Saturday, November 5, 2011

Fool Ride



Alas singko y medya ng umaga, sapat naman ang itinulog ko pero gaya ng inaasahan ay nakaidlip parin ako sa bus sa kasagsagan ng biyahe.

Ginising ako ng malakas na busina ng kasabayang trak sa kalsada. Biglang lapit sakin ng konduktor, nag-butas ng papel at inabutan ako ng tiket. Kaya pala nagmamadali ako nalang pala ang hindi pa nag-aabot ng bayad.

Hindi naman ako inimbita ni Jewel na sumama sa kanila ngayong undas. Ewan ko ba kung bakit ngayon ko pa naisip ipagtapat sa kanya na may iba na akong naiibigan at ipaalam ang balak kong pakikipag hiwalay.

Masasabi kong naging tapat, mabait, at matinong boyfriend naman ako kay jewel heto nga't ayoko nang patagalin ang panloloko sa kanya at sa nararamdaman ko. Karapatan niya na malaman ang totoo.

kasalanan niya rin siguro, hindi naman ganito ang mararamdaman ko kung 'di dahil rin sa pagiging abala niya sa trabaho at pamilya dagdag pa roon ang pagiging malayo namin sa isa't-isa. Nawalan na siya ng oras para sakin 'di tulad nung mga araw na nasa kolehiyo pa kami kung saan araw-araw ko siyang nakikita at nakakasama. Siguro nga ay nasanay lang ako pero minsan hindi maiwasan pumasok sa isip ko "May girlfriend pa ba ako na nag-aalala para sakin?".

Muli akong nagising sa pagkaka idlip isang grupo ng mga kababaihan ang hinintuan ng Driver para pasakayin. Tingin ko ay kalalabas lang nila galing sa trabaho, tanaw ko 'di sa kalayuan ang malamang ay ospital na pinapasukan nila. Jackpot naman si manong dahil mukang kabababa palang ng ibang pasahero mula sa huling hinintuan ng bus.

"Bilib rin ako sa mga nurse na yan eh. Biruin mo araw na ng mga patay nagliligtas parin sila ng buhay ng mga pasyente" bigkas ng katabi kong lalaki sabay tingin sa akin na para bang naghihintay na kausapin ko rin siya.

Ibinaling ko rin ang tingin sa mga pasaherong nurse at ngumisi bilang pagpapakita ng atensyon sa sinabi ng lalaking katabi ko. Pakiwari ko ay kaunti lang ang tanda niya sa akin, kahit di ko gawain ay sumagot narin ako at kinausap siya."Hindi naman po nila trabaho yun, trabaho po ng doktor ang sinasabi niyo" sagot ko sa kanya. "Ano kaba ganun narin yon" sagot niya sabay tapik sa balikat ko sa pag-aalala na baka di ako matuwa sa sinabi niya.

"Naaalala ko kasi ang kapatid ko sakanila, nurse din kasi siya katulad nila" pahabiol na sabi niya.

"Ako kuya nagaral din po ako ng nursing pero hindi ko po natapos, nag iba ako ng kurso."

Hindi siya nagbigay ng anumang reaksyon sa sinabi ko, bagkus ay itinuloy niya ang sinasabi tungkol sa kapatid niya.

"Yung kapatid ko na 'yon simula ng makatungtong ng kolehiyo ay nagtrabaho para may pambayad sa tution niya. Hindi naman kasi kami mayaman may mga kapatid pa siyang nagaaral din kaya baka hindi kayanin ng mga magulang namin ang pagpapa-aral sakanila. Ngayon na isa na siyang ganap na nurse at nagtatrabagho, siya na ang nagpapaaral sa mga kapatid namin. Napaka sipag ng kapatid ko kapag walang duty ay sumasama sa mga kaibigan niya na nagvovolunteer sa iba't-ibang lugar. Higit sa lahat ng kinabibiliban ko sa kanya ay pagiging maalalahaning kaibigan, responsableng anak at mabuting kapatid niya.."

"Nagsisimula narin po akong bumilib sa kapatid mo kuya, matanong ko lang po may asawa na po ba siya?" Singit kong tanong sa kausap.

"Wala pa siyang asawa, hindi ko alam kung may boyfriend na siya. Pero sana kung meron man siyang boyfriend, sana ay yung marunong umintindi yung tipong mauunawaan kung para saan ang ginagawa niya at palaging nandiyan para sa kanya. Ayokong masasaktan ang kapatid ko pisikal 'man o emosyonal ng kung sinu-sinong lalaki lang na hindi naman deserving sa pagmamahal niya."

"Ikaw ba may girlfriend ka?" Pausisang tanong niya sa akin. "Meron po" agad kong sagot.

Matagal kaming hindi nag imikan, sikat narin ang araw tumayo na si Kuya at inabot ang dala-dala niyang bag dahil malapit na ang huling bababaan ng mga pasahero. Humabol ako ng isa pang tanong sa kanya bago pa magbabaan "Ikaw kuya ano nga pala ang trabaho mo?"

Umayos siya ng upo at pagkatapos ay lumayo ang tingin tila nag-isip pa ng isasagot sa tanong ko. Tumigil na ang bus ng masagot niya ang tanong ko, nakatayo na siya handa nang umalis at sinabing "Wala binabantayan ko lang ang pamilya ko".

Nagsimula ng magsiksikan sa gitnang bahagi ng bus dahil marami ang bababa. Nanatili naman ako sa aking kinauupuan at pinauna na ang mga nasa likuran kaya ng bumaba ako ay hindi ko na nakita ang kausap nakalayo na siguro siya o nakasakay na ng tricycle.

Nakarating na ako kila Jewel nasa terrace lang siya nakaupo at may binabasa. Malaki ang naging epekto sakin ng mga sinabi ng lalaking nakausap ko, hindi lang nawala ang antok ko nakatulong din yon para malamang nagiging unreasonable pala ako sa mga ginagawa at iniisip ko. Napagisip-isip kong wag nang ituloy ang dahilan kung bakit ko sinadya si Jewel.

"Mhine"

"Oh Mhine bakit ang aga mo akala ko mamaya kapa". Masayang pag salubong sakin ni Jewel hinawakan niya ang kamay ko at tinitigan ko naman ang mga mata niya. "May problema ba Mhine? bakit ayaw mong magsalita dyan?".

"Hindi wala Mhine dahil sa biyahe lang siguro" ang totoo ay masaya lang ako, ngayon ang di ko naman masabi sakanya ang katotohanan mahal na mahal ko siya.

"Wait Mhine ah ikukuha kita ng juice" kahit tumanggi ako ay pumasok parin siya ng bahay para kumuha ng maiinom. Dahil mga ilang oras rin akong di nakapanigarilyo, lumabas muna ako ng gate nila at nagyosi.

Tinungo ako sa labas ni Jewel at inabot sakin ang isang baso ng juice "Sunod ka nalang sa loob Mhine ha? wala namang tao dito nauna na sila doon sa sementeryo marami kasing bitbitin mahihirapan kung makikipagsabayan pa mamaya, nagpaiwan lang ako kasi sinabi mo ngang pupunta ka."

"I love you Mhine" di ko maintindihan ang naging facial reaction ni Jewel sa sinabi kong 'yon. "Kakaiba ka ngayon Mhine ha may sakit ka ba? sige na nga I Love You Too! ubusin mo na yan ha tapos pasok ka na."

Papasok na sana ako, ipapatong ko lang saglit ang baso na ginamit ko sa lamesa kung saan may binabasa si Jewel kanina, doon niya kasi iniwan yung sa kanya kaya doon ko na rin iiwan 'ang baso ko. Pag lapit ko doon nalaman ko hindi pala nagbabasa si Jewel kanina picture album pala ang kaharap niya. Naisip kong umupo muna at tignan ang mga litratong nilalaman nito. Pinagpawisan ako, hindi ako makapaniwala sa natuklasan ko.

Pagdating namin sa sementeryo ay nag mano agad ako sa mga magulang ni Jewel naka kwentuhan ko rin sila kilalang kilala nila ako kahit ngayon lang naman kami nagkita-kita. Habang si Jewel ay nagdadasal sa loob sa tapat ng nitso ng kanyang lolo at kuya lumapit ako at nag tirik ng kandila.

"Kamusta kuya? pasensya ka na kuya kung kinailangan pa nating magkakilala para marealize ko kung gaano kahalaga si Jewel. Kinailangan mo pang magpakita sakin para malaman kong ako pala ang nagkukulang at hindi siya. Kinailangan pang makilala kita para maisip na maswerte ako na magkaroon ng kasintahan na tulad niya. Maraming salamat kuya pangako aalagaan at babantayan ko siya."

"Mhine? Sayang 'di mo nakilala si kuya siguradong magkakasundo kayo kung nagkataon."


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin