong nahulog sayo ay isiniwalat

Ito ang tula ng aking paghanga
Kung saan pag-ibig ko ay naitala
Ito ang tula ng paghanga
Larawan ng ating naging simula



Martes, Abril 17, 2012

Galit ka pa ba Cynthia?



Galit ka pa ba Cynthia? Hindi ko naman sinasadya. Lagi ka nalang ganyan kapag ikaw naman palagi kitang pinagbibigyan. Hindi kita sinusumbatan gusto ko lang na maisip mo kung gaano ko iningatan ang mahalagang naguugnay sa ating dalawa, hindi yung tipong gagawa ako ng hakbang na pagsisisihan ko rin dahil ikasisira natin. Nanibago ako. Bakit hindi na lumipad pabalik ang eroplanong papel kung saan inilalakip ko ang damdamin at mga nais kong sabihin sa'yo. Wala ka lang kayang maitugon? O naisip mo na korny na kung ipagpapatuloy pa natin ang nakaugalian nating sulatan habang nasa eskwela?

Hindi naman ako natuwa dahil sa bulaklak na dala mo nung araw ng mga puso. Natuwa ako dahil sa wakas magkakaroon ng pagkakataon makausap ka at maiayos ang di pagkakaintindihan nating dalawa. Alam mo ba gaano kabigat yung naramdaman ko nang iabot mo kay Christopher ang mga bulaklak na 'yon? Maingat ang pa-atras na hakbang ko, tagu-tago sa likod ang tsokolate at bulaklak na ihahandaog sana sa'yo.

Ikaw na rin ang nagsabi. Kung may problema man na dumating magkasama nating aayusin. Kailangan pa bang pasikreto kitang tunguin? Dahil tuwing lalapitan ay pasimpleng lalayo ka lang rin.

Mahal mo pa ba ako? O tuwing nasa mood ka saka ko lang mararamdaman na nakikita mo pa pala ako. Pagsisisihan ko pa paminsan ang pagtingin sa'yo, dahil irap lang ang ipapalit mo. Talagang nakakapanibago. Tila wala na ang dating pag-ibig mo habang ito ako nagmamahal at umaasa parin sa'yo.

Tayo pa ba? Kung ako siguro ang tatanungin mapapa nganga sila kung sabihin kong oo. Sana hindi isang araw magulat nalang ako na may iba ka na. Mahirap kong tatanggapin 'yon, hindi naman ako artista na pwedeng lumipat sa kabilang stasyon para maka move on sa dating karelasyon.

Galit ka pa ba Cynthia? Nagselos ka ba nung nakitang kausap ko si Sheena? Magkaibigan naman kayo 'di ba? Kung wala nga s'ya baka hindi napakawalan ang mga naninirahang daga sa puso ko. Kung wala siya malalaman ko bang may pag-asa naman pala ako sa'yo. Huwag mo sana kaming gawan ng malisya, tinatanong ko lang naman sa kanya non kung ano sa tingin niya ang mas magugustuhan mo tsokolate o rosas. Kaya nga pareha nalang hindi kasi s'ya sigurado sa naisagot.

Sabi nila kung para sa'yo talaga, babalik at babalik yan! Pano kung maliit na bato sa malungkot na siyudad nalang ang pag-asa? Kahit sino siguro susuko na. Pero ako magbabaka-sakali parin, tiwala akong hindi mo rin sasayangin ang matagal na pinagsamahan natin.

Wala na ba akong halaga? Naghihintay lang ba ako sa wala? Mga katanungan na gabi-gabing nagpapanatiling gising sa akin. Kulang nalang butasin ang yero para mula sa kinahihigaan kung saan palagi akong tulala matatanaw ko ang mga tala.

Hindi sana ako tubuan ng balbas sa kahihintay. Hindi sana abutin na hindi na nangingitlog ang mga alagang itik. Dahil malamang matitigil nanaman ako sa pag-aaral.

Tanong ko. Galit ka pa ba Cynthia? Ang simpleng sagot na hinihintay kailan ko pa maririnig mula sa 'yong mga labi. Hindi kaya nagdadalawang isip ka kung bibitawan na ba ako at pagiisipan muna kaya hindi masagot ang katanungan. Ito ba yung sinasabi nilang Cool off? Siguro ganon na nga. Hiling ko lang na hindi mawala ang natitirang pag-asa na manunumbalik muli ang dati nating saya d'yan sa puso mo.

Diba sabi ko naman sa'yo? Wala na para sa akin ang nakaraan, wala kang dapat pagselosan. Ikaw lang ang mahal ko at hindi na ipagpapalit sa iba. Kung nakita mo man kaming masaya, yun ay dahil masaya siya para sa going strong relationship natin na ngayon ay parang telebisiyon na nahugot ang antena.  

Papaano palalambutin ang matigas mong puso? Papano susuyuin ang tulad mo na tila sa pagmamahalan natin na'y sumuko. Mga katanungan na ikaw lang ang nakakaalam ng kasagutan. Sana mapigilan ko pa ang sarili na gawin ang ibinubulong sa akin ng kaibigang hangin, kalimutan ka't sa iba na lamang ay tumingin.

Galit ka pa ba Cynthia? Hindi ko maipapangako na huling beses ko na itong itatanong sa'yo. Sobrang mahal na mahal kasi kita. Kung darating ang araw na isa ka nalang nakaraan. Hindi pa natatapos ang buhay ko masasabi ko na, na ikaw ang pinaka magandang ala-ala. Nakaraan na habang buhay kong ibabalik-tanaw.

Napansin mo ba Cynthia? Tila nawawalan na ako ng pag-asa sa parting ito ng aking liham. Handa na akong tanggapin kung ano man ang ibibigkas ng mga labi mo. Naisip ko kung masaya ka nang wala ako, bakit iiipit ko pa ang sarili ko sa'yo?

Siguradong wala kang tugon. Hindi na ako aasa na gagawin mong eroplano ang papel na ginamit ko at ililipad ito pabalik sa akin. Alam ko rin na hindi man lang ito nabasa sa kahit isang patak ng luha mo. Sana sa pagtiklop mo o pag-punit ng liham na ito dungawin mo ako sa labas ng bahay niyo, kahit isang kaway sa pag-alis ko alam ko na ang ibig sabihin non. I'll always love you. I'm releasing you Cynthia.

Hindi ako makapaniwala sa nakita, namumula ang mga mata ni Cynthia na parang galing sa pag-iyak. Nagpakita lang siya at sinarado agad ang bintana. Doon ko na sinimulan ang paghakbang sa malayo ko pang lakarin. Hindi ko inaasahan ang yakap galing sa likod na gumising sa aking diwa. Hinawakan ko ang kanyang kamay tangan ang mamasa-masang papel. Hinarap ko si Cynthia binigyan siya ng maamong ngiti at pinunasan ang kanyang luha at tinanong siya "Galit ka pa ba Cynthia?".



Biyernes, Abril 13, 2012

Muli



Tinungo ko ang dating kwarto na may halong galak, una kong tinungo roon ang bintana. Apat na taon rin mula noong nilisan ko ang bahay namin sa probinsya kung saan na rin ako lumaki at nagka-isip. Lumabas ako ng bintana at sumampa sa marupok na bubong, itinaas ang dalawang kamay at sininghot ng malalim ang namiss kong hangin ng probinsya "Finally i'm back!" Ansama! Amoy dumi ng pusa.

Bakit nga ba kinailangan pang sa maynila ako magkolehiyo gayung meron naman dito? Hindi ko rin naintindihan noon. Pero sa huli inamin rin sa akin ng kinilala kong Tiyo at Tiya na sila ang tunay kong mga magulang. Hindi ko na sinubukan itanong pa kung bakit ako napunta kay Tatay at Nanay, alam ko naman sa sarili ko kung bakit. Masaya ako sa piling nila at ganon din sila sa akin, bagay na hindi ko naramdaman sa mga panahong nasa piling ako ng mga tunay kong magulang.

Mahirap sa simula pero malaki na ako at kayang desisyunan ang sarili. Kaya heto't mas pinili kong mga kinagisnan kong magulang na kahit kailan ay hinding-hindi ko magagawang talikuran. Mas pagsisisihan ko ang hindi tumanaw ng utang na loob at pagsukli ng pagmamahal sa maraming taon na kalinga at pag-aalagang natamo, kesa sa naging desisyon kong hindi pagyakap sa katotohanan. Salamat rin at tanggap nila ng buo ang aking naging pasya.

Galing ako sa inyo kanina. Si aling Liza ang nanay mo ang aking naabutan at mukhang hindi na niya ako kilala. Sino daw ba ako!? galit pang parang ako ang kaaway, wala nanaman kasi sa mood na mapaliguan ang bunso mong kapatid na si John-John. Tumatakbo pa't yumakap sa binti ko sa takot maabutan ng pamalong tabo. Mabuti pa siya nakilala parin ang dati-rati'y supplier ng pang stick-o niya.

Tinungo ko ang ating tambayan. Sa ilalim ng punong mangga kung saan nagsimula ang lahat-lahat. Ang puno na siya ring saksi sa lahat ng ating pinagdaanan.

"Kamusta?" Tanong ko sa puno kahit alam na hindi naman ito magsasalita. Gusto ko lang naman malaman kung bakit ngayon ay hindi siya namumunga.

Naisip ko tulad ko rin pala ang punong mangga noong umalis ako. Sa matagal na panahon ay titigil sa pamimigay ngunit darating ang araw na bubusugin ka sa pagmamahal at hanggang sa huli mananatiling matibay.

Hinintay mo pa kaya ako? Hindi ka kaya nakalimot sa pangako natin sa isa't-isa? Labis pa akong kinabahan nang makitang burado na ang inukit kong pangalan natin sa katawan ng punong mangga. Naalala ko tuloy matagal ko rin 'yong tinakpan nakakahiya kasi, hindi pa naman tayo bestfriend palang kita. Malay ko bang maiinlab ako sa isang makulit na Jessica? At malay ko bang nasa likod lang pala kita? Wala na akong lusot kaya sumuko rin at umamin na.

Akala ko magagalit ka. Akala ko magbabago ka na dahil sa nalaman. Pero mas lalo mo pang pinahalagaha ang magandang pagsasama natin, at inalagaan ang pagtingin ko sa'yo. Masyado mo nga lang akong matagal pinaghintay pero masaya ako na sa huli ay tinanggap mo ang pagmamahal ko.

Siguradong naalala mo pa, noong araw sinabi kong 'di magtatagal ay aalis ako. Ginawa ko lang biro ang sinabing hindi na ako babalik pa. Itinapat mo nga sa mukha ko ang kamao mo at sinabing "Subukan mu lang!". Parang iiyak ka na, sambakol ang mukha at nakanguso mo pang pinagmasdan ang pulseras na pinagpuyatan ko na sinabing magpapa ala-ala na narito lang ako para sa'yo malayo man o malapit.

"Kala ko ba walang iwanan?" Nag-aalalang tanong mo habang naka sandal ang ulo sa balikat ko. Kung alam mo lang sa mismong tambayan na ako nakatulog non sa kakaisip kung papano magpapaalam sa'yo.

Mahirap ang naging dagok ng buhay sa akin. Marami akong bagay na kinailangan tanggapin. Papaano ba ako magsisimula muli? Sana nandito ka para samahan ako.

Pinawi ng saglit kong pananatili sa tambayan ang pananabik na muling makabalik at maramdaman ito. Kahit saglit lang lahat ng ala-ala mo'y madaling nagbalik, mga masasayang gabi't araw na kasama kita. Ikaw kasi nangiwan ka kaagad. Babalik at babalikan ko ang ating tambayan, sa ilalim ng punong mangga kung saan nagsimula ang lahat-lahat. Sa lugar kung saan malaya kong aalalahanin ang lahat ng bagay tungkol sa'yo at hindi makakalimot hanggang hindi natutupad ang pangako sa isa't-isa na magsasamang muli.


Muli, binalikan ko ang ating tambayan. Ang ating tagpuan sa ilalim ng punong mangga. Ang pinaka malapit na lugar sa langit kung saan naroon ka.



All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.